| PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE ANIMNAPU'T ISA ANG UMUSBONG NA TUNGKOD Sa mensaheng ito ay dumako tayo sa bagay na hinggil sa umusbong na tungkod (Heb. 9:4; Blg. 17: 1-10). Kakaunting Kristiyano ang nakatatanto ng ganap na kahulugan ng umusbong na tungkod. Itinuturing ng marami ang pagkatala ng umusbong na tungkod bilang isang kawili-wiling kuwento lamang sa Bibliya tungkol sa isang pirasong tuyong kahoy na umusbong, namulaklak at namunga sa magdamag. Nguni't ang pangyayaring ito ay hindi isang maliit na punto sa dibinong pahayag. Maraming Kristiyano ang nagbigay-pansin sa tabernakulo. Nakita nating sa tabernakulo ay naroroon ang dambana at ang hugasan sa labas na looban; ang dulang ng tinapay, ang patungan-ng-ilawan, at ang dambana ng insenso sa loob ng Dakong Banal; at ang kaban ng patotoo sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Ang kaban ng patotoo, ang namumukod-tanging bagay sa loob ng Dakong Kabanal-banalan, na sumasagisag kay Kristo bilang namumukod-tanging patotoo ng Diyos. Ang nilalaman ng kaban ay binubuo ng tatlong aytem: ang natatagong manna, ang umusbong na tungkod, at ang mga tapyas na bato ng kautusan. Sa huling tatlong mensahe, natalakay na natin ang unang aytem, ang natatagong manna. Maraming Kristiyano ang nakauunawa ng ilang bagay hinggil sa manna, dahil alam nila na ito ay makalangit na pagkain na sumasagisag kay Kristo bilang tinapay ng buhay. Mahirap, gayunpaman, ang maunawaan ang kahulugan ng umusbong na tungkod. TATLONG SAGISAG NG MGA KARANASAN Maraming naging karanasan ang mga anak ni Israel sa ilang, at iniutos ng Panginoon sa kanila na ilagay sa Kanyang presensiya ang mga sagisag ng tatlo sa kanilang mga dinaanang karanasan. Ang mga sagisag na ito ay ang mga tapyas na bato ng patotoo, ang manna, at ang umusbong na tungkod. Matapos matanggap ng mga Israelita ang kautusan sa Bundok Sinai ay sinabihan sila ng Panginoon na ipasok ang dalawang tapyas na bato ng kautusan sa kaban (Exo. 34:1, 29; 25:21; 10:20). Ang isang omer na punumpuno ng manna ay ipinasok sa isang sisidlan at inilagay sa harap ng Panginoon upang maingatan (Exo. 16:32-34). Sa ilang, ang mga anak ni Israel ay dumaan din sa ilang karanasan ng pagrerebelde. Ang Bilang 16 ay isang salaysay ng pinakagrabeng pagrerebelde. Mula sa pagrerebeldeng iyon ay lumabas ang umusbong na tungkod, na inilagay sa harap ng patotoo, na nasa loob ng kaban, bilang tanda (Blg. 17:10-11). Sa ganito ay nakikita natin na ang bawa't isa sa mga aytem na ito ay lumalabas mula sa mga karanasan ng mga Israelita. Hindi ito mga pagtuturo, kundi ang kinalabasan, ang resulta, ng kanilang mga karanasan. Kaya, kung susubukan nating unawain ang tatlong aytem na ito sa pamamagitan ng ating kaisipan at para sa layuning makapagkamit ng kaalaman, hindi tayo magtatagumpay. Mauunawaan lamang natin ang mga ito sa panloob, kasama ng, at para sa ating mga karanasan. ANG BINIBIGYANG-PANSIN NG DIBINONG PAHAYAG Kung uunawain natin ang umusbong na tungkod, kailangan natin ang kaunting pumapaligid-na-pangyayari. Ang layunin ng Diyos ay ang makakamit ng isang bilang ng mga tao upang maging Kanyang sama-samang kahayagan upang maihayag at magkaroon Siya ng kinatawan para magtaglay Siya ng kapamahalaan, isang kaharian, kung saan maisasakatuparan ang Kanyang walang hanggang ekonomiya. Maraming tao ang nag-aakalang ang Diyos ay may pag-ibig na kumikiling sa mga Hudyo, na nagpapagal Siya para sa kanila at gumagawa ng