PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE ANIMNAPU

TINATAMASA ANG NATATAGONG MANNA
SA LOOB NG PRESENSIYA NG DIYOS


ANG AGWAT SA PAGITAN NATIN AT NG PANGINOON

Sa mensaheng ito ay kailangan nating isaalang-alang ang ilang prinsipyo hinggil sa espirituwal na pagkain. Ang pagkain ng espirituwal na pagkain ay lubusang nakasalalay sa agwat sa pagitan natin at ng Panginoon. Ang agwat na ito ang nagtatakda kung gaano ang makakain nating espirituwal na pagkain. Kung malayo tayo sa Panginoon, hindi tayo makababahagi ng anumang espirituwal na pagkain. Nang ang mga anak ni Israel ay nasa Egipto, hindi sila makakain ng manna, dahil ang manna ay espirituwal na pagkain para sa bayan ng Diyos sa ilang. Yaong mga nasa ilang ay mas malapit sa Diyos kaysa sa mga nasa Egipto. Nang mga panahong yaon, ang Diyos ay wala sa Egipto; Siya ay nasa ilang. Kung sinuman ang nagnanais na makabahagi sa espirituwal na pagkain, ang makalangit na manna, kailangan niyang iwan ang Egipto at pumunta sa ilang. Hangga't nasa Egipto ang mga Israelita, wala silang espirituwal na pagkain. Kahit na ang isang Israelita ay nasa ilang, kailangan pa rin niyang lumapit sa kampamento ng mga anak ni Israel upang makabahagi ng manna. Kung malayo siya sa kampamento, magiging mahirap para sa kanya ang makapagtamasa ng makalangit na manna. Sinumang nagnanais makakain ng manna ay kinakailangang makisama sa kampamento ng mga anak ni Israel. Sa ganito ay nakikita natin na ang agwat sa pagitan natin at ng Panginoon ay napakahalagang bagay sa pagtatamasa ng espituwal na pagkain.

Ang manna ay bumababa malapit sa kampamento, at yaong mga lumabas lamang sa Egipto at nagkampo kasama ng bayan ng Diyos ang may pribilehiyong magtamasa dito. Matapos matamasa ng mga anak ni Israel ang manna, iniutos ng Diyos sa mga Israelita na maglagay sa harap Niya ng isang omer ng manna (Exo. 16:33). Ang manna ay nanggaling sa Diyos para sa kanila, at naghandog sila ng isang bahagi niyon pabalik sa Diyos. Ano ang natatagong manna? Ang natatagong manna ay walang iba kundi ang mainam na bahagi ng manna na ibinigay ng Diyos at inihandog naman pabalik sa Diyos. Ito ang espesyal na bahagi ng manna. Kapag ang manna ay nailagay na sa harap ng Diyos; ito ay hindi na ang hayag na manna; ito ay naging ang natatagong manna dahil, matapos mailagay sa harap ng Diyos, ito ay inilagay sa sisidlang ginto, at natatago sa loob ng kaban sa loob ng Dakong Kabanal-banalan sa loob ng tabernakulo. Dati, ang manna ay nasa ilalim ng langit sa labas. Ito ay hayag sa anuman at sa kaninuman. Nguni't matapos ang mainam na bahagi na mailagay sa harap ng Diyos at maipasok sa sisidlan, ito ay natatago sa kaloob-loobang bahagi ng tabernakulo, ang Dakong Kabanal-banalan, kung saan ito ay inilagay sa harap ng patotoo ng Diyos. Sa gitna ng mga anak ni Israel ay ang tabernakulo, sa loob ng tabernakulo ay ang Dakong Kabanal-banalan, sa loob naman ng Dakong Kabanal-banalan ay ang kaban, sa loob ng kaban ay ang sisidlang ginto, at sa loob ng sisidlan ay ang manna. Kaya, ang manna ay ganap na natatago. Sa ganitong paraan, ang mainam na bahagi ng manna ay natatago.

