PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE ANIMNAPU'T TATLO

ANG KAUTUSAN—ANG PATOTOO NG DIYOS

Katulad ng ipinakita na natin, sa loob ng kaban na nasa loob ng Dakong Kabanal-banalan ay may tatlong mahahalagang aytem: ang natatagong manna, ang umusbong na tungkod, at ang mga tapyas ng bato ng kautusan (9:40). Sa huling limang mensahe ay natalakay na natin sa ilang paraan ang natatagong manna at ang umusbong na tungkod.

Sa mensaheng ito naman ay dumako tayo sa mga tapyas ng bato ng kautusan.

ANG KAUTUSAN BILANG PATOTOO NG DIYOS

Sa Bibliya ay mahirap makita ang katawagang mga tapyas ng bato ng kautusan. Ang madalas na mabanggit sa Lumang Tipan ay ang mga tapyas ng bato ng patotoo (Exo. 31:18) at sa Bagong Tipan naman ay binabanggit ang mga tapyas ng bato ng tipan (Heb. 9:4). Bakit tinawag na mga tapyas ng bato ng patotoo at mga tapyas ng bato ng tipan ang kautusan? Napakadaling unawain kung bakit ang kautusan ay tinawag na mga tapyas ng batong tipan dahil sa Lumang Tipan ang kautusan ay tinawag na lumang tipan (covenant). Gayunpaman, mahirap maunawaan kung bakit ang kautusan ay tinawag na mga tapyas ng bato ng patotoo. Nang inutos ng Diyos kay Moises na gumawa ng kaban (Exo. 25:10), sinabi Niya, "At iyong isisilid sa kaban ang mga kinalalagdan ng patotoo na Aking ibibigay sa iyo." (Exo. 25:16). Ang patotoo sa bersikulong ito ay walang alinlangang nangangahulugang kautusan. Hindi sinabi ng Diyos na isilid ang kautusan sa kaban; sinabi Niyang isilid ang patotoo roon. Dahil ang patotoo ay inilagay sa loob ng kaban, ang kaban ay tinawag na kaban ng patotoo (Exo. 25:22). Higit pa rito, ang tabernakulo ay tinawag na tabernakulo ng patotoo (Blg. 17:8, Heb). Kaya, taglay natin ang patotoo, ang kaban ng patotoo, at ang tabernakulo ng patotoo. Nang ang manna at ang umusbong na tungkod ay inilagay sa harap ng kautusan, ang mga ito ay inilagay sa harap ng patotoo (Exo. 16:34, Blg. 17:10). Anuman ang inilagay sa harap ng patotoo ay nasa harap ng Diyos (Exo. 16:33-34), dahil ang patotoo ay hindi maihihiwalay sa Kanya. Kapag ang isang bagay ay nasa harap ng patotoo, ito ay nasa harap ng Diyos, at kapag ito ay nasa harap ng Diyos ito ay nasa harap ng patotoo. Ano ang patotoo na ito? Nakita natin na ang kaban ay tinawag na kaban ng patotoo at ang tabernakulo ay tinawag na tabernakulo ng patotoo. Ang kautusan ay tinawag na patotoo dahil ito ay nagpapatotoo sa Diyos. Dahil nga sa katuwirang ito, ito ay patotoo ng Diyos.