mga bagay-bagay para sa kanila, at yaong wala Siyang pagmamalasakit sa mga Hentil. Ito ay isang relihiyosong konsepto; hindi ito ang binibigyang-pansin ng dibinong pahayag. Ang binibigyang-pansin ng dibinong pahayag ay yaong ang walang hanggang Diyos ay may isang layunin. Ang layuning ito ay ang makakamit ng mga tao bilang isang sama-samang yunit na masisidlan Niya, upang maging kaisa Niya, at hayaan Siyang maging kaisa nila nang sa gayon ay maging buhay na kahayagan sila ng di-nakikitang Diyos, at yaong magkaroon ang Diyos ng isang kaharian sa ibabaw ng lupa upang magsakatuparan ng Kanyang ekonomiya para sa Kanyang kaluwalhatian at makipagtuos sa Kanyang kaaway. Ito ang layunin ng Diyos nang tinawag Niya ang mga anak ni Israel palabas ng Egipto, na ginawa silang isang pinili at isang tinawag na bayan. ANG PANGANGAILANGAN NG PAMUMUNO Bilang mga gayong tao sa labas ng Egipto, ang mga Israelita ay naglalakad sa ilang patungo sa gol ng Diyos.Ang mga anak ni Israel ay hindi bababa sa ilang milyon sa bilang, dahil ang mga lalaking kawal lamang ay bumibilang nang mahigit sa anim na raang libo (Blg. 1:45-46). Yamang napakalaki ng bilang ng mga Israelita, tiyak na may pangangailangan, tulad sa ngayon, para sa pagtatayo ng bayan ng Diyos. Para naman sa pagtatayo ng mga tao ng Diyos, may pangangailangan ng ilang awtoridad. Ang mga terminolohiya sa ngayon ay may pangangailangan para sa pamumuno. Tulad ng makikita natin, hindi lamang itinaas ng Diyos ang pamumuno na ito itanayo pa Niya ito.Ang pamumuno sa mga anak ni Israel ay isang sama-samang pamumuno na binubuo ng hindi kakulangan sa dalawang tao: si Moises, kumakatawan sa aspekto ng kapamahalaan at paghari ,at si Aaron, na kumakatawan sa aspekto ng larawan at pagkasaserdote. ANG PAGKASASERDOTE AT ANG PAGKAHARI Upang maihayag ng bayan ng Diyos ang Diyos at maging kinatawan Niya, kailangan kapwa ang pagkasaserdote at pagkahari. Maging ang Bagong Tipan ay nagsasabi nang malinaw na sa pagtutubos ng Diyos ay ginawa Niya tayong mga saserdote at mga hari (Apoc.1:5-6;5:9-10). Kaya, mayroon tayong pagkasaserdote at tayo ay nasa paghahari. Mayroon tayong pagkasaserdote upang maihayag natin ang Diyos. Ito ay may kaugnayan sa larawan ng Diyos. Ang pagkahari naman ay para sa kapamahalaan ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang tao sa Kanyang larawan at binigyan siya ng kapamahalaan sa lahat ng mga nilikha (Gen. 1:26). Ito ang pagkahari para sa kaharian ng Diyos. Sa ekklesia ngayon ay mayroon pa ring pangangailangan ng pagkasaserdote upang maihayag ang Diyos at ng pagkahari upang maging kinatawan ng Diyos. Sa darating na isang libong taong kaharian, magiging mga saserdote rin tayo na naghahayag sa Diyos at mga hari na kumakatawan sa Diyos (Apoc. 20:6). Bukod pa rito, sa kawalang-hanggan sa Bagong Herusalem tayo ay magiging mga saserdote at mga hari (Apoc. 22:3-5) na naghahayag sa Diyos sa pamamagitan ng ating pagkasaserdote at kumakatawan sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang kapamahalaan sa ating pagkahari. Mula sa unang kapitulo ng Genesis hanggang sa huling kapitulo ng Apocalipsis, ang Bibliya ay hinding-hindi nagbabago tungkol sa dalawang aspektong ito ng sama-samang tao ng Diyos. ANG PAGTATAYO NG PAMUMUNO Si Moises, na kumakatawan sa pagkahari, at si Aaron, na kumakatawan sa pagkasaserdote, ay pinagsama para sa pamumuno ng Diyos. Tulad ng nabanggit na natin, pareho silang itinaas at itinayo. Hindi kinuha ng Diyos si