| PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE ANIMNAPU'T DALAWA ANG UMUSBONG NA TUNGKOD Tulad ng ipinakita natin sa huling mensahe, kakaunting Kristiyano ang nagbigay-pansin sa umusbong na tungkod sa Hebreo 9:4. Ang dahilan dito ay yaong ang umusbong na tungkod ay isang bagay ng karanasan. Bagama't maaaring nauunawaan natin ang mga larawan ng tabernakulo, hindi naman natin malalaman ang tunay na kahulugan ng tabernakulo hangga't hindi tayo nagkakaroon ng mga kinakailangang karanasan. Hinggil sa karanasan ng tabernakulo, ang mga isinulat at mga mensahe ng iba't ibang Kristiyanong guro ay pangunahing tumatalakay sa dambana. Nguni't kapag nagpatuloy tayo mula sa dambana papuntang Dakong Banal, makikita nating hindi marami ang nakahipo sa mga tunay na karanasan doon. Kaya sa tinagal ng mga taon, ang tatlong aytem sa loob ng kaban sa Dakong Kabanal-banalan ay nanatiling hiwaga. Kakaunti pa nga ang tumatalakay tungkol sa mga ito. Nakarinig na ba kayo ng mensahe hinggil sa natatagong manna, sa umusbong na tungkod, at sa dalawang tapyas ng kautusan na nasa loob ng kaban? Ang kakulangang ito ay lubusang sanhi ng kakulangan sa karanasan. ANG UMUSBONG NA TUNGKOD Ang umusbong na tungkod ay may kaugnayan sa pagtatayo ng bayan ng Diyos. Kung Hebreo 9:4 lang ang mayroon tayo, hindi natin makikita ito. Nguni't kung isasaalang-alang natin ang unang pagbanggit sa umusbong na tungkod sa Lumang Tipan, makikita nating ito ay lubos na may kaugnayan sa pagtatayo ng bayan ng Diyos. Sa nakaraang mensahe ay tinalakay na nating para sa pagsasakatuparan ng Kanyang layunin, kinakailangan ng Diyos na magkaroon ng mga tao bilang isang sama-samang yunit. Sa Lumang Tipan, ang mga taong ito ay ang mga anak ni Israel. Hindi sila kukulangin sa isang milyon sa bilang at kinailangan nilang maitayo bilang isa. Ayon sa tala ng kasaysayan ng Israel, sila ay itinuring na isang yunit. Hindi isinasagisag ng Bibliya na sila ay naligtas nang isa-isa. Hindi, silang lahat ay sama-samang naligtas. Idinaos nilang lahat nang sama-sama ang Paskua bilang isang sama-samang tao at tinawid nilang lahat ang Pulang Dagat bilang isang yunit. Hindi tinawid ni Moises ang Pulang Dagat nang mag-isa, kasama si Aaron na sumunod sa kanya makalipas ang ilang araw. Kahit na noong nagpapagala-gala sila sa ilang, sila ay isang sama-samang tao, hindi isang grupo ng mga indibiduwal na isa-isang tumatahak ng kani-kaniyang daan. Bukod pa rito, sa gitna nila ay naroon ang tabernakulo, ang namumukod-tanging pinananahanan ng Diyos. Walang tabernakulo ng Diyos sa loob ng bakuran ni Moises at isa pa sa bakuran naman ni Aaron. May iisang tabernakulo lamang na, bilang ang namumukod-tanging pinananahanan ng Diyos, ay siyang sentro para sa pagtatayo ng bayan ng Diyos. Tulad ng nakita na natin, upang maitayo nang sama-sama ang napakarami, kailangan ang pamumuno. Ang umusbong na tungkod ay may kaugnayan sa pamumunong ito at siyang para sa pagtatayo ng bayan ng Diyos. Itinuring ni Core, na nabibilang sa lipi ni Levi, ang liping kinabibilangan din nina Moises at Aaron, ang kanyang sarili na kapantay nina Moises at Aaron. Maaaring nasabi ni Core, "Moises at Aaron, kayo nga ay