Sa Genesis 1:26 tayo ay sinabihan na nilikha ng Diyos ang tao sa Kanyang sariling larawan. Ang layunin ng Diyos ay ang magkaroon ng kahayagan sa pamamagitan ng tao. Ang kahayagang ito ay ang Kanyang patotoo. Samakatuwid, ang patotoo ng Diyos ay ang kahayagan ng Diyos. Ito ay ang Diyos na nahayag. Ang layunin ng Diyos noon, hanggang ngayon, at magpasawalang-hanggan ay magiging gayon pa rin—ang isagawa ang Kanyang Sarili tungo sa loob ng tao upang Siya ay maihayag at magkaroon ng patotoo. Nguni't bago maisagawa ito ng Diyos, ang tao ay natisod. Sa kanyang natisod na kalikasan, tinangka ng tao na magpakabuti upang masiyahan ang Diyos. Dahil dito, ibinigay ng Diyos ang kautusan sa tao. Binigyan ng Diyos ang tao ng kautusan dahil hindi alam ng tao na, bilang natisod na tao, hindi niya mabibigyang-kasiyahan ang Diyos o maihahayag Siya. Matapos maibigay ang kautusan, gayunpaman, iniba kaagad ng Diyos ang katawagan, at tinatawag itong patotoo. Ang ibinigay ng Diyos sa tao ay ang kautusan, nguni't hindi ito pangunahing tinatawag na kautusan kundi patotoo. Sa Awit 199 ang salitang patotoo ay maraming beses na pinakahulugang kautusan (bb. 2, 88, 168). Sa tuwing ginagamit ang salitang ito sa Awit 119, ito ay tumutukoy sa kautusan.

Ayon sa konsepto ng tao, ang kautusan ay nangangahulugang sampung utos. Nguni't ang layunin ng Diyos ay hindi yaong ang kautusan ay maging mga utos, kundi yaong ito ay maging Kanyang patotoo. Nang ako ay nasa Kristiyanidad pa, hindi ko kailanman narinig ang salitang patotoo na ginamit patungkol sa kautusan. Ang narinig ko lamang ay ang tungkol sa sampung utos. Sa Kristiyanidad, kapag maraming kabataan ang sinusuri para sa pagmimiyembro sa tinatawag na mga ekklesia, dapat nilang bigkasin ang sampung utos. Kahit na mabigkas ninyo ang mga utos, marahil ay hindi pa ninyo kailanman narinig na ang patotoo sa Awit 119 ay ang kautusan. Sa katunayan, sa aklat ng mga Awit ang salitang patotoo ay tumutukoy sa kautusan. Sinasabi kong muli, na sa layunin ng Diyos at ayon sa Kanyang konsepto, ang kautusan ay ang Kanyang patotoo. Nguni't sa konsepto ng tao, ang kautusan ay ang sampung utos. Kung tinatangka mong sundin ang kautusan ng Diyos, tiyak na magiging sampung utos ito sa iyo. Nguni't kung alam mo kung ano ang buhay, at kung, sa halip na sundin ang kautusan ay lumalakad kang kasama ang Diyos, matatanto mong ang kautusan ay ang patotoo ng Diyos, ang kahayagan ng Diyos.

ANG DALAWANG ASPEKTO NG BAWA'T KAUTUSAN

Ang bawa't kautusan ay may dalawang aspekto, ang aspekto ng tagasunod ng kautusan at ang aspekto ng tagagawa ng kautusan. Ang mga kautusan ay para sundin ng mga tao. Tulad ng nabanggit na natin noon, ang uri ng kautusan na iyong ginagawa ay naghahayag ng kung anong uri ka ng tao. Kung ang mga magnanakaw sa bangko ay makagagawa ng mga kautusan, gagawin nilang legal ang pagnanakaw sa bangko. Gusto ng ilang tagagawa ng batas na gawing legal ang kay samang bagay tulad ng prostitusyon. Inihahayag lang nito na sila mismo ay masasama. Ang masasamang tagagawa ng batas ay gagawa ng masasamang kautusan. Yamang ang mga batas na ginagawa natin ay naghahayag ng kung anong uri tayo ng tao ay totoo hindi lamang sa isang bansa bagkus sa isang pamilya rin. Kung ang mga magulang sa isang pamilya ay tanghali nang bumangon araw-araw at hindi naglilinis ng bahay, sila ay gagawa ng mga batas sa pamilya na hahayaan ang kanilang mga anak na bumangon nang tanghali na at maging magulo. Nguni't kung ang mga magulang ay mahigpit, malinis, masinop, at masipag, sila ay magkakaroon ng ibang batas sa pamilya. Pipilitin nila ang kanilang mga anak na bumangon nang maaga upang linisin ang kanilang sarili, at pagkatapos ay maglinis ng kanilang mga kuwarto. Kung ako ay dadalaw sa ganitong uri ng tahanan at makikita ang ganitong uri ng pagpapalakad, malalaman ko kaagad na ang mga magulang noon ay masisipag at malilinis. Nguni't kung pupunta ako sa bahay kung saan ang lahat ay magulo at kung saan ang mga anak ay hinahayaang matulog hanggang tanghali na tuwing umaga, matatanto ko rin kung anong uri ng mga tao ang mga magulang sa tahanang iyon. Yamang ang mga kautusang ating ginagawa ay nagpapatotoo sa kung ano tayo, ang ating kautusan ay nagiging patotoo natin. Sa panig ng gumagawa ng kautusan, ang kautusan ay isang patotoo; sa panig naman ng sumusunod sa kautusan, ang kautusan ay isang utos o pamamalakad. Ang kautusan din ng Diyos ay mayroon din nitong dalawang aspekto. Sa ating mga nagtatangkang sundin ang kautusan, ito ang sampung utos, nguni't sa Diyos, ito ay Kanyang patotoo.