Ipagpalagay na ikaw ay isang Israelita na lumabas sa Egipto at nagkakampo kasama ng bayan ng Diyos. May pribilehiyo kang kumain ng hayag na manna, nguni't wala kang karapatang kumain ng natatagong manna. Dahil malayo ka sa kaloob-loobang silid ng tabernakulo, wala kang karapatang tamasahin ang natatagong manna. Nasaan ang Diyos? Siya ay nasa loob ng Dakong Kabanal-banalan, nasa kaloob-loobang silid ng tabernakulo. Halintulad sa mga taga-Egipto at sa ibang nangasa ilang, ikaw ay mas malapit sa Diyos. Nguni't, dahil nasa labas ka ng labas na looban ng tabernakulo, hindi ka gayong kalapit sa kanya. Kahit na sa bandang huli ay makapasok ka sa labas na looban, hindi ka pa rin makapapasok sa Dakong Banal, lalo na sa Dakong Kabanal-banalan. Kung ikaw ay saserdote, maaari kang makapunta sa Dakong Banal at mapalapit sa Diyos kaysa sa mga Levita na naglilingkod sa labas na looban. Gayunpaman, kahit na ikaw ay maging saserdoteng naglilingkod sa Dakong Banal, wala ka pa rin sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Kaya, may pagitan pa rin sa pagitan mo at ng Diyos. Kung nais mong matamasa ang natatagong manna, dapat walang agwat sa pagitan mo at ng Diyos. Ang lahat ng agwat sa pagitan mo at ng Panginoon ay dapat na maalis.

Sa mensaheng ito ay hindi ko pagkakaabalahang ipaliwanag kung ano ang natatagong manna, dahil lalo kong ipaliwanag iyon ay lalo kayong maguguluhan. Sa halip, magtatanong ako: gaano ka kalapit sa Panginoon? May agwat pa rin ba sa pagitan ninyo? Kung mayroon, matatamasa mo ang hayag na manna, nguni't hindi mo makakain ang natatagong manna. Kung babahagi tayo ng natatagong manna, kailangang walang agwat sa pagitan natin at ng Panginoon. Ang bagay na ito hinggil sa agwat ay lubhang nakapaglalantad. Bagama't maaaring hindi natin alam kung ano ang natatagong manna, alam natin kung gaano tayo kalayo sa Panginoon. Nasaan kayo? Nasa Egipto ba kayo? Kayo ba ay nasa ilang, o nasa kabilang kalye ng tabernakulo? Kayo ba ay nasa labas na looban, nasa Dakong Banal, o nasa Dakong Kabanal-banalan? Kung tayo ay tapat, sasabihin ng ilan na sila ay nasa labas na looban ng buhay-ekklesia. Maging sa buhay-ekklesia ay may mga baha-bahagi: ang bahagi ng labas na looban, ang bahagi ng Dakong Banal, at ang bahagi ng Dakong Kabanalan-banalan. Maging sa loob ng Dakong Kabanalan-banalan ay may ilang maliliit na baha-bahagi. Kung kayo ay nasa labas na looban o sa Dakong Banal ng buhay-ekklesia, hindi ninyo mahihipo ang natatagong manna. Ang makakain lamang ninyo ay ang mga hain sa dambana o ang tinapay sa dulang. Wala pa rin kayo sa lugar kung nasaan ang natatagong manna.

Matapos makapasok ang mga anak ni Israel sa mabuting lupain, kinain nila ang ani ng lupain. Sa Lumang Tipan ay malinaw na sinabihan tayo na ang lahat ng mga anak ni Israel na nasa mabuting lupain ay makababahagi ng ani ng lupain anumang panahon. Nguni't ang sinumang nasa labas ng hangganan ng lupain sa ay walang karapatang tamasahin ang aning ito. Nakikita na naman natin ang bagay hinggil sa agwat. Nang nagtitipun-tipon ang mga anak ni Israel upang kumain noong panahon ng tatlong taunang pista, hindi nila kinakain ang pangkalahatang ani, kundi ang bahagi ng ani na sadyang inilaaan para sa pista. Sa mga karaniwang araw, tinatamasa ng mga Israelita ang bahaging para sa lahat. Sa panahon ng mga pista, gayunpaman tinatamasa nila ang espesyal na bahagi, ang isang mainam na ikasampung bahagi, dahil malapit sila sa Diyos, sa pagkakatipun-tipon nila sa paligid ng pinananahanan ng Diyos kung saan nila tinatamasa ang mainam na bahagi ng ani ng mabuting lupain, na siyang inihandog nila sa Diyos (Deut. 12:17-18; 14:22-23). Isa pang ikasampung bahagi ng kanilang ani ang ibinibigay sa mga saserdote at mga Levitang naglilingkod sa labas na looban o sa Dakong Banal at mga mas malalapit sa Diyos kaysa sa mas nakararaming tao. Kaya, lalong malapit ang isang Israelita sa Diyos, lalong mainam ang kanyang pagtatamasa sa espirituwal na pagkain. Ayon sa Bilang 18:26-28, matapos matanggap ng mga saserdote at mga Levita ang ikapu, inihahandog nila ang ikasampung bahagi ng ikasampung bahagi sa Panginoon. Ang pinakamainam na bahaging ito, na inihandog sa Diyos bilang handog na itinaas, ay ibinigay pagkatapos sa mataas na saserdote na naglilingkod sa Diyos sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Yamang siya ang pinakamalapit sa Diyos, mayroon siyang karapatang magtamasa sa pinakamainam na bahagi ng ani ng mabuting lupain.