mga anak ni Levi, ako rin. Kapareho lang ninyo ako." Kasama ni Core, naroon sina Dathan at Abiram, mga inapo ni Ruben, ang unang anak ni Jacob. Marahil ay inakala nina Dathan at Abiram na dahil ang kanilang lipi ang una, dapat lang na sila ay kabilang sa mga pinuno. Ang tatlong taong ito ang nag-udyok ng isang malaking paghihimagsik. Ayon sa Bilang 16:2, sina Core, Dathan, at Abiram "ay tumindig sa harap ni Moises, na kasama ng ilang mga anak ni Israel, na dalawang daan at limampung prinsipe sa kapisanan na tinawag sa kapulungan na mga lalaking bantog." Tulad ng tinutukoy ng Bilang 16, halos ang buong kongregasyon ng Israel ay naghimagsik laban kina Moises at Aaron. Walang alinlangan, ang paghihimagsik na yaon ay gawa ng kaaway upang wasakin ang pagtatayo sa gitna ng bayan ng Diyos. Tiyak na hinadlangan nito ang mga anak ni Israel sa pagpapatuloy na maabot ang gol ng Diyos. Binanggit ko ito upang maipakitang ang umusbong na tungkod ay may kaugnayan sa pagtatayo ng bayan ng Diyos. Kapag binasa ng maraming Kristiyano ang Hebreo 9, hindi sila nagbibigay-pansin sa umusbong na tungkod dahil sa gitna nila ay walang pagtatayo ng bayan ng Diyos. Gusto kong tanungin ang mga Kristiyano: nakarinig na ba kayo ng mensaheng nagsasabi sa inyong ang kailangan ng Diyos ngayon ay ang pagtatayo ng Kanyang mga tao? Walang gayon sa Kristiyanismo ngayon. Sapagka't karamihan sa mga Kristiyano ay hindi nagbibigay-pansin sa bagay na ito ng pagtatayo, hindi nga sila interesado sa umusbong na tungkod. Marami ngayon ang nagsasalita tungkol sa pagiging espirituwal, sa mga kaloob, sa pag-uugali, at pagsasalita sa iba't ibang wika, nguni't sino ang nagbibigay-pansin sa pagtatayo ng bayan ng Diyos? Kung walang pagtatayo ng Kanyang bayan, walang paraan na maisakatuparan ng Diyos ang Kanyang layunin. Ninanais ng Diyos ang mga taong naitayo bilang isang namumukod-tanging yunit. Bilang Ulo, kailangan ni Kristo ang Katawan, hindi ang maraming magkakahiwalay na sangkap. At kailangan ng Diyos ang isang tahanan, hindi isang bunton ng mga bato. Ito ang nais makamtan ng Diyos ngayon. Kung hindi tayo ayon dito, hindi natin taglay ang katayuan o kwalipikasyon na maunawaan ang kahulugan ng umusbong na tungkod. Kung wala kayong interes sa walang hanggang layunin ng Diyos at sa halip ay para pa rin sa sanlibutan, ang lahat ng nasa mensaheng ito ay magiging walang kabuluhang usapan kung ikaw ang tatanungin. Nawa ay maging maawain sa atin ang Panginoon upang makita natin na ang hinahanap Niya ngayon ay ang pagtatayo. Hindi ito isang katanungan kung gaano kayo ka-espirituwal, o gaano kayo kabuti, o gaano kayo pinagkalooban; ito ay isang katanungan kung kayo nga ay tunay na naitayo na sa bayan ng Diyos o hindi. Ngayon ay sobra na ang relihiyon, sobra na ang konsepto ng tao, nguni't kakaunti ang dibinong pahayag. Kung uunawain natin ang kahulugan ng umusbong na tungkod, dapat tayong magkaroon ng makalangit na dibinong pangitain na ang kailangan ng Diyos ngayon ay para sa pagtatayo ng Kanyang bayan. Hindi tinitingnan ng Diyos kung gaano karami ang mga tao Niya, kundi kung sila ba ay naitayo. Kung tayo ay naririto para sa walang hanggang layunin ng Diyos, dapat