ANG KAUTUSAN BILANG ISANG SAGISAG NI KRISTO

Nakabasa ako ng ilang aklat na nagsasabing ang kautusan daw ay isang sagisag ni Kristo. Sa loob ng mahabang panahon, ako ay naguguluhan dito. Paanong ang kautusan, na ang katayuan ay yaong sa kalunya (Gal. 4:24), ay magiging sagisag ni Kristo? Mula sa aspekto ng kautusan bilang utos na sinusunod natin, ang katayuan nito ay yaong sa kalunya. Nguni't mula sa aspekto ng kautusan bilang patotoo ng Diyos, ito ay sagisag ni Kristo. Ang tunay, buhay, ganap, at sapat na patotoo ng Diyos ay si Kristo Mismo lamang. Kaya, ang kautusan ay sumasagisag kay Kristo bilang buhay na patotoo ng Diyos. Inihahayag ni Kristo ang Diyos. Ang kautusan ay ibinigay, nguni't si Kristo ay dumating upang maging buhay na kahayagan ng Diyos (Juan 1:17). Sa pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay Diyos (Juan 1:1). Pagkatapos ang Salita ay naging laman, puspos ng biyaya at realidad (Juan 1:14), para sa layuning maging kahayagan ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naisakatawan kay Kristo, si Kristo ay ang buhay, ganap, at sapat na patotoo ng Diyos.

Nakita na nating ang kautusan ay patotoo ng Diyos, ang kahayagan ng Diyos. Kung nais ninyong malaman kung anong uri ng Diyos ang Diyos, dapat ninyong basahin ang mga kautusang ginawa Niya. Kung babasahin ninyo ang sampung utos, makikita ninyong ang gumawa ng mga kautusang yaon ay tiyak na Isang banal, Isang matuwid, Isang mapagmahal, Isang nasa liwanag. Pinatutunayan ng sampung utos na ang Diyos ay banal at matuwid at yaong Siya ang pag-ibig at liwanag. Ang Diyos ay isang Diyos ng liwanag at isang Diyos ng pag-ibig. Siya Mismo ay liwanag at ang pag-ibig (1 Juan 1:5; 4:8), at Siya ay banal at matuwid. Pinapatotoo ng kautusan na Siya ay gayong Diyos. Nguni't ang kautusan ay isang patotoo sa mga titik lamang. Nang dumating si Kristo, ang patotoo ng Diyos ay naging buhay. Hindi na ito mga titik, kundi isang buhay na Persona. Nang si Hesus ay nasa lupa, Siya ang buhay na patotoo ng Diyos. Saanman Siya magpunta ay inihahayag Niya ang Diyos. Anuman ang Kanyang ginawa, sinabi, at inisip ay naghahayag sa Diyos. Dahil Siya ang pagsasakatawan ng Diyos, Siya ang kahayagan at patotoo ng Diyos. Kung noong mga panahon ng Lumang Tipan ay ninais mong malaman kung ano ang Diyos, kinakailangan mong magkonsulta sa kautusan. Nguni't ngayon, kung gusto mong malaman kung ano ang Diyos, dapat kang lumapit kay Hesu-Kristo. Sa Lumang Tipan, ang kautusan ay patotoo ng Diyos, nguni't ngayon, si Hesu-Kristo ang Kanyang buháy, ganap, at sapat na patotoo.

