PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE ANIMNAPU'T APAT

ANG KAUTUSAN NG BUHAY
NA LUMALAGANAP SA ATING MGA PANLOOB NA BAHAGI

ANG PANGUNAHING KONSEPTO NG DIBINONG PAHAYAG
SA BIBLIYA

Kung lubusan nating uunawain at iintindihin ang kautusan ng buhay, dapat nating maunawaan ang pangunahing konsepto ng dibinong pahayag sa Bibliya. Ang pangunahin at sentrong konsepto sa Bibliya ay yaong nilalayon ng Diyos na isagawa ang Kanyang Sarili tungo sa loob natin upang gawin tayong Kanyang buhay na kahayagan. Ninanais ng Diyos na isagawa ang Kanyang Sarili tungo sa Kanyang mga piniling tao upang sila ay maisilang-muli Niya at mataglay Siya bilang kanilang buhay at sa gayon ay maging kahayagan Niya. Ito ang ninanais at nilalayon ng Diyos. Ang tanging paraan para makamit ng Diyos ang gayong buhay na kahayagan ay ang isagawa Niya ang Kanyang Sarili tungo sa loob natin.

Bagama't ang pangunahing konseptong ito ay matatagpuan sa buong Bibliya, halos naiwala na ito ng pundamental na Kristiyano. Ang pangunahing binibigyang-diin ng pundamental na Kristiyanidad ay ang katubusan. Nguni't hindi katubusan ang gol; iyon ay isang paraan, isang hakbangin, upang marating ang gol. Ang gol ay ang maisagawa ang Diyos tungo sa loob ng ating katauhan upang tayo ay maisilang Niya at na Siya ay maging ating buhay. Siya ang ating Ama at tayo ang Kanyang mga anak na lalake. Bilang Kanyang mga anak na lalake, taglay nating lahat Siya sa loob natin bilang ating buhay. Sa katapusan, ang buhay na ito ang magtatransporma sa atin at magwawangis sa atin tungo sa Kanyang pinakalarawan, na ginagawa tayong buhay na kahayagan Niya sa sansinukob.

Bagama't ang pangunahing konseptong ito ay halos nawala na, salamat sa Diyos na ngayon, sa mga huling panahong ito, binuksan Niya sa atin ang bagay na ito sa Kanyang Salita. Mahigit nang apatnapung taon na dinadala natin ang kabigatang ihain ang pangunahing konseptong ito sa bayan ng Diyos. Sa dahilang ito tayo ay walang katotohanang inaakusahan ng pagtuturo ng erehiya, ng pagpapahayag at pagtuturo ng hindi naaayon sa Bibliya. Sinabi ito ng mga tagatuligsa natin dahil ang kanilang pag-unawa sa Bibliya ay kulang at hindi sapat. Ang kaunting kaalaman ay mapanganib, dahil ginagawa nitong malabo ang pagkaunawa ng mga tao sa hinaharap at maging pinapatay pa sila. Pinupuri natin ang Diyos na sa ilalim ng Kanyang kaawaan ay nakita natin ang pangunahing pahayag sa mga Kasulatan. Hindi lamang ito isang bagay ng pagtutubos. Hindi, ito ay higit na malalim at mataas kaysa rito. Isinasagawa ngayon ng Diyos ang Kanyang Sarili tungo sa loob natin upang mataglay natin ang Kanyang buhay, upang makaisa natin Siya, at upang makaisa Niya tayo.

ANG ANAK NG DIYOS
PUMAPASOK SA LOOB NATIN BILANG BUHAY

Sinasabi kong muli na ang paraan kung paano naisasakatuparan ng Diyos ang Kanyang layunin ay sa pamamagitan ng pagpasok sa loob natin, sinasanhi tayong maisilang Niya. Upang tayo ay maisilang Niya, dumarating ang Diyos tungo sa loob natin sa loob ng Anak, si Hesu-Kristo. Si Hesu-Kristo, na Siyang Anak ng Diyos at ang Diyos Mismo, ay ang larawan ng Diyos. Sinasabi ng Colosas 1:15 na si Kristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Ang Anak ang Siyang larawan, ang kahayagan ng Ama. Samakatuwid, kapag nakita mo ang Anak ay nakita mo ang Ama. Nang manampalataya tayo sa Kanya, ang Anak ng Diyos ay pumasok sa loob natin. Ito ay hindi nangangahulugang binigyan Niya tayo ng isang bagay; ito ay nangangahulugang Siya Mismo ang pumasok sa loob natin. Kailangan nating alisin ang konseptong nang nanampalataya tayo sa Panginoong Hesu-Kristo ay ibinigay ng Diyos sa atin ang Kanyang buhay. Ang ganitong pagkaunawa ay mali. Hindi ito yaong nanampalataya tayo sa Panginoong Hesus at yaong binigyan tayo ng Diyos na nasa langit ng isang bagay at ipinasok ito sa atin. Hindi, ito ay yaong nanampalataya tayo sa Panginoong Hesus at yaong ang Anak ng Diyos, ang pinaka Diyos Mismo, ay pumasok sa loob natin bilang buhay. Hindi ibinigay ng Diyos ang Kanyang buhay sa atin; pumasok Siya sa loob natin bilang buhay. Anong kaibhan!