nating makita na ang kailangan ng Diyos ay para sa pagtatayo. Tingnan ninyo ang tabernakulo. Walang pagtatayo sa dambana. Ang nakikita natin sa dambana ay ang paghahain para sa pagtutubos. Kahit na ito ay kagila-gilalas, hindi ito ang gol ng Diyos. Ito ang simula, hindi ang wakas. Tulad ng nakita na natin, ang karanasan ng tabernakulo ay nagsisimula sa dambana at nagtatapos sa kaban. Sa loob ng kaban ay may tatlong aytem—ang natatagong manna, ang umusbong na tungkod at ang mga tapyas ng bato ng kautusan. Sa dambana ay wala tayong nakikita hinggil sa pagtatayo. Gayundin sa hugasan ay walang pagtatayo. Ang paghuhugas ng Espiritung nagbibigay-buhay sa hugasan ay para sa pagtatayo, nguni't ito ay hindi ang mismong pagtatayo. Mula sa hugasan ay tumuloy tayo sa dulang ng tinapay kung saan marami tayong pagkaing makakain. Nguni't ang pagkain ay hindi lamang para sa pagkain; ito ay dapat na para rin sa pagtatayo. Ang salitang natatagong manna ay minsan lamang ginamit sa Bagong Tipan. Ito ay matatagpuan sa Apocalipsis 2:17 na nagsasabing, "Ang magtagumpay ay bibigyan Ko ng natatagong manna, at siya ay bibigyan Ko ng isang puting bato." Ipinahihiwatig ng bersikulong ito na tinatransporma tayo ng natatagong manna tungo sa pagiging puting bato. Ang pagkain ng natatagong manna ay nagtatransporma sa atin tungo sa pagiging katanggap-tanggap na bato, at ang pagtatranspormang ito ay para sa pagtatayo ng Diyos. Sa katapusan, tulad ng tinukoy ng Apocalipsis 3:12, ang mga nagsisikain ay naitatayong templo ng Diyos. Sa ganito ay nakikita nating ang pagkain ay para sa pagtatayo. Sa dulang ng tinapay, gayunpaman, ay hindi pa rin natin nakikita ang pagtatayo. Kaya hindi dapat tayo tumigil dito, kundi magpatuloy pumunta sa ating destinasyon. Mula naman sa dulang ng tinapay ay pumunta tayo sa patungan-ng-ilawan at mula roon papunta naman sa dambanang insenso. Wala tayong makikitang pagtatayo saanman sa dalawang lugar na ito. Pagkatapos ay pumasok tayo sa Dakong Kabanal-banalan, hipuin ang kaban, at makikita sa loob nito ang umusbong na tungkod. Bakit hindi matatagpuan ang umusbong na tungkod sa dambana? Kung iyon ay nasa dambana, hindi na kayo magkakaroon ng anumang karanasan sa kaban. Kung papasok kayo sa Dakong Kabanal-banalan at daranasin ang kaban, mapag-aalaman ninyong sa loob ng kaban ay may mahalagang aytem—ang umusbong na tungkod. Sumunod dito, dapat nating malaman ang kahulugan ng umusbong na tungkod—na ito ay may kaugnayan sa pagtatayo ng Diyos. Kung hinahangad ninyo ang Panginoon, dapat ninyong matantong ang gol ng Diyos ay ang madala kayo sa umusbong na tungkod sa loob ng kaban na nasa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Tulad ng nakita natin, ang umusbong na tungkod ay sumasagisag na si Kristo, ang isang nabuhay-na-muli, ay dapat na maging buhay natin, maging pamumuhay natin, at ang pagkabuhay-na-muling buhay sa loob natin, at yaong ang buhay na ito ay dapat na umusbong, mamulaklak, at mamunga ng mga almendras. Umuusbong ba ang Kristong nasa loob ninyo? Huwag ninyong sabihing oo sa pandoktrina, kundi sumagot ayon sa inyong karanasan. Ang inyo bang Kristo ay umuusbong, namumulaklak, at namumunga