ANG SUKDULAN AT SENTRONG AYTEM
SA LOOB NG TABERNAKULO

Ang paghawak sa konseptong ito ng kautusan bilang patotoo ng Diyos ay makatutulong sa atin na maintindihan ang Hebreo 9. Binabanggit ng Hebreo 9:4 ang mga tapyas ng bato ng tipan, tinutukoy ang mga tapyas ng bato ng patotoo ng kautusan. Ayon sa Hebreo 9, ang mga tapyas ng bato ng tipan ang huli sa mga aytem na may kaugnayan sa tabernakulo. Sa labas na looban ay naroon ang dambana at ang hugasan; sa loob naman ng Dakong Banal ay naroon ang dulang ng tinapay, ang patungan-ng-ilawan, at ang dambana ng kamangyan; at sa loob ng Dakong Kabanal-banalan ay naroon ang kaban kung saan naroon ang natatagong manna, ang umusbong na tungkod, at ang tapyas ng bato ng tipan. Sa ganito ay nakikita natin na ang huli at sukdulang aytem ay ang mga tapyas ng bato ng tipan, yaon ay, ang patotoo. Ang tatlong aytem sa loob ng kaban ay higit na malalalim kaysa sa mga nasa loob ng Dakong Banal. Ang mga aytem sa Dakong Banal ay pasimula pa lamang, nguni't ang mga aytem sa kaban ay sukdulang kaganapan. Ang sukdulang kaganapan ng dulang ng tinapay ay ang natatagong manna, ang sukdulang kaganapan naman ng dambana ng kamangyan ay ang umusbong na tungkod, at ang sukdulang kaganapan ng patungan-ng-ilawan ay ang patotoo. Sa lahat ng mga bagay na may kaugnayan sa tabernakulo, ang mga tapyas ng bato ng patotoo ang pinakamataas. Hindi lamang mataas na aytem ang mga ito; ang mga ito rin ang pinakasentrong aytem. Ang mga ito ang nasa pinakasentro ng tabernakulo.

Sa loob ng tabernakulo ay makakakita tayo ng ilang tabing. Ang unang tabing ay ang tabing na naghihiwalay sa tabernakulo at sa labas na looban mula sa iba pang mga bagay, ang ikalawa ay ang dingding ng tabernakulo, at ang ikatlo ay ang tabing na naghihiwalay sa Dakong Kabanal-banalan mula sa Dakong Banal. Ang kaban ng patotoo kung saan nasa loob nito ang patotoo ay ang ikaapat na tabing. Kaya, ang patotoo ay nasa sentro ng tabernakulo.

ANG KAUTUSAN NG BUHAY SA LOOB NI KRISTO

Bilang mga naligtas na tao, tayo ang templo ng Diyos (1 Cor. 3:16). Ang ating katawan ay ang labas na looban, ang ating kaluluwa ay ang Dakong Banal, at ang ating espiritu ay ang Dakong Kabanal-banalan. Ang kautusan ng buhay ay wala sa labas na looban o sa Dakong Banal kundi nasa Dakong Kabanal-banalan. Gayunpaman, hindi sapat na sabihing ito ay nasa Dakong Kabanal-banalan, dahil ito ay nasa loob ng kaban, yaon ay, nasa loob ng ikaapat na tabing. Ang kautusan ng buhay ay nasa loob ng kaban, ang kaban ay nasa loob ng Dakong Kabanal-banalan, ang Dakong Kabanal-banalan ay nasa loob ng tabernakulo, at ang tabernakulo ay nasa loob ng naghihiwalay na tabing ng labas na looban. Nakita na nating ang labas na looban ay ang ating katawan, na ang Dakong Banal ay ang ating kaluluwa, at na yaong mga Dakong Kabanal-banalan ay ang ating espiritu. Ano ngayon ang kaban? Ito ay si Kristo. Yamang si Kristo ang kaban, hindi natin dapat sabihing ang kautusan ng buhay ay tuwirang nasa ating espiritu. Bagama't mayroon tayong espiritu, kung wala naman tayong Kristo sa loob niyaon, ang kautusan ng buhay ay wala sa ating espiritu. Ang kautusan ng buhay ay nasa ating espiritu dahil ang kautusan ng buhay ay nasa loob ni Kristo at si Kristo ay nasa ating espiritu.