Moises at iniligay siya agad sa pamumuno matapos niyang makumpleto ang kanyang pag-aaral sa palasyo ni Faraon. Hindi, matapos makapag-aral si Moises ay dinala siya ng Diyos sa ilang kung saan Niya itinayo ang kanyang pamumuno. Si Moises ay ipinanganak sa isang pamilyang Hudyo at sa gayon ay nakatanggap ng kaalaman hinggil sa Diyos. Yamang wala siyang makasanlibutang pinag-aralan, inayos ng Diyos ang mga pangyayari upang makatanggap siya ng pinakamataas na edukasyon sa palasyo ni Faraon (Gawa 7:22). Naniniwala akong ang kanyang pinag-aralan ay higit kaysa sa pinag-aralan ng isang Ph.D. Kahit na napakataas ng kanyang pinag-aralan ay hindi pa rin siya kwalipikadong maging pinuno. Sa kanyang unang apatnapung taon ay nalaman ni Moises ang tungkol sa Diyos at nakamit ang pinakamagaling na edukasyon sa mundo. Pagkatapos niyon, kinailangan niyang gumugol pa ng apatnapung taon sa ilang upang maitayo bilang pinuno. Hindi tayo binibigyan ng Bibliya ng malinaw na tala hinggil sa pamumuno ni Aaron, nguni't sa prinsipyo malamang na napasailalim din si Aaron sa nagtatayong kamay ng Diyos. Nang sinabi ni Moises sa Panginoon na hindi siya marikit mangusap, sa halip "kimi sa pangungusap at umid sa dila" (Exo. 4:10), sinabi naman ng Pangioon na si Aaron, ang kanyang kapatid na lalake, ang makapagsasalita ng mabuti, ang magiging "bibig" ni Moises at yaong si Moises ang magiging "parang Diyos sa kanya" (Exo. 4:14,16). Nang maitayo sina Moises at Aaron bilang mga pinuno, saka lamang sila nakapamuno. ANG PAGHIHIMAGSIK SA ILANG Ang paglalakbay sa ilang ay isang pagsubok sa mga Israelita. Nang isinugo ng Panginoon si Moises sa mga anak ni Israel, sinabi Niyang magsalita siya sa mga tao, na nagsasalita para sa Diyos, "Aking aalisin kayo sa kapighatian sa Egipto at dadalhin ko kayo... sa isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot." (Exo. 3:17). Ito ay isang mabuting pangako. Ang mga anak ni Isarael ay pinalabas ng lupain ng Egipto at dapat na makapasok sila sa lupain ng gatas at pulot. Nguni't dahil sa kanilang di-pananampalataya, na nakatala sa bilang 14, hindi sila nakapasok. Sa bandang huli, sa Bilang 16, sinisi ng mga naghimagsik sina Moises at Aaron, at hindi yaong kanilang di-pananampalataya, sa hindi nila pagkapasok sa mabuting lupain. Sinabi ng mga naghimagsik, "Munting bagay pa ba na kami ay iyong pinasampa sa isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot, upang kami ay patayin sa ilang, kundi napa-panginoon ka pa mandin sa amin? Bukod dito'y hindi mo kami dinala sa isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot" (Blg. 16:13-14). Tinutukoy ng Bilang 17:10 ang mga mapanghihimagsik na ito bilang "mga anak ng panghihimagsik". Ang salitang Hebreo na isinaling mga rebelde ay nangangahulugang "mga anak ng panghihimagsik." Parang sinasabi ng mga anak ng panghihimagsik kina Moises at Aaron, "Pinangakuan ninyo kaming dadalhin sa lupaing binubukalan ng gatas at pulot, nguni't hindi pa ninyo ginagawa. Hindi ba ninyo alam na yaong lupain kung saan ninyo kami inilabas ay isang lupain ng gatas at pulot? Hindi ninyo tinupad ang inyong pangako." Sinabi pa nitong mga anak ng panghihimagsik na ang Egipto raw ang lupain ng gatas at pulot. Anong paghihimagsik! Sinu-sino ang mga rebeldeng ito. Ang una ay si Core. Itinuring ni Core, na isang Levita (Blg. 16:1), ang kanyang sarili na pareho nina Moises at Aaron, na mga Levita rin. Siguro sabi ni Core sa kanyang sarili, "Kayong dalawa ay mga