ng mga almendras, na siyang bunga ng pagkabuhay-na-muli? ANG AMBISYON SA POSISYON Kamakailan, isang kapatid-na-lalake ang nagbigay ng patotoo tungkol sa pagkakatalaga sa kanya sa isang grupong naglilingkod. Nang narinig niya na siya ay itinalaga sa grupong naglilingkod na iyon, nag-isip siya kung ang kanyang posisyon sa grupong yaon ay magiging una o huli. Nang malaman niyang hindi siya ang una, para bang siya ay nabigo. Ang patotoong iyon ang naghayag sa akin na kahit sa atin ay mayroon ding ambisyon sa posisyon. Ang bawa't isa ay nagnanais na maging una. Hindi lamang may ambisyon sa posisyon sa gitna natin, mayroong ding ambisyon sa pagtaas sa tungkulin. Sa paglilingkod sa ekklesia, ang pangalawa ay nagsisikap na tumaas sa posisyon upang maging una. Bukod pa rito, yaong mga una ay natatakot na mawala ang kanilang nangungunang posisyon. Nang malaman ko ito, may nagsabi sa loob ko, "Naniniwala ka ba na lahat ng mga banal sa pagbabawi ng Panginoon ay napakaespirituwal na hindi na nila pinapansin ang posisyon o ang pagtaas sa tungkulin? Akala mo ba ay basta mahal na lamang nila ang Panginoon at wala nang ambisyon para sa anupaman? Napakaespirituwal mo naman. Walang gayong kaespirituwal na kondisyon dito. Ang ambisyon sa posisyon at pagtaas sa tungkulin ay matatagpuan sa gitna natin. ANG HATOL NG DIYOS SA PAGHIHIMAGSIK Ang pagiging ambisyoso, gayunpaman, ay hindi uubra, maliban sa negatibong panig ng pagsasagawa ng hatol ng Diyos sa atin. Sa huling mensahe ay nakita nating hindi natin dapat ituring sina Moises, Core, Dathan, at Abiram bilang magkakahiwalay na indibiduwal kundi bilang mga bahagi ng isang sama-samang tao. Gayundin, hindi ninyo dapat ituring ang inyong sarili na tulad lamang ni Moises. Kahit na hindi ko alam kung kayo ay si Moises man o hindi ay nakatitiyak akong sina Core, Dathan, at Abiram ay nasa loob ninyo. Tayong lahat ay mayroon nitong mga mapaghimagsik na elemento sa loob natin, dahil tayo ay isinilang kasama ang mga ito. Tayong lahat ay isinilang na mga Core. Nguni't sa awa at biyaya ng Diyos, ang tunay na Moises ay isinasagawa tungo sa loob natin. Kung wala ang awa at biyaya Niya, magiging mga Core lamang tayo. Kung sa Bilang 16 ay naging tahimik na lamang sina Core, Dathan, at Abiram, malamang na walang nangyari. Nguni't sila ay naging mga napakaambisyoso at para bang sinasabi, "Moises at Aaron, kayo lang ba ang mga namumuno? Hindi ba kami mga pinuno rin?" Dahil dito, ang hatol ng Diyos ay dumating. Nilamon ng lupa sina Core, Dathan, at Abiram (Blg. 16:31-33), at "apoy ang lumabas na mula sa Panginoon, at nilamon ang dalawang daan at limampung lalake na naghandog ng kamangyan." DALAWANG TANDA Pagkatapos nitong paghatol sa paghihimagsik, iniutos ng Diyos na ang tansong suuban ng dalawang daan at limampung lalake na nilamon ng apoy ay gawing laminang pinukpok para maging pinakapantakip sa dambana upang maging "tanda sa mga anak ni Israel" (Blg. 16:36-40). Itong mga tansong laminang pinukpok sa ibabaw ng dambana ay naging tanda ng paghahatol ng Diyos sa paghihimagsik. Sa ganito ay nakikita nating ang dambana ay hindi lamang lugar para sa ating katubusan bagkus lugar din para sa