Bakit hindi sinabi ng Diyos sa Kanyang bayan na ilagay ang kautusan sa dambana? Bakit Niya sila inutusang ilagay iyon sa loob ng kaban? Magiging mali para sa Diyos na ilagay ang kautusan sa dambana, dahil ang Kanyang layunin ay hindi ang ipasunod sa tao ang kautusan. Hindi, ayon sa konsepto ng Diyos, ang kautusan ay para sa Kanyang patotoo. Kaya, inilagay Niya ang Kanyang kautusan sa loob ng kaban sa Dakong Kabanal-banalan.

Inaakala mobang magiging katulad ka ng Diyos? Imposible. Kung binabasa mo man ang sampung utos araw-araw, ipinapanalangin ito, nag-aayuno para rito, at pinipilit ang iyong sarili na sundin ang mga ito, hindi mo pa rin ito matutupad. Hindi mo kailanman maitutugma ang iyong sarili sa kautusan ng Diyos. Hindi mo rin Siya maihahayag. Ang layunin ng Diyos ay hindi ang pilitin nating sundin ang kautusan o tangkaing ihayag Siya. Unang-una, ang Kanyang layunin ay ang ipakita sa atin kung ano Siya. Gaano man kadakila natin minamahal ang kautusan, hindi natin ito matutupad. Ano ngayon ang dapat gawin ng Diyos? Sinabi Niya, "Ito ang tipan na Aking ipakikipagtipan sa sambahayan ni Israel pagkatapos ng mga araw na yaon, sinasabi ng Panginoon: "Ipamamahagi Ko ang Aking mga kautusan sa kanilang kaisipan, at sa kanilang mga puso ay Aking isusulat ang mga ito, at Ako ay magiging Diyos nila, at sila ay magiging bayan Ko" (8:10). Ang layunin ng Diyos ay ang ilagay ang Kanyang kautusan sa loob natin, tungo sa loob ng ating mga panloob na bahagi at maging tungo sa loob ng ating puso. Hindi ibig sabihin nito na dapat nating sundin ang kautusan. Hindi, ito ay nangangahulugang isasagawa ng kautusan ang sarili nito mula sa kalooban natin. Inihahayag nito kung bakit inilagay ng Diyos ang kautusan sa loob ng kaban at inilagay ang kaban sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Paano makapapasok ang kautusang ito sa atin? Sa pamamagitan lamang ni Kristo. Kapag si Kristo ay pumasok sa atin, ang kautusang ito ay dumarating sa atin. Nang tinanggap natin si Kristo, tinanggap natin ang kautusan. Ang kautusan ay na kay Kristo at si Kristo ay nasa ating espiritu. Kaya, sinasabi ng Roma 8:2, "Ang kautusan ng Espiritu ng buhay sa loob ni Kristo Hesus." Hindi lamang nasa loob ni Kristo ang kautusang ito; ito ay si Kristo. Nang tinanggap ninyo si Kristo at tinanggap Siya bilang inyong Tagapagligtas, tinanggap ninyo ang kautusan ng buhay.