Kung pakakainin tayo ng Diyos, nasa loob dapat tayo ng kinasasaklawan kung saan nagpapakain ang Diyos sa Kanyang mga tao. Kung hindi, tayo ay hindi makapagtatamasa ng alinmang espirituwal na pagkain. Gayunpaman, kung mananatili tayong malapit sa hangganan ng kinasasaklawang ito, ang bahaging para sa lahat lamang ng espirituwal na pagkain ang magiging atin. Nguni't kung pupunta tayo sa sentro, sa Diyos, matatamasa natin ang mas mainam na bahagi ng espirituwal na pagkaing ito. Kung ako ay isang Israelita na nasa mabuting lupain, mayroon akong karapatang tamasahin ang bahagi ng ani ng mabuting lupain na para sa lahat. Nguni't kung hinahanap ko ang Diyos, pumupunta ako sa templo sa panahon ng mga taunang pista, mapalalapit ako sa Panginoon at magkakaroon ng pribilehiyong magtamasa ng mas mainam tatlong ulit taun-taon. Hindi ito ang bahaging para sa lahat; espesyal na bahagi ito ng ani ng lupain. Kung ako ay isang Levita sa labas na looban o isang saserdote sa Dakong Banal, matatamasa ko ang mas mainam na bahagi ng ani ng lupain araw-araw. Kung ako naman ay isang mataas na saserdote na naglilingkod sa loob ng presensiya ng Diyos, sa pagiging malapit sa Kanya, may karapatan akong magtamasa sa pinakamainam na bahagi, ang pinakamagaling na bahagi ng ani ng mabuting lupain. Kaya, ang bahagi ng ating espirituwal na pagkain ay nakasalalay sa agwat sa pagitan natin at ng Panginoon.

ANG NATATAGONG MANNA
IPINANGAKO SA MGA MANDARAIG

Masasabi ng ilan na ang natatagong manna ay itinago para lamang maging isang ala-ala, hindi para kainin. Kung wala tayong Apocalipsis 2:17, ang katuwirang ito ay maaaring may kaunting katuturan. Nguni't sa bersikulong ito ay ipinangako ng Panginoon na ang omer ng manna na iningatan sa loob ng presensiya ng Diyos bilang ala-ala ay ibibigay sa mga mandaraig upang kainin. Hindi ito ipinangako sa mga makasanlibutang Kristiyano, doon sa mga ligtas nguni't nananatili pa rin sa Egipto; hindi rin ito ipinangako sa mga nagpapagala-gala sa ilang. Ito ay isang pangakong ibinigay sa mga mandaraig sa ekklesia na nasa Pergamos. Ang ekklesia sa Pergamos ay nagpakasal sa sanlibutan. Ito ang ekklesiang bumalik sa Egipto, ginawang mas makasanlibutan ang bahay ng Diyos kaysa sa bahay ng mga taga-Egipto. Ang pangakong pagkain sa natatagong manna ay ibinigay sa mga mandaraig na nasa gayong makasanlibutang ekklesia. Ito ay nangangahulugang kung madadaig natin ang pagiging makasanlibutan, mapapasa-presensiya tayo ng Diyos at magkakaroon ng pribilehiyong makakain ng natatagong manna. Ang mannang ito ay natatago rito sa ilang siglo na. Nguni't parang sinasabi ngayon ng Panginoon, "Dahil namumuhi kayo sa sanlibutan, sa situwasyon ng sanlibutan, sa makasanlibutang ekklesia, at sa makasanlibutang ugnayan ng ekklesia at ng sanlibutan, at dahil napakalapit ninyo sa Akin, pakakainin Ko kayo ng natatagong manna na natatago sa loob ng Aking presensiya." Bago sabihin ng Panginoon ang pangakong ito sa mga mandaraig sa Apocalipsis 2:17, sinabi Niya, "Ang may pakinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga ekklesia. "Nawa magkaroon tayo ng pakinig upang mapakinggan ito.