kahatulan sa atin. Sa dambana, ang natural na elementong nasa loob natin ay hinahatulan, at ang hatol na iyon ay nanatiling tanda, isang alaala, at isang pahiwatig na ang ating natural na buhay at ang ating natural na elemento ay dapat na mahatulan at masunog. Sa Bilang 16 at 17 ay may dalawang tanda, isa sa dambana at isa sa loob ng kaban. Ang tanda sa dambana ay paghatol sa natural na elemento (Blg. 16:38), at ang tanda sa loob ng kaban ay ang pagkabuhay-na-muli ng pagkabuhay-na-muling buhay (Blg. 17:10). Sa Bilang 17 ay sinabihan ng Diyos si Moises na magdala ng labindalawang patay na tungkod, isa sa bawa't isa sa labindalawang lipi, at ilagay ang mga ito sa Kanyang presensiya sa magdamag. Yaong ang bawa't tungkod ay patay na patpat ay nangangahulugang ang mga pinuno ng labindalawang lipi ay walang anuman kundi mga patay na kahoy. Kinaumagahan, ang isa sa labindalawang tungkod ay umusbong, namulaklak, at namunga ng mga almendras. Ang tungkod na ito ay hindi nabuhay sa pamamagitan ng sarili nito kundi sa pamamagitan ng pagkabuhay-na-muling buhay. Ipinahihiwatig nito na dapat munang mahatulan at matupok ang ating natural na elemento. Ang ating ambisyon sa posisyon at pagtaas sa tungkulin ay dapat na matupok. Sa tuwing tayo ay pumapasok sa tabernakulo, dapat muna tayong pumasok sa dambana at tingnan doon ang tanda ng paghatol ng Diyos sa ating natural na elemento. Kapwa ang ating kasalanan at ang ating natural na elemento ay dapat na mahatulan sa dambanang tanso. Matapos maranasan ang paghahatol na ito sa dambana, maaari na tayong pumunta sa hugasan, sa dulang ng tinapay, sa patungan-ng-ilawan, sa dambana ng kamangyan, at pagkatapos ay lumapit sa kaban sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Dito sa kaban ay makikita natin ang umusbong na tungkod. Ito ang ikalawang tanda. Ang unang tanda ang mga tansong laminang pinukpok sa ibabaw ng dambana, ay nangangahulugang ang ating natural na elemento ay dapat na mahatulan at matupok. Ang negatibong elementong ito ay walang bahagi sa pagtatayo ng Diyos. Sa pagtatayo ng Diyos ay walang puwang para sa anumang natural. Kung gusto ninyong makibahagi sa pamumuno, ang inyong natural na Core, Dathan, at Abiram ay dapat na mahatulan at matupok, at ang paghahatol na iyon ay dapat na manatiling paalaala sa inyo. Sa tuwing papasok kayo sa paglilingkod sa Diyos, makikita ninyo ngayon ang paalaalang iyon sa ibabaw ng dambana. Kung makikibahagi tayo sa paglilingkod sa Diyos, dapat nating matanto na ang ating natural na elemento ay dapat na mahatulan. Kung gusto man ninyong maging una o huli, dapat pa rin kayong mahatulan at matupok sa dambana. Ang unang bagay sa pagtatayo ng Diyos ay ang Kanyang paghahatol. Kahit pa mahal ninyo ang Panginoon at pinagmamalasakitan ninyo ang Kanyang patotoo ay mayroon kayong mga elemento ni Core, Dathan, at Abiram sa loob ninyo. Minsan, sasabihin sa inyo ng Panginoon, "Ang natural na elementong ito ay dapat na hatulan. Mahal ninyo Ako at nagmamalasakit kayo sa Aking patotoo—iyon ay kamangha-mangha nguni't ang inyong natural na elemento ay dapat na matuos at makondena." Kung hindi ito nangyayari buwan-buwan ay malamang na ito ay nangyayari