Levita. Bakit ako? Hindi ba isang Levita rin ako? Bakit kayo ang mamumuno, tapos ako ay walang bahagi doon?" Dalawa sa iba pang mga rebelde ay sina Dathan at Abiram, mga inapo ni Ruben, ang unang anak ni Jacob. Dahil itinuturing nila ang kanilang sarili na lipi ng pagkapanganay maaaring masabi nila, "Kayong mga Levita ay ikaapat, nguni't kami, ang mga anak ni Ruben, ang unang anak ni Jacob, ay una. Yamang sumunod kayo sa amin, bakit kayo lang dalawa ang namumuno?" Sa bandang huli ay sinabihan nilang lahat sina Moises at Aaron, "Kayo'y kumukuha ng malabis sa inyo, dangang ang buong kapisanan ay banal, bawa't isa sa kanila, at ang Panginoon ay nasa gitna nila: bakit nga kayo'y magmamataas sa kapisanan ng Panginoon?" Ito ay tuso at makadiyablong pangangatuwiran at pangongondena sa loob ng mga rebeldeng iyon. Anong mapaghimagsik na ugat ang makikita natin dito! WALANG PAGKAGALIT Sina Moises at Aaron ay hindi mga kabataang lalaki. Kapwa sila mga isang daang taon na. Ayon sa Awit 90 na isinulat ni Moises, ang haba ng buhay ng tao ay tumatagal nang pitumpung taon. Kung mabuti ang kanyang kalusugan, maaaring mabuhay pa siya hanggang walumpung taon. Samakatuwid, ayon na rin sa isinulat mismo ni Moises, patay na dapat siya. Nguni't naglilingkod siya sa Diyos matapos ang taon ng kamatayan, at mas matanda pa si Aaron sa kanya. Ano ang kabutihan ng kanilang pagiging matanda? Ang katunayang mahirap sa kanila ang magalit. Ang paghihimagsik sa Bilang 16 ay napakaseryoso at kakila-kilabot. Nguni't hindi nito nasanhing magalit si Moises. Nang nangagtipon ang mga rebelde laban kina Moises at Aaron, si Moises ay "nagpatirapa" (Blg. 16:4). Tulad ng makikita natin sa susunod na mensahe, dumating ang Diyos upang hatulan ang paghihimasik na ito. ANG PAGPAPATUNAY SA WASTONG PAMUMUNO Sa Bilang 17 ay para bang sinasabi ng Diyos kay Moises, "Ang mga anak na yaon ng paghihimagsik ay nakikipag-away sa inyo hinggil sa pamumuno. Sabihin mo sa kanila na may gagawin Ako upang patunayan ang pamumuno. Ipakikita ko sa kanila kung sino ang mga tunay na pinuno, at mapipinid ang kanilang mga bibig." Sa bilang 17:2 naman ay sinabi ng Panginoon kay Moises, "Salitain mo sa mga anak ni Israel, at kumuha ka sa kanila ng mga tungkod, isa sa bawa't sambahayan ng mga magulang; sa lahat nilang mga prinsipe ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga magulang, labindalawang tungkod: isulat mo ang pangalan ng bawa't isa sa kanyang tungkod." Ang tungkod ay isang pirasong patay at tuyong kahoy. Ang kalikasan nito ay yaong sa patay na kahoy. Ano ang gamit ng isang tungkod? Ang mamuno sa iba. Ang tungkod ay iba sa baston. Ang baston ay para matulungan at masuportahan yaong mahihina at lumpo at may kahirapang tumayo o lumakad. Nguni't ang tungkod ay hindi pangsuporta; ito ay para sa pamumuno at sa pagpalo. Ayon sa aklat ng mga Kawikaan, kailangang gumamit ang isang ama ng tungkod upang madisiplina ang kanyang mga anak (Kaw. 23:13-14). Ang ating Diyos ay napakatalino, at taglay Niya ang pinakamagaling na paraan upang mapatunayan ang pamumuno. Hindi nakipagtalo ang Diyos. Bagkus, para bang sinasabi Niya, "yamang pinag-aawayan ninyo ang pamumuno, hinihilingan Ko kayong dalhin ang inyu-inyong tungkod sa harap ng patotoo. Inaakala ninyo na nasa inyo ang mga tungkod at makapamumuno na kayo sa iba, at yaong sina Moises at Aaron ay nagmamalabis. Sinasabi ninyo na yamang kayong lahat ay bayan ng Diyos ay mayroon na kayong pare-parehong