HINAHAYAANG MAIPAMUHAY SI KRISTO MULA SA ATIN

Nang ibinigay ng Diyos kay Moises ang kautusan, hindi Niya nilayong sundin ito ng Kanyang bayan. Ibinigay Niya sa kanila ang kautusan upang maipakita sa kanila kung anong uri Siya na Diyos at maihayag sa kanila ang ninanais Niya. Dahil nais Niyang ang tao ay maging Kanyang kahayagan, ninais Niya silang maging tulad Niya, maging kapareho Niya. Bagama't nagkaroon ng ganitong naisin ang Diyos, wala namang nangyari. Sa halip, pinilit ng tao na gayahin ang Diyos, tinatangkang gawing katulad ng Diyos ang kanyang sarili. Nguni't nabigo ang tao. Isang araw ang tunay na kautusan, ang buhay na kautusan, si Kristo, ang realidad ng patotoo ng Diyos, ay dumating at tinanggap natin Siya tungo sa loob natin. Bilang resulta, ang tunay na kautusang ito, ang realidad ng kautusan, ay isinagawa tungo sa loob ng pinakasentro ng ating katauhan. Ngayon sa kaloob-loobang bahagi ng ating katauhan ay may isang bagay na kagila-gilalas—si Kristo Mismo bilang ang realidad ng kautusan. Nakita nating ang kaloob-loobang bagay sa tabernakulo ay ang kautusan. Ngayon, ang kaloob-loobang bagay na nasa atin ay si Kristo sa loob ng ating espiritu bilang realidad ng kautusan. Ngayon taglay na natin ang kautusang ito sa loob natin, hindi na ito isang bagay ng pagsunod sa kautusan; ito ay lubusang isang bagay ng pagpapahintulot kay Kristo na maibuhay palabas sa atin. Hindi natin dapat na piliting masunod ang kautusan mula sa labas, kundi hayaang ibuhay ni Kristo ang Kanyang Sarili mula sa loob.

Ang bawa't relihiyon, maging ito man ay Hudaismo, Katolisismo o Protestantismo, ay pare-pareho. Ang layunin ng Diyos ay ang ilagay ang kautusan tungo sa loob ng ating kaloob-loobang bahagi at sanhiin tayong ipasailalim ang ating mga sarili dito, hindi ang piliting sundin ito. Bagama't hindi natin masusunod ang kautusan, dapat tayong magpasailalim dito at hayaang maipamuhay ito mula sa atin. Ang relihiyon, na nagtuturo sa tao na sundin ang kautusan ay lubhang kabaligtaran nito. Kapag ang mga Kristiyano ay nagbabasa ng Bibliya, palagi silang pumipili ng mga bersikulo para sundin bilang mga utos. Halimbawa, ang mga may-asawang kapatid-na-lalake, na hindi mabubuting asawang-lalake ay pumipili ng utos na nagsasabing dapat magpasailalim ang mga asawang-babae sa kani-kanilang asawang-lalake. Nguni't ang mga higit na mabubuting asawang-lalake ay pinipili ang utos na nagsasabing dapat mahalin ng mga asawang-lalake ang mga asawang babae. Sinasabi ng mga kapatid-na-lalake ito, "O Panginoon, hindi ko matutupad ang utos na ito. Pumasok Ka naman upang tulungan ako. Panginoon, hindi ako nagpakaayos noon bilang mapagmahal na asawa. Patawarin Mo ako at gawin Mo akong pinakamabuting asawang-lalake." Kahit na manalangin ka nang ganito, hindi ka pa rin magtatagumpay. Dapat na matanto ng gayong asawang-lalake na ang tunay na pag-ibig para sa kanyang asawa ay si Kristo. Yamang ang pag-ibig na ito ay nasa loob natin, hindi na natin kailangang magpumilit na umibig. Dapat na lang tayong magpasailalim sa pag-ibig na ito, yaon ay, kay Kristo, at hayaan Siyang lumabas mula sa atin.