bawa't anim na buwan. Lalo ninyong nararanasan ito, lalong mas kikinang ang tanso sa ibabaw ng dambana bilang paalala na ang inyong natural na tao ay dapat na mahatulan. Aleluya, sa dalawang tandang ito! Ang isang tanda ay nasa dambana, at ang isa naman ay nasa loob ng kaban. Sa loob ng kaban ay ang umusbong na tungkod na sumasagisag sa nabuhay-na-muling Kristo sa loob ng ating espiritu. Itong umusbong na tungkod ay ang awtoridad. Halimbawang dalawang maambisyong kapatid-na-lalake ang naglalabanan sa pamumuno at iisa lamang sa kanila ang dumaan sa karanasan ng Bilang 16 at nahatulan na at natuos. Ang tanso sa dambana ay nakapagpaalala sa kanya ng paghahatol ng Diyos sa kanya. Bilang resulta ng karanasang ito, siya ang may umusbong na tungkod. Sa isang napakatunay na pakahulugan, ang umusbong na tungkod ay lumalabas mula sa dambanang tanso. Sa gayunding paraan, ang nabuhay-na-muling buhay ay lumalabas mula sa paghahatol ng Diyos sa ating natural na buhay. Ang kapatid na nakikipaglaban sa kanya, gayunpaman, ay hindi napatuos ang kanyang natural na tao. Ang kapatid na nakaranas kapwa ng paghahatol sa dambana at ng umusbong na tungkod sa loob ng kaban ay maaaring maliit at baka hindi pa matalino, at ang kapatid na hindi pa natuos ay nakapagsasabi, "Hindi ba ako mas mahusay kaysa sa kanya? Tiyak na mas mahusay ako. Nguni't anuman ang aking gawin ay nagreresulta sa kamatayan. Ito ang kinalalabasan ng isang tungkod ng patay na kahoy. Ako ay isang patay na tungkod lamang nguni't ang kapatid na ito na di-masyadong mahusay at matalinong tulad ko, ay umuusbong, namumulaklak, at namumunga ng mga almendras." Kung magdadala ka ng isang kaso doon sa natural na kapatid, ang kalalabasan ay laging kamatayan dahil siya ay isang patay na tungkod at walang magagawa kundi ang makapatay. Nguni't kung magdadala ka ng isang kaso sa kapatid na may umusbong na tungkod, ang kalalabasan ay mga usbong, mga bulaklak, at bunga. Kung ang isang namatay na tao ay makakasama niya nang ilang saglit, siya ay magiging buhay. Bilang resulta, sasabihin ng natural na kapatid, "Hindi ko maintindihan kung bakit lahat ng pumupunta sa akin sa buhay-ekklesia ay nagiging patay at lahat ng pumupunta sa kapatid-na-lalakeng ito ay nagiging buhay na buhay. Hindi makatarungan ang Diyos." Nguni't ang Diyos ay higit pa sa makatarungan. WALANG PALIGSAHAN Wala dapat paligsahan sa paglilingkod sa ekklesia. Ang paligsahan kailanman ay hindi umuubra. Lalo kang nakikipagpaligsahan upang mauna, lalong hindi ka nagiging kwalipikado kahit mahuli man lamang. Lalo kang makipagpaligsahan lalo kang mananatili sa patay mong kondisyon. Hindi ito isang bagay ng pagkikipagpaligsahan; ito ay isang bagay ng pagiging nahatulan at yaong masunog ang sarili, ang natural na buhay, at ang natural na elemento. Pagkatapos sa dambana ay magkakaroon ng paalala na ang ating natural na buhay ay dapat na matuos at maalis. Daan-daan sa atin ang makapagpapatotoo na sa tuwing makikipagpaligsahan tayo sa iba, tayo ay mamamatay. Sa tuwing sasabihin natin, "Bakit siya ang ginagamit ng Diyos at hindi ako?" tayo ay tapos na. Lalo mong sinasabi ito, lalo namang hindi ka gagamitin ng Diyos. Lalo