Halos magdadalawampung siglo na, si Kristo ay ibinibigay mula sa mga kalangitan bilang hayag na manna. Nguni't sa ilalim ng Kanyang ekonomiya, iningatan ng Diyos at iniingatan pa rin Niya ang espesyal na bahagi ni Kristo sa loob ng Kanyang presensiya, at ang sinumang may agwat sa pagitan Niya at ng Diyos ay walang karapatang kumain niyon. Maraming Kristiyano ang nakapagtamasa kay Kristo bilang kanilang hayag na manna. Kung babasahin ninyo ang kasaysayan at mga talambuhay ng mga banal, makikita ninyong marami sa kanila ang nagtamasa kay Kristo bilang hayag na manna. Nguni't ang mainam na bahagi ni Kristo ay iningatan sa loob ng presensiya ng Diyos at maging ngayon nga ay naririto para sa mga tumatangging makisama sa ekklesia noong ito ay naging makasanlibutan at nagpakasal sa sanlibutan. Sa paningin ng Diyos, may naging espirituwal na kasalanan sa pagitan ng napababang ekklesia at ng sanlibutan. Si Kristo ang dapat na maging asawang-lalake ng ekklesia. Nguni't ngayon ang ekklesia ay nagpakasal sa sanlibutan, na hindi isinasaalang-alang si Kristo bilang kanyang asawang-lalake. Sa mga minamahal na hindi sumasang-ayon sa kasal na ito at sa halip ay mga mahigpit na nananatili sa loob ng presensiya ng Diyos, ipinangako sa kanila ng Diyos yaong bahagi ni Kristo na natatago sa loob ng presensiya ng Diyos. Ito ang natatagong manna.

NAGLILINGKOD SA PANGINOON
SA LOOB NG KANYANG PRESENSIYA

Sa munting aklat, "Ministry to the House or to the Lord," hinihikayat tayo ni Kapatid Nee na maglingkod sa Diyos, hindi sa iba pang mabuting bagay maliban sa Diyos. Nguni't tingnan ninyo ang situwasyon ng mga Kristiyano ngayon. Halos lahat ng mga Kristiyano ay naglilingkod sa ibang bagay maliban sa Diyos, hindi sa Diyos Mismo. Nagpupunta sila sa mga lugar ng kanilang misyon, nagpapahayag ng ebanghelyo, nangangalap ng mga kaluluwa, at nagtuturo ng Bibliya. Maraming gayong gawain, mga gawaing para sa Diyos, nguni't iba pa sa Diyos Mismo. Lahat ng mga kabilang sa gayong gawain ay may karapatang magtamasa sa hayag na Kristo, ang hayag na manna. Nguni't mayroon pang mainam na bahagi ni Kristo na natatago sa presensiya ng Diyos, nakareserba lalo na sa mga walang pinaglilingkuran kundi ang Diyos Mismo.

Ngayon tayo ay nasa gayunding situwasyon sa ekklesia sa Pergamo. Ang Kristiyanismo ay lumabas sa presensiya ng Diyos. Hindi lamang ang Kristiyanismo na tumalikod sa katotohanan bagkus maging ang tinatawag na pundamental na Kristiyanismo ay malayo sa presensiya ng Diyos. Maraming bagay ang ginagawa ng Kristiyanismo para sa Diyos, nguni't ang mga bagay na ito ay hindi ang Diyos Mismo. Kaya, may espesyal na bahagi ni Kristo ang natatago sa loob ng presensiya ng Diyos sa mga minamahal na magtatagumpay sa situwasyon ng ekklesia sa Pergamo. Ang magtagumpay sa kundisyon ng ekklesia sa Pergamo ay ang ihiwalay ang iyong sarili mula sa karaniwang gawi ng Kristiyanismo ngayon at ang manatili sa loob ng presensiya ng Diyos na naglilingkod sa Kanya nang tuwiran, hindi sa anupamang bagay. Dito ay mayroon tayong pagtatamasa sa natatagong manna, ang espesyal na bahagi ni Kristo. Dito ay may natatamasa tayo kay Kristo na hindi matatamasa ng mga malalayo sa Kanyang presensiya.