Kapag pumapasok ang Diyos sa loob natin, Siya ay pumapasok sa loob ng Anak at bilang ang Anak, hindi bilang Ama. Kabilang dito ang Trinidad. Sa puntong ito tayo inaakusahang nagtuturo ng erehiya. Nguni't hindi tayo nagtuturo ng erehiya—sinasalita natin ang katotohanan ayon sa dalisay na salita ng Diyos. Ang mismong persona na pumasok sa ating katauhan ay ang Diyos Mismo. Nguni't kapag Siya ay pumapasok sa atin, hindi Siya pumapasok bilang Ama kundi bilang Anak. Ang Ama ang pinagmulan, at ang Anak naman ang kahayagan ng pinagmulan. Ang kahayagan at ang pinagmulan ay iisa.

ANG PANGANAY NA ANAK AT ANG MARAMING ANAK

Dahil ang Diyos ay pumapasok sa ating katauhan bilang ang Anak, ipinanganak tayo ng Diyos sa Anak at taglay ang pagka-anak. Ang ibig sabihin nito ay yaong tayong lahat ay naging mga anak ng Diyos. Hindi lamang tayo basta mga naligtas na makasalanan bagkus ay mga anak din na isinilang ng Diyos. Hindi ito isang maliit na bagay. Bago nabuhay-na-muli si Hesu-Kristo mula sa mga patay, iisa lamang ang Anak ng Diyos, ang Isang tinatawag ng Bibliya na Bugtong na Anak (Juan 3:16). Bago ang Kanyang pagkabuhay-na-muli, si Kristo ang natatanging Anak ng Diyos. Nguni't matapos ang Kanyang pagkabuhay-na-muli, hindi na Siya ang natatanging Bugtong na Anak ng Diyos, dahil sa pagkabuhay-na-muli ay naging Panganay na Siya sa maraming magkakapatid (Roma 8:29). Ilan ang mga anak ng Diyos? Sa isang banda, binabanggit ng Juan 3:16 ang Bugtong na Anak. Nguni't sinasabi ng Hebreo 2:10 na dinadala ng Diyos ang maraming anak tungo sa kaluwalhatian, at sinasabi naman ng Roma 8:29 na si Kristo ang Panganay sa maraming magkakapatid. Ang Diyos ba ay may dalawang uri ng anak? Wala, mayroong lamang Siyang iisang uri. Sa Tsina gusto ng mga taga-Fukien na magkaroon ng maraming anak. Kung hindi sila makapagsisilang ng sapat na dami ng anak, maaari silang bumili ng ilan. Maaaring magkaroon lamang ng dadalawang anak ang isang lalake at paglaon ay bumili ng sampung anak pa. Kaya sa kabuuan ay mayroon na siyang labindalawang anak. Gayunpaman, ang labindalawang anak na ito ay dalawang uri, ang mga isinilang na anak at ang mga biniling anak. Sa kaibuturan ng kanyang puso, nararamdaman ng lalakeng ito na dadalawa lamang sa kanyang mga anak ang anak sa buhay, mga anak sa realidad, samantalang ang sampu ay mga anak lamang sa katawagan. Mayroon bang dalawang uri ng anak ang Diyos, ang Bugtong na Anak bilang isang uri at ang maraming anak bilang ang isa pang uri? Wala, inihahayag ng Bibliya na ang Bugtong na Anak ng Diyos ay naging Panganay sa maraming magkakapatid, pinatutunayan na ang Diyos ay may iisang uri lamang ng anak. Ang Panganay na Anak ng Diyos, at ang maraming anak ay mga anak din ng Diyos. Ang Panganay na Anak at ang maraming anak ay mula lahat sa iisang Ama (Heb. 2:11).