kang nakikipagpaligsahan, lalo kang nagiging hindi kwalipikado. Sa mga nakalipas na taon ay wala akong nakitang naging taliwas dito sa gitna ng mga anak ng Panginoon. Kinakailangan nating lahat na sabihin,"Walang mabuti sa loob ko. Punung-puno ako nina Core, Dathan, Abiram, at ng napakaraming natural na bagay na dapat na mahatulan sa ibabaw ng tansong dambana." Ang sinumang handang mahatulan ay kaagad na madadala sa loob ng Dakong Kabanal-banalan at magkakaroon ng umusbong na tungkod, ang pagkabuhay-na-muling buhay. Kapag ganitong uri ng tao ka, anuman ang dumating sa iyo, kahit na iyon ay patay na situwasyon, ay magreresulta sa buhay. ANG UMUSBONG NA TUNGKOD Maraming organisasyon ng mga Kristiyano ang hindi nasisiyahan sa atin. Sinasabi nila, "Paano ninyo inaaring kayo ang ekklesia? Hindi ba kami ay ekklesia rin?" Ang pagiging ekklesia ay hindi isang bagay ng kung ano ang sinasabi natin; ito ay isang katanungan ng kung nasaan ang umusbong na tungkod. Kung nasisiyahan man sa atin o tinutuligsa tayo ng mga tao ay walang katuturan. Ang tanging bagay na tinitingnan ay ang umusbong na tungkod. Kung ito nga ang ekklesia sa Anaheim, ang patotoo ng Panginoon sa Orange County, ito ay uusbong, mamumulaklak, at mamumunga ng mga almendras na makapagpapabunga ng pagkabuhay-na-muling buhay sa iba. Sa tuwing may kumakalat na ilang balitang laban tungkol sa atin, sinasasabi ko sa mga kapatid na ang mga balita at babasahing yaon ay walang katuturan at dapat nating kalimutan ang mga iyon. Ang tanging bagay na isasaalang-alang ay kung taglay natin ang umusbong na tungkod o hindi. Ang umusbong na tungkod ay pagpapatunay ng Diyos. Sa labindalawang tungkod na itinaas sa harap ng Panginoon, iisa lang ang umusbong, namulaklak, at namunga ng almendras. Anong masasabi mo rito? Kahit na umusbong na ang tungkod ni Aaron, hindi pa rin kumbinsido ang mga mapaghimagsik. Patuloy pa rin silang nagbubulung-bulong. Huwag ninyong akalaing kapag nakikita na ang umusbong na tungkod ay makukumbinsi ang lahat ng nasa Orange County. Hindi lalong umuusbong ang ating tungkod, lalong magkakaroon ng mga pagbubulung-bulong. Ang kinakailangan natin, at ang kinakailangan ng ekklesia, ay ang umusbong na tungkod. Ang pakikipagpaligsahan, ang pagtaas sa tungkulin, ang katungkulan, at ang ambisyon ay walang kabuluhan. Simula ngayon, sa loob ng paglilingkod sa ekklesia ay walang magiging una, ikalawa o anupamang bilang. Ang lahat ay walang bilang. Wala tayong bilang dahil wala tayong katuturan. Dapat nating mahatulan lahat, at pagkatapos dapat nating lahat taglayin ang umusbong na tungkod. Ang pagkakaroon ng awtoridad ay hindi isang bagay ng kung ano ang ating magagawa; ito ay isang bagay ng kung gaano tayo umuusbong. Maaaring malaki ang nagagawa mo, nguni't wala namang pamumulaklak. Sa halip na umusbong, ikaw ay namamatay, sa halip na mamulaklak ikaw ay nakapapatay pa ng iba, at sa halip na makapamunga, pinapatay mo pa ang sinumang kumakausap sa iyo. Ito ay nangangahulugang wala kang awtoridad. Subali't, kung nasa iyo ang umusbong na tungkod at lumapit sa iyo ang isang patay, siya ay mapapanumbalik at magiging buhay. Ito ay nangangahulugang nasa iyo