Tingnan ninyo ang paglilingkod sa paligid ng tabernakulo sa Lumang Tipan. Ang mga Levita ay naglilingkod sa labas na looban, at ang mga saserdote ay naglilingkod sa labas na looban at sa Dakong Banal kung saan nila inaayos ang tinapay, inaayos ang ilawan, at sinisindihan ang insenso. Nguni't kapag pumasok ang mataas na saserdote sa Dakong Kabanal-banalan, wala nang masyadong gagawin. Dito sa loob ng Dakong Kabanal-banalan, tuwirang naglilingkod ang mataas na saserdote sa loob ng presensiya ng Diyos. Dito sa loob ng Dakong Kabanal-banalan, ang naglilingkod ang siyang nagtatamasa ng natatagong manna. Ano ang natatagong manna? Ito ay yaong bahagi ni Kristo na tinatamasa natin sa loob ng presensiya ng Diyos kapag walang agwat sa pagitan natin at Niya.

Tulad ng maipatotoo nating lahat, maraming pagkakataon na natanto nating hindi tayo masyadong malapit sa Panginoon. Nguni't, kahit na may agwat sa pagitan natin at ng Panginoon, mayroon pa rin tayong natatamasa sa Kanya. Gayunpaman, nararamdaman nating ang ating pagtatamasa sa Panginoon ay hindi gayong katamis. May ibang pagkakataon namang parang mas malapit tayo sa Panginoon at nararamdaman nating ang pagtatamasa sa Kanya ay mas matamis. Ilan sa mga kabataaan ay matutukso pa ring magpunta sa mga sinehan. Kung ang isang batang kapatid-na-lalake ay manonood ng sine, sa isang banda, siya ay makapagtatamasa pa rin kay Kristo habang naroroon siya. Habang nanonood siya ng sine, maaaring bagabagin siya ni Kristo, na sinasabi, "Ano ang ginagawa mo rito? Lumabas ka na at huwag ka nang babalik pa." Anong uri ng karanasan ito? Ito ang karanasan kay Kristo bilang ang pinakahayag na bahagi ng hayag na manna. Minsan habang nagsasagutan naman ang mag-asawang Kristiyano, nararamdaman nila, kahit na sila ay nagtatalo, na nagtatamasa sila kay Kristo. Habang ang kapatid na lalake ay nakikipagtalo sa kanyang asawa, maaaring masabi ng Panginoon, "Tigil! Ano ang ginagawa mo rito? Sinisira mo lang ang buong situwasyon. Huwag mo nang gagawin ito kailanman. Pumasok ka na sa iyong silid, lumuhod ka, at manalangin sa Akin." Ito rin ay isang pagtatamasa kay Kristo bilang hayag na manna. Nguni't sa ibang mga pagkakataon, kapag walang agwat sa pagitan natin at ng Panginoon, natatamasa natin si Kristo sa pinakamalapit at natatagong paraan. Ito ang pagtatamasa sa natatagong manna, ang natatagong bahagi ni Kristo.

Marami sa ating mga nakasama sa iba't ibang uri ng gawaing Kristiyano noon ang naliwanagan upang makitang hindi na tayo makasasama sa gayong gawain. Binitawan na natin iyon at tinahak na ang makitid na daan. Sa panlabas, sinabi sa atin ng mga tao, "Pinapatay ninyo ang inyong mga sarili." Oo, sa pagbitiw sa ating gawain ay pinapatay natin ang ating mga sarili. Nguni't kasabay nito, matapos bitiwan ang ating gawain para sa Panginoon Mismo, na hindi hinayaang maging agwat sa pagitan natin at ng Panginoon kahit na ang gawaing pagliligtas ng mga kaluluwa o ng pagtuturo ng Bibliya, tuwirang nagtungo tayo kaagad sa presensiya ng Panginoon, at nagtamasa sa natatagong manna. Bakit hindi ko masalihan ang napakaraming uri ng gawain? Dahil ang gayong gawain ay malayo sa Diyos. Yaon ay makasanlibutan, isang tanda ng ekklesiang nagpakasal sa sanlibutan at punung-puno ng pagkamakasanlibutan. Nang iniwan namin ang gawaing yaon, kahit kapalit ng aming buhay, tuwiran naman kaming nadala sa presensiya ng Panginoon. Marami sa atin ang nagkaroon ng ganitong karanasan.