ANG PANGANGAILANGANG LUMAGANAP SI KRISTO
SA ATING KAISIPAN, DAMDAMIN, AT PAGPAPASIYA

Sa pagsasabing may iisa lamang uri ng anak ang Diyos, sinasabi ba nating ang maraming anak ay katulad na katulad ni Hesu-Kristo? Kung may iisa lamang uri ng anak ang Diyos at kung tayo rin ay mga anak ng Diyos, hindi ba tayo kung gayon ay kapareho ni Hesu-Kristo? Paano natin masasagot ang tanong na ito? Kayo ba ay kaparehong-kapareho ni Hesu-Kristo, ang Anak ng Diyos? Si Hesu-Kristo ay pumasok sa ating espiritu (2 Tim. 4:22; 1 Cor. 6:17). Ayon sa ating espiritu, tayo ay kaparehong-kapareho ni Kristo. Nguni't bilang tao, may kaluluwa rin tayo na binubuo ng kaisipan, damdamin, at pagpapasiya. Bagama't sa ating espiritu ay kapareho tayo ng Anak ng Diyos, sa ating kaisipan, damdamin, at pagpapasiya, tayo ay hindi pa rin kagaya Niya.

Ang Anak ng Diyos ay nasa loob natin, hindi bahagi lamang kundi buo. Ang kumpletong Persona ng Anak ng Diyos ay nasa loob natin. Hindi Niya pinagpira-piraso ang Kanyang Sarili at pagkatapos ay inilagay ang isang maliit na piraso ng Kanyang Sarili tungo sa loob natin. Si Kristo, ang Anak ng Diyos, ay pumasok sa atin bilang isang buo at perpektong Persona. Bagama't ang buong Persona ni Kristo ay nasa loob ng ating espiritu, oras-oras ang ating kaisipan ay hindi nagmumula kay Kristo sa ating espiritu kundi sa ating pangit na kaisipan. Maaaring kahit ngayon ay iniisip mo ang isang kapatid, na sinasabi sa iyong sarili, "Ayaw ko si kapatid Ganoon-at-Ganito. Hindi siya dapat tanggapin at dapat siyang ihiwalay." Nguni't hangga't siya ay isang kapatid, mabuti man siya o masama, hindi mo dapat sabihing ayaw mo sa kanya. Ang kaisipang ito ay nanggagaling sa iyong pangit na kaisipan, hindi sa Kristong nasa iyong espiritu.

Paano naman ang iyong damdamin? Kapag umiibig ka, umiibig ka ba mula sa iyong espiritu kung nasaan ang Anak ng Diyos, o umiibig ka mula sa iyong damdamin? Hindi ko tinatanong kung ano ang iniibig mo, kundi kung saan nagmumula ang iyong pag-ibig mula sa iyong natural na damdamin o mula sa nananahanang Kristo. Kung tayo, tulad ni Kristo, ay mga anak (na lalake) ng Diyos, bakit ang ating damdamin ay iba sa Kanya? Dahil si Kristo ay nasa ating espiritu lang. Hindi pa Siya lumalaganap sa ating damdamin, kaya ang ating damdamin ay hiwalay pa rin sa Kanya.

Magsalita naman tayo tungkol sa ating pagpapasiya. Pabigla-bigla man o mabagal ang ating pagpapasiya, ito ay pagpapasiya pa rin natin. Kapag ikaw ay namimili, dapat mong alamin ang pinagmumulan ng iyong pamimili. Ang pinagmumulan ba ay ang nananahanang Kristo sa iyong espiritu, o ang iyong sariling natural na pagpapasiya? Mga kapatid na babae, kapag nagpapasiya kayong mamili, gaano kadalas na nagpapasiya kayo mula kay Kristo at gaano kadalas naman na mula sa inyong mga pagpapasiya? Sa sampung beses, maaaring mahirap kahit minsan man lamang na nakapagpasiya kayong mamili mula sa nananahanang Kristo. Ito ay nangangahulugang ang pamimili ninyo ay hindi dalisay. Ito ay isang paghahalo, na halos nagmumula sa inyong sariling pagpapasiya. Paano naman ang mga pagpapasiyang ginagawa ninyo sa araw-araw? Ilang beses kayong nagpapasiya sa pamamagitan ni Kristo at hindi sa pamamagitan ng inyong sariling pagpapasya? Bilang mga anak ng Diyos, ano ang pinagmumulan ng inyong mga desisyon—si Kristo ba o ang inyong sariling pagpapasiya? Hindi ang pagiging mabuti o masama ang sinasabi ko, o anumang bagay na relihiyoso. Tinatanong ko kung nagdedesisyon kayo mula sa inyong espiritu, ang lugar kung nasaan ang Anak ng Diyos, o mula sa inyong sariling pagpapasya. Bagama't tayo ay mga anak ng Diyos, dapat nating amining halos lahat ng ating mga desisyon ay ginagawa mula sa ating pagpapasiya, hindi mula sa Anak ng Diyos, kay Hesu-Kristo, na nasa ating espiritu. Kapag tayo ay umaawit ng mga himno sa mga pagpupulong, may isa tayong pamamaraan, nguni't kapag nagdedesiyon tayo sa ating praktikal na pamumuhay, iba ang ating pamamaraan, ang pamamaraang gumagamit ng pinagmumulan maliban kay Kristo. Kaya kahit na taglay natin si Kristo sa ating espiritu ay hindi natin maihayag ang Diyos, dahil si Kristo ay nakakulong sa loob natin. Matapos makapasok sa atin, siya ay nabilanggo na sa loob natin, dahil wala Siyang kalayaang lumaganap mula sa ating espiritu.