ang awtoridad. Ang awtoridad ay wala sa ating kakayahan o kahusayan. Ang tunay na pagpapatunay ay nasa ating pag-usbong, wala sa ating paggawa. Ang paggawa ay walang anuman, nguni't ang pag-usbong ay nangangailangan ng lahat. Sa ating buhay-ekklesia at sa paglilingkod sa ekklesia, dapat tayong lahat ay umusbong, mamulaklak, at mamunga ng mga almendras. Ito ang pangangailangan natin ngayon. ANG PARAAN UPANG MAGKAROON Ngayon ay dumako tayo sa isang napakahalagang punto—ang paraan upang magkaroon ng umusbong na tungkod. Sinusundan ng umusbong na tungkod ang natatagong manna. Ito ay nangangahulugang kung natatamasa natin ang natatagong manna, uusbong tayo dahil ang kinalalabasan ng pagtatamasa sa natatagong manna ay ang umusbong na tungkod. Kung gaano ang maiuusbong mong buhay ay nakasalalay sa kung gaano ang kinakain mong natatagong manna. Kinakailangan nating lahat na ensayuhin ang ating espiritu upang makaugnay ang natatagong Kristo at matamasa ang pinakamainam na bahagi ni Kristong natatago sa loob ng dibinong kalikasan. Lalo nating tinatamasa ang natatagong Kristo bilang ang pinakamataas na bahagi sa dibinong kalikasan, lalong uusbong ang ating tungkod. Hindi na kinakailangang makipagpaligsahan ka para sa anumang katungkulan, o gustuhin ang anupaman. Basta tamasahin lamang ang natatagong manna na siyang makapagpapakain sa iyo at magsasanhi sa iyo upang umusbong. Hangga't ikaw ay umuusbong ikaw ang awtoridad. Kung ikaw ay umuusbong, namumulaklak, at namumunga ng almendras, malalaman ng iba na ikaw ang awtoridad. Ang awtoridad sa gitna ng bayan ng Diyos ngayon ay hindi ang kakayahan o katungkulan; ito ay ang pag-usbong, pamumulaklak, at ang pamumunga. Kinakailangan nating kalimutan ang ating nakaraang pagpapahalaga sa pakikipagpaligsahan, katungkulan, at pagtaas sa tungkulin at magkaroon ng bagong panimula. Sa gitna natin sa pagbabawi ng Panginoon, hindi tayo dapat mabahala hinggil sa katungkulan. Dapat lang nating bigyang-pansin ang pagtatamasa sa mainam na bahagi ng natatagong Kristo, upang makausbong tayo kahit sa madilim na gabi. Kahit madilim ang gabi, tayo naman ay umuusbong, namumulaklak, at namumunga ng mga almendras upang makapagpakain ng iba. Ang isang umuusbong, namumulaklak, at namumunga ng mga almendras ay tiyak na siyang awtoridad sa gitna ng bayan ng Diyos. Sa aklat ng Hebreo, nakikita nating dapat nating maranasan si Kristo sa dambana, sa hugasan, sa dulang ng tinapay, sa patungan-ng-ilawan, sa dambana ng insenso, at sa kaban sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Dito sa Dakong Kabanal-banalan ay tinatamasa natin si Kristo sa loob ng presensiya ng Diyos. Ang pagtatamasang ito ang nagsasanhi sa ating makausbong, hindi sa pamamagitan ng ating kakayahan kundi sa pamamagitan ng pagkabuhay-na-muling buhay. Sa ganitong paraan maeensayo ng Diyos ang Kanyang awtoridad para sa pagtatayo ng Kanyang bayan. May lubos akong katiyakan na ito ay ang eksaktong ginagawa ng Diyos sa gitna natin. Sinasanhi Niya tayong lahat na matanto ang paghahatol sa natural na elemento at makabahagi sa pagkabuhay-na-muling buhay upang tayo ay makausbong, makapamulaklak, at makapamunga ng mga almendras.
|