Noong 1932 ay nagsimula kaming magkaroon ng buhay-ekklesia sa aking sariling bayan. Pagkaraan ng isang taon, dumating ang mga sumasalungat. Ako ay iginagalang ng mga Kristiyano, at halos lahat ay nagmamahal sa akin. Subali't dahil sa buhay-ekklesia, kahit na yaong ilang malalapit sa akin ay hindi man lamang ako binabati. Ako ay nabagabag ng lahat ng pagsalungat at atake, nag-iisip na marahil ako ay mali sa pagsunod sa Panginoon sa ganitong paraan at nagtataka kung bakit ako pinakikitunguhan nang napakasama ng mga anak ng Panginoon. Gayunpaman, sa paglapit ko sa Panginoon hinggil dito, gayon na lang ang pagiging malapit namin sa isa't isa. Basta wala akong mga salita upang mailarawan iyon. Sa paglingon ko doon ngayon, nakikita kong iyon ay pagtatamasa sa natatagong manna.

Ang natatagong manna ay pareho rin sa hayag na manna nguni't nasa magkaibang situwasyon. Kapag ang manna ay nasa labas, ito ay hayag na manna. Kapag ito naman ay nasa loob ng presensiya ng Panginoon, nakukubli sa ilalim ng ilang suson, ito ay nagiging natatagong manna. Sa kalikasan, pangsyon, at bawa't iba pang aspekto, ang natatagong manna ay pareho rin ng hayag na manna. Kahit na walang pagkakaiba sa kalikasan o sa pangsyon, may pagkakaiba naman sa posisyon. Ang hayag na manna ay bukas sa mga tao at ang natatagong manna ay sarado. Tayong lahat ay dapat tanungin ang ating mga sarili kung tayo ay sasama sa mga makasanlibutang Kristiyanismo o sa Diyos. Kung tayo ay sasama sa makasanlibutang Kristiyanismo, ang matatamasa lang natin ay ang hayag na manna, ang hayag na Kristo. Gayunpaman, hindi natin matatamasa ang natatagong Kristo dahil Siya ay laging natatago sa Diyos.

Mas malayo tayo sa Diyos, mas kakaunti ang maipaglilingkod natin sa Kanya. Mas malapit naman tayo sa Kanya, mas higit ang maipaglilingkod natin sa Kanya. Sa katapusan, kapag nakapasok na tayo sa presensiya ng dibinong kaluwalhatian sa loob ng Dakong Kabanal-banalan, ang lahat ng mga paglilingkod ay hihinto. Dito ay may presensiya lamang tayo ng Panginoon at magtatamasa sa natatagong Kristo, ang natatagong manna. Dito tayo ay may tuwirang pakikipagsalamuha sa Pangonoon, makaaalam ng Kanyang puso at Kanyang intensiyon. Dito tayo makakargahan ng Kanyang sarili, ng Kanyang intensiyon, at ng lahat ng gusto Niyang gawin natin. Sa ganitong paraan tayo ay nagiging tao na nakaaalam ng Kanyang puso at ng Kanyang intensiyon. Kapag tayo ay mga gayong tao, ang pangako Niya ay magiging atin. Bakit taglay natin ang pangako ng Diyos? Dahil tayo ay nasa loob ng Kanyang presensiya. Paano natin malalaman kung tayo nga ay nasa presensiya ng Diyos? Nalalaman natin iyon mula sa kalooban at sa pamamagitan ng pagkatantong walang agwat sa pagitan natin at ng Diyos. Nalalaman din natin iyon sa pamamagitan ng malalim na panloob na pandama na tayo ay nagtatamasa ng natatagong Kristo bilang ang mainam na bahagi ng ani ng mabuting lupain. Ito ang natatagong manna. Purihin ang Panginoon!

 

Home