awtoridad? Mayroon ba kayong awtoridad? Bawa't lipi ay may tungkod. Dalhin ninyo ang inyu-inyong tungkod sa Akin at ilagay ang mga iyon sa harap ng Aking patotoo sa loob ng isang gabi at tingnan natin ang kalalabasan." Sa Bilang 17:5 ay sinabi ng Panginoon, "At mangyayari na ang lalaking aking pipiliin, ay mamumulaklak ang kanyang tungkod: at aking ipatitigil sa akin, ang mga pag-upasala ng mga anak ni Israel, na kanilang iniupasala laban sa inyo. "Labindalawang tungkod ang inilagay sa harap ng Panginoon sa tabernakulo ng patotoo (Blg. 17:7). Sinasabi ng Bilang 17:8, "at nangyari nang kinabukasan, na si Moises ay pumasok sa tabernakulo ng patotoo at, narito, na ang tungkod ni Aaron sa sambahayan ni Levi ay umusbong, at namumulaklak, at nagkaroon ng mga hinog na almendras." Ito ay nangangahulugang ang tunay na pamumuno, ang tunay na awtoridad, ay nasa buhay na umuusbog. Ang buhay na ito ay hindi lamang umuusbong at namumulaklak; ito ay namumunga upang makapagpakain tayo sa iba, hindi upang makapamalo tayo sa kanila. Bagama't ang tungkod ay para sa pamumuno, ang pamumunong ito ay para sa pagpapakain, hindi para maipamalo. Ang pamumuno sa bayan ng Diyos ay iba sa makikita sa mga Hentil. Ginagamit ng lahat ng mga haring Hentil ang kanilang mga tugkod sa pamumuno. Walang tungkod sa mga pinunong hentil ang kapakipakinabang para sa pagpapakain, dahil wala sa mga tungkod na ito ang buhay. Ang bawa't tungkod ay isa lamang piraso ng tuod. Tanging kapag may wastong pamumuno lamang sa bayan ng Diyos magkakaroon ng tungkod sa umuusbong na taglay ang pagkabuhay-na-muling buhay at makapamumunga upang makapagpakain sa iba. Ang punong almendras ang unang punong namumunga sa taon, namumunga tuwing Enero o Pebrero. ang unang bunga na lumalabas sa isang puno ay ang almendras. Sumasagisag ito sa pagkabuhay-na-muli. Kaya, ang umuusbong, namumulaklak, namumungang tungkod ay sumasagisag sa pagkabuhay-na-muling buhay ni Kristo. Ang pamumuno sa gitna ng mga anak ng Diyos ay kinakailangang si Kristo Mismo bilang ang pagkabuhay-na-muling buhay na umuusbong, namumulaklak, at namumunga ng almendras upang mapakain ang bayan ng Diyos. ANG AMBISYONG MAKAPAMUNO Maaaring masabi ng iba, "Hindi ako isang matanda at ayaw kong maging pinuno sa mga anak ng Panginoon. Gusto kong maging malaya, maging mahinahon at huwag magambala ng ganitong uri ng bagay." Kahit na maaaring masabi mo ito, hindi ako naniniwala, dahil gusto ng bawa't tao na maging pinuno. Kung sasabihin mong ayaw mong maging pinuno, sinungaling ka. Sa kaloob-looban ay nasisiyahan ka sa pagiging pinuno. Kapag ang mga grupong maglilingkod ay inayos, gusto mong maging una. Ayaw mong maging huli. Masasabi ng mga kapatid-na-babae," Bilang mga babae, hindi kami nababahala sa pamumuno." Mga kapatid-na-babae, huwag ninyong sabihin ito. Halimbawang isang grupo ng mga magpipiyano ang binuo na kinabibilangan ng limang kapatid-na-babae. Ang bawa't kapatid sa grupo ay mababahala sa kung kaninong pangalan ang unang mababanggit. Kapag narinig ng ikalimang kapatid na ang kanyang pangalan ay huling binanggit, hindi na siya mapapakali kaya hindi na siya makapananalangin nang isang linggo. Maaaring sabihin niya, "Kung hindi ako ang una, sana naman ay ikatlo man lamang, nguni't ni hindi ako ikaapat. Mahigit labinlimang taon na naman akong ligtas. Bakit ako ang huli? Ano ang ginawa ng mga matanda? Wala ba silang pagkakilala?" Ito ang ambisyong makapamuno. Pinasasalamatan ko ang Panginoon