Kunin ninyong halimbawa ang pagpapakumbaba. Sinasabi ng Santiago 4:6, "Sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, datapuwa't binibigyan Niya ng biyaya ang mga mapagpakumbaba." Pagkatapos kong mabasa ang bersikulong ito noon, nanalangin ako, "Panginoon, nais kong maging mapagpakumbaba. Nguni't alam Mo naman, Panginoon, na mahirap para sa akin ang maging mapagpakumbaba. Hinihiling ko sa Iyo na tulungan Mo ako." Ang panalanging ito ay nasa kadiliman ng relihiyon. Isang araw, binuksan ng Panginoon ang aking mga mata, at nakita kong ang pangalan ko ay kapalaluan at yaong hindi ako kailanman magiging mapagpakumbaba. Paanong ang kapalaluan ay magiging mapagpakumbaba? Ako ay isang aso. Paanong ang isang aso ay magiging ibon? Imposible ito. Ang ating mga mata ay dapat na mabuksan upang makita na hindi tayo kailanman magiging mapagpakumbaba at yaong ang tunay na pagpapakumbaba ay si Kristo. Kailangan lang nating ipasailalim ang ating mga sarili sa Kanya at sabihin, "Panginoon, Ikaw ang gumawa niyaon. Hindi na ako, kundi si Kristo na ang nabubuhay sa loob at labas ko." Kung magpapasailalim lang kayo kay Kristo, ibubuhay Niya ang Kanyang Sarili palabas sa inyo, at kayo ay magiging kahayagan at patotoo ng Diyos. Ito ang ekonomiya ng Diyos.

ANG PARAAN UPANG MAKAMTAN SI KRISTO
BILANG REALIDAD NG KAUTUSAN

Paanong si Kristo bilang realidad ng kautusan ay magiging tunay sa atin? Tingnan muli ang mga nilalaman ng kaban. Ang unang aytem, ang manna, ay sinusundan muna ng umusbong na tungkod at pagkatapos ay ng patotoo. Ipinahihiwatig nito at ipinakikita pa na kapag kinakain at tinatamasa natin si Kristo bilang ang natatagong manna, may uusbong sa loob natin. Ang mannang ating kinakain ay magiging umuusbong na elemento sa loob natin sa bandang huli. Lalo nating kinakain at tinatamasa si Kristo, lalo naman Siyang nagiging umuusbong at namumunga, yaon ang patotoo, ang kahayagan. Minsan sa bandang hapon, ako ay pagod at ang tiyan ko ay walang laman. Ipinahihiwatig nito na kailangan kong kumain. Pagkatapos kong makakain, ako ay nabusog at nakaranas nang mabilis na transpormasyon, dahil ang nakain ko noong hapunan ay nagsimula nang mamulaklak mula sa akin, na nagiging kahayagan at patotoo ko. Sa gayunding paraan, kung daranasin natin si Kristo bilang realidad ng kautusan, dapat muna nating kainin ang natatagong manna. Kapag ang mannang ito ay nakapasok na sa atin, ito ang magiging elementong umuusbong, at ang umuusbong na elementong ito ay magbibigay ng bunga na siyang kahayagan at patotoo ng Diyos. Hindi tayo dapat manatili sa dambana, o magtagal sa hugasan, o maging sa Dakong Banal na kinakain ang mga panlabas na pagkain. Dapat tayong lumapit sa Dakong Kabanal-banalan, tumungo sa loob ng kaban, at kainin ang natatagong manna, ang natatagong Kristo. Ang Kristong ito ngayon ang magiging ating elementong umuusbong. Kapag Siya ay umuusbong at namumulaklak, Siya ay namumunga na siyang magiging kahayagan at patotoo ng Diyos. Ang kahayagang ito ay tutugon at lalampas pa sa sampung utos. Purihin ang Panginoon na tayo ngayon ay wala sa labas na looban, o maging sa Dakong Banal, kundi sa Dakong Kabanal-banalan. Ngayong nahihipo na natin ang kaban at kumakain ng natatagong manna, tiyak na tayo ay uusbong, mamumulaklak, at mamumunga. Sa ganitong paraan, makakamtan natin ang patotoo ng Diyos.

 

Home