ANG KAHULUGAN NG KAUTUSAN NG BUHAY

Dinadala tayo muli nito sa kautusan ng buhay. Sa nakaraang mensahe ay natalakay na natin na ang kautusan ng buhay ay tangi lamang si Kristo Mismo. Ang Kristong nananahanan sa ating espiritu ay ating buhay. Ano kung magkagayon ang kautusan ng buhay? Ito ang buhay na nagpapangsyon. Ang isang kautusan ay isang di-nagbabago at kusang-kusang regulasyon. Kapag naghagis ka ng isang bagay sa, ang bagay na ito ay babagsak sa lupa. Ito ang kautusan ng grabidad na isang kautusang di nagbabago at kusang-kusa.

Ang bawa't buhay ay may sariling kautusan. Palagi kong ginagamit ang larawan ng isang punong milokoton (peach). Kung mayroon kayong puno ng milokoton sa inyong bakuran, hindi na ninyo kinakailangang mag-alala na baka ito ay mamunga ng mga pakwan, o ang sabihing, "Gusto ko ang porma at ganda ng mga milokoton. Ayaw kong mamunga ang punong ito ng mga melon. Dahil nag-aalala ako na baka hindi magkorteng milokoton ang magiging bunga ng punong ito, gagawa ako ng mga hulmahan ng mga milokoton, ilalagay ang mga ito sa mga sanga ng puno, at uutusan ang puno na gayahin ang hulmahang ito at huwag babaguhin ang korte nito." Ang gawin ito ay magiging katawa-tawa. Nguni't ito mismo ang ginagawa ng Kristiyanidad. Ang mga ministro at mga guro sa Kristiyanidad ay gumagawang mga hulmahan, inilalagay ang mga ito sa mga tao, at inuutusan sila na mamuhay sa isang paraan. Ito ay kamangmangan. Kung gagawin mo ito sa isang puno ng milokoton at ang puno ng milokoton ay makapagsasalita, sasabihin nitong, "Alisin ninyo ang inyong mga hulmahan sa akin. Hindi ko kailangan ang anumang mga panlabas na regulasyon. Mayroon akong buhay na regulasyon na sa pamamagitan nito ay napapalago ako at napamumunga ng korteng milokoton. Ang buhay ang naghuhubog ng korte ng bunga." Ito ay isang kautusan. Taun-taon ang puno ng milokoton ay namumunga na may korteng milokoton. Ganito rin sa puno ng mansanas. Ang buhay ng mansanas ay may kautusan ng mansanas. Habang ang buhay ng mansanas ay lumalago, kusa itong namumunga ng korteng mansanas. Ito ang resulta ng regulasyon ng kautusan sa buhay ng isang puno ng mansanas. Ang bagay na ito, gayunpaman, ay nawaglit ng Kristiyanidad.