sa ambisyong ito. Mabuti ang ambisyong ito, higit na mabuti kaysa sa ambisyong maging Presidente ng Amerika. Mabuti na ang mga Kristiyano ay may gayong ambisyon. Kung wala tayong ambisyon, magiging parang mga upuan at bangko tayo, at walang magagawa ang Diyos sa atin. Nguni't dahil napakaambisyoso natin, may magagawa ang Diyos sa atin. Marahil yaon na lamang mga may gulang na ang mga hindi ambisyoso. Ang isang kapatid-na-lalake na malapit nang magwalumpung taon ay maaaring walang ambisyon, nguni't ang isang binata ay maaaring magnais na maging Apostol Pablo sa ngayon. Hinihikayat ko ang lahat ng mga kabataan na maging katulad nito. Magiging masaya ako kung lahat ng mga kabataan ay magnanais na maging Pedro o Pablo sa panahong ito. Sa ating pag-aaral pambuhay ng Genesis, nakita nating sina Abraham, Isaac, at Jacob dagdag pa si Jose ay mga aspekto ng isang kumpletong persona sa karanasan ng buhay. Sa gayon din, hindi natin dapat ituring si Core na hiwalay kay Moises. Sa ating kalikasan, mayroon tayong gayunding ambisyon kay Moises. Nang si Moises ay apatnapung taon, ambisyoso siyang pangunahang mailigtas ang bayan ng Diyos mula sa kalupitan ng hari ng Egipto (Gawa 7:23-27). Gayunpaman, sa loob ni Moises ay mayroon pa ring mapanghimagsik na elemento ni Core, Dathan, at Abiram. Mga batang kapatid, alam kong mayroon kayong positibong kalikasan ni Moises at ng mapanghimagsik na kalikasan ni Core sa loob ninyo. Mas malala pa, ang mga negatibong elemento ni Dathan at Abiram ay nasa loob din ninyo. Sa susunod na mensahe, makikita nating hinatulan na ng Diyos ang mapanghimagsik na kalikasan at binuhay -na-muli ang positibong elemento, ang elemento ng pagkabuhay-na-muling buhay. Kung hindi pa kayo ligtas, wala kayong magiging ambisyon sa gitna ng bayan ng Diyos. Bakit napakaambisyoso ninyo sa buhay-ekklesia? Dahil mahal ninyo ang Panginoon. Kung hindi ninyo mahal ang Panginoon at wala kayong ambisyon, para kayong mga tao sa lansangan, pagala-gala, walang ambisyong maging anuman para sa Diyos. Nguni't ngayon, bilang mga yaong nasa ekklesia na nagmamahal sa Panginoon, ambisyoso kayo at umaasang isang araw ay magiging kwalipikado kayo para makapamuno. Ito ay isang mabuting ambisyon, nguni't kailagan pa rin nitong mabuhay-na-muli. Subali't dapat din nating matanto na sa loob natin ay mayroon pa ring Core, Dathan, Abiram, at lahat ng mga mapanghimagsik na elemento. Kasabay ng ating pagiging ambisyoso para sa gol ng Diyos, tayo rin ay mapanghimagsik. Nauunawaan kong mabuti ito dahil nagkasakit din ako ng sakit na ito. ANG PAGHIHIMAGSIK NG KALULUWA Hindi lamang may paghihimagsik sa loob natin laban sa ibang mga namumuno, maraming pagkakataon ang ating mga kaluluwa ay naghihimagsk laban sa ating espiritu. Madalas ay sinasabi ng ating kaisipan, "Espiritu, bakit hindi ako maaaring maglingkod sa Diyos? Bakit hindi ako, na siyang kaisipan, makagawa para sa Diyos?" Hindi ba kayo nagkaroon ng ganitong uri ng paghihimagsik sa kalooban ninyo? Maraming beses na naghimagsik ang aking kaluluwa laban sa aking espiritu, na nagsasabi, "Espiritu, hindi ako pumapayag dito. Mas matalino ako sa iyo at makagagawa ako ng mahigit pa. Ikaw ay bahagi ni Wtinness Lee. Hindi ba ako, ang kaluluwa, ay bahagi rin ni Witness Lee? Hindi ba tayong lahat ay anak ng Diyos? Bakit ikaw, ang espiritu, ay nagmamalabis? Maraming beses sa pagpangsyon ay ginagamit natin ang ating kaluluwa sa isang mapanghimagsik na paraan upang maipakita na ang ating kaluluwa ay makagagawa para sa Diyos, at yaong tayo, ang natural na tao, ay makagagawa ng ilang paglilingkod para sa Diyos nang walang pag-eensayo ng ating espiritu. Ito ay isang uri ng paghihimagsik. ANG AMBISYON AT PAGHIHIMAGSIK SA LOOB NATIN Huwag ninyong ituring ang mga anak ni Israel sa Bilang 16 bilang magkakahiwalay sa isa't isa. Dapat natin silang tingnan bilang isang sama-samang tao, na kinabibilangan nina Moises, Aaron, Core, Dathan at Abiram. Sa loob natin ay naroroon kapwa sina Moises at Aaron at Core, Dathan, at Abiram. Kapwa ang ambisyon at paghihimagsik ay nasa ating katauhan. Minsan hindi natin mapigilang tawanan ang ating mga sarili, dahil napakaambisyoso natin para sa Diyos, nguni't napakarebelde naman. Naniniwala akong ang bawa't isa sa atin ay nakaranas nang sabay na maging ambisyoso at rebelde. Malibang wala kayong puso para sa Diyos ay naranasan na ninyo ito. Sa simula pa lang ng pagkakaroon ninyo ng puso para sa Diyos ay napag-alaman ninyong kapwa ang ambisyon at paghihimagsik ay nasa inyo. Ang unang paghihimagsik ay ang paghihimagsik ng kaluluwa, ng kaisipan, laban sa inyong sariling espiritu. Ang ikalawang paghihimagsik ay ang paghihimagsik laban sa nakatataas sa inyo o nauuna sa inyo. Kahit na hindi ninyo aminin ito, ang paghihimagsik ay nasa loob ninyo. Maaari ninyong masabi, "Brother Ganoon-at-Ganito, mahal kita at ipinasailalim ko ang aking sarili sa iyo." Nguni't habang sinasabi ng inyong mga labi na nagpapasailalim kayo kay Brother Ganoon-at-Ganito, sa kailaliman naman ninyo ay naghihimagsik kayo, na sinasabi sa inyong sarili, "Brother Ganoon-at-Ganito, nagmamalabis ka. Talagang sobra ka na! Sa ilan pa ngang aspekto ay hindi ka kwalipikado nang tulad ko. Isang araw ang mga kwalipikasyon ko ay patutunayan ng Diyos." Ito ang paghihimagsik sa loob ninyo. PAGHATOL AT PAGPAPATUNAY Salamat sa Diyos sa ambisyon at, sa isang negatibong panig, salamat sa Diyos sa paghihimagsik. Ang paghihimagsik sa Bilang 16 ay naghatid ng paghahatol at pagpapatunay ng Diyos. Una muna, hinatulan ng Diyos ang mga rebelde. Matapos hatulan ang mapanghimagsik na elemento, ipinag-utos ng Panginoon na ang mga suuban ng mga mapanghimagsik ay gawing mga laminang pinukpok na pinaka pantakip sa dambana bilang tanda sa mga anak ni Israel (Blg. 16:36-40). Pagkatapos nito, sinabi ng Diyos kay Moises na ilagay sa harap ng Kanyang patotoo ang labindalawang tungkod. Ito ay hindi para sa paghahatol; ito ay para sa pagpapatunay. Mula sa pagpapatunay na ito, ang umusbong na tungkod ay lumitaw. Pagkatapos ay sinabi ng Diyos kay Moises na dalhin ang tungkod ni Aaron sa harap ng patotoo "upang maingatan para maging tanda laban sa mga anak ng panghihimagsik" (Blg. 17:10). Samakatuwid, may dalawang tanda - ang tansong laminang pinaka pantakip sa dambana, na dumating bilang resulta ng paghatol ng Diyos, at ang umusbong na tungkod sa harap ng patotoo, na napangyari sa pamamagitan ng pagpapatunay ng Diyos. Ang ambisyon at paghihimagsik ay kapwa nasa loob natin. Nasa atin lahat ang mga ito, dahil tayo ang tunay na Israel. Sa gitna at sa loob ng mga Israelita ay naroroon kapwa ang ambisyon at paghihimagsik. Una, hinatulan at sinunog ng Diyos ang mapaghimagsik na elemento. Ang paghahatol na ito ay sinundan ng pagpapatunay ng Diyos. Bilang resulta ng paghahatol at pagpapatunay na ito, dalawang tanda ang lumabas - isa sa dambana sa labas na looban at ang isa ay sa kaban sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Ang mga tandang ito ay nangangahulugang ang ating natural na mapaghimagsik na kalikasan ay dapat na mahatulan at masunog, at yaong nabuhay-na-muling ambisyon ay dapat na patunayan, at pausbungin, pabulaklakin, at pabungahin. Sa ganitonng paraan, mayroon tayong wastong pamumuno. Sa loob ng kaban sa Dakong Kabanal-banalan ay nararanasan natin si Kristo bilang tunay na pamumuno. Hinggil sa pamumuno, mayroong dalawang aspekto. Ang una ay yaong ang natural na mapaghimagsik na elemento ay dapat na masunog sa dambana. Ang ikalawa ay yaong sa loob ng Dakong Kabanal-banalan anumang naisilang-na-muli tungo sa loob natin at anumang nabibilang sa nabuhay-na-muling buhay ay dapat na mapagyaman, mapatatag, at mapausbong, mapamulaklak, at mapabunga ng almendras. Narito ang tunay na pamumuno. ANG BAWA'T MIYEMBRO, TULAD NG NAMUMUNO, Ang isang namumuno sa bayan ng Panginoon ay isang naglilingkod. Kahit na hindi ka isang matanda o kaya'y namumuno sa isang grupong naglilingkod, ikaw ay isa pa ring naglilingkod. Sa prinsipyo, ikaw ay pareho rin ng isang namumuno sa paglilingkod para sa Panginoon. Ang bawa't sangkap ng ekklesia ay isang naglilingkod. Ang pagtatayo ng Diyos ay nakasalalay sa mga naglilingkod. Bilang isang naglilingkod, mayroon sa loob mong mapaghimagsik na elemento na dapat na hatulan at sunugin sa dambana bilang tanda sa sansinukob na ang iyong natural na pagkatao ay natuos na. Nguni't mayroon ding iba pang elemento sa loob mo—ang naisilang-na-muling elemento, ang elemento ng buhay na Siyang si Kristo Mismo bilang ang pagkabuhay-na-muling buhay. Kapag pumasok ka sa kaban sa loob ng Dakong Kabanal-banalan at nahipo mo si Kristo bilang ang pagkabuhay-na-muling buhay, ang elementong ito ang magiging iyong pamumuno. Ito ay uusbong, mamumulaklak, at mamumunga ng mga almendras para sa pagpapakain sa iba. Maging ang mga pinakabatang kapatid ay mga naglilingkod. Nguni't ang kanilang mapanghimagsik na kalikasan ay dapat ding masunog, matuos, at mahatulan, at ang buhay naman ng pagkabuhay-na-muli sa loob nila ay dapat na umusbong, mamulaklak, at mamunga ng mga almendras para mapakain ang iba. Maging sa loob ng mga pinakabatang kapatid ay may kapwa ambisyon at paghihimagsik. Maging sila ay namuna rin sa mga matanda. Purihin ang Panginoon sa ating wastong ambisyon. Gayunpaman, dapat nating kilalaning tayo rin ay may mapaghimagsik na elemento. Hangga't ang dalawang bagay na ito, ang ambisyon at ang paghihimagsik, ay naglalaban sa loob natin, ang pagtatayo ay hindi makapagpapatuloy. Kaya, may pangangailangang hatulan ang paghihimagsik at patunayan ang ambisyon. Ang elemento ni Kristo sa loob natin ay dapat na mapatunayan, mapatatag, mapagyaman, maitaas, at mapausbong, mapamulaklak, at mapabunga ng mga almendras. Ang paghahatol ay nasa paghihimagsik, at ang pagpapatunay naman ay nasa ambisyon. Mayroon tayong gayong wastong ambisyon. Sa paglakad sa landas mula sa dambana tungo sa umusbong na tungkod, ang paghihimagsik ay dapat na maalis at ang positibong ambisyon ay dapat na mapalaya. Sa gayon ay magkakaroon tayo ng wastong pamumuno at ng wastong paglilingkod na siyang para sa pagtatayo ng bayan ng Diyos. Ang pagtatayo ng Diyos ay nakasalalay sa umusbong na tungkod na ito, na mararanasan lamang sa loob ng kaban sa Dakong kabanal-banalan. Dahil dito dapat tayong lumapit upang makapasok sa Dakong Kabanal-banalan at ang pinaka Kristo na Siyang namumukod tanging kaban ng patotoo ng Diyos.
|