HINDI NA KAILANGAN NG MGA PAGTUTURO

Pareho tayong sinasabihan sa Jeremias 31:33 at 34 at sa Hebreo 8:10 at 11 na hindi na natin kailangan ang sinuman na turuan tayo. Kung susubukan mong turuan ang isang puno ng milokoton na mamunga ng mga milokoton, sasabihin ng puno na, "Walang kasing mangmang mo. Hindi mo ako matuturuan. At saka hindi ko kailangan ang pagtuturo mo." Simula pa nang dumating ako sa bansang ito, lalo na noong mga unang dalawang taong naririto ako, sinasabi ko sa mga tao saanman ako pumunta na hindi na nila kinakailangang turuan pa. Sabi ko, "Hindi na ninyo kailangan ang pagtuturo dahil may buhay na kayo sa loob ninyo, at hindi kailangan ng buhay ang pagtuturo." Sabihin ninyo sa akin, sino ang nagturo sa inyong huminga? Pumasok ba kayo sa paaralan ng paghinga at nagtapos dito? Walang ina ang nagtuturo sa kaniyang mga anak na huminga, dahil ang paghinga ay isang bagay ng buhay. Sa gayunding paraan, walang nagtuturo sa puno ng mansanas na mamunga ng mga mansanas, dahil ang pamumunga ng mga mansanas ay gawain ng buhay ng isang puno ng mansanas. Kapag ang puno ng mansanas ay nagpapangsyon, ang mga mansanas ay naibubunga. Noong mga unang dalawang taon ko sa bansang ito, nagkaroon ako ng kabigatang sabihan ang mga tao saanman ako magpunta na dapat nilang bitiwan ang kanilang mga pagtuturo at hayaan ang buhay ang gumawa. Walang natatangi, ako ay tinanggihan sa bawa't lugar. Maraming pumunta sa akin na dala-dala ang kanilang Bibliya na sinasabing, "Kapatid Lee, sa iyong mensahe ay sinabi ninyong hindi na namin kailangan ang anumang pagtuturo. Hindi ba ang salitang pagtuturo ay matatagpuan sa mga Kasulatan?" Hindi na ako nakipagtalo sa kanila. Sinabi ko na lamang, "Kung gusto ninyo ng pagtuturo, maaari ninyo itong mataglay. Nguni't ayaw ko ng pagtuturo—buhay ang gusto ko. Purihin ang Panginoon na ako ay may buhay at yaong ang buhay ay lumalago sa loob ko. Kung gusto ninyo ng pagtuturo, doon kayo pumunta sa mga patay na titik." Sa iba pa ngang mga lugar ay sinabihan ko pa ang mga tao na, "Kayo ay kasing patay ng pako ng pinto. Pinatay kayo ng mga pagtuturo. Dahil punumpuno kayo ng mga pagtuturo, kayo ay patay."

ANG IISANG KAUTUSAN
NAGIGING MARAMING KAUTUSAN

Nakita na natin na si Kristo ay nasa loob natin. Ang Kristong ito ay katumbas ng buhay, at ang buhay na ito ay may sariling kautusan ng buhay. Kaya, sa loob natin, mayroon tayong Kristo, buhay at kautusan. Ang mismong Kristong nananahanan sa ating espiritu ay buhay, at ang buhay na ito ay may kautusan. Sa Jeremias 31:33 ay sinasabi ng Panginoon, "Aking itatala ang Aking kautusan sa kanilang mga panloob na bahagi, at Aking isusulat sa kanilang mga puso." Nguni't sinasabi ng Hebreo 8:10 na, isang sipi ng Jeremias 31:33 na, "Ipamamahagi Ko ang Aking mga kautusan sa kanilang kaisipan, at sa kanilang mga puso ay Aking isusulat ang mga ito." Pansinin na ang kautusan sa Jeremias 31:33 ay naging mga kautusan sa Hebreo 8:10. Higit pa rito sa 8:10 ginamit ang salitang kaisipan sa halip na mga panloob na bahagi, ipinakikitang ang kaisipan ay isa sa mga panloob na bahagi. Ang mga panloob na bahagi ay kinabibilangan ng kaisipan, ng damdamin, at ng pagpapasiya. Anong dahilan sa mga pagbabagong ito? Sinabi ng Jeremias 31:33 at Hebreo 8:10 na ipinamamahagi ng Diyos ang Kanyang kautusan, o mga kautusan, tungo sa loob ng ating mga panloob na bahagi o kaya ay sa ating mga kaisipan; at yaong isinusulat Niya ang Kanyang kautusan, o mga kautusan, sa ating puso. Ang puso ay binubuo ng kaisipan, ng damdamin, at ng pagpapasiya, at ng budhi. Hindi sinasabi ng Hebreo 8:10 na ipinamamahagi ng Diyos ang Kanyang mga kautusan tungo sa loob ng ating mga puso at isinusulat ang mga ito sa ating mga kaisipan. Hindi, sinasabi nito na ipinamamahagi ng Diyos ang Kanyang kautusan tungo sa ating kaisipan at isusulat ang mga ito sa ating mga puso. Ang ibig sabihin nito ay yaong una munang pumasok si Kristo sa ating espiritu. Ang Kristong ito ang kautusang dapat na lumaganap sa ating kaisipan. Ang paglaganap ng nananahanang kautusan sa ating kaisipan ay ang pamamahagi ng kautusang ito sa ating mga panloob na bahagi. Dapat ding lumaganap ang kautusang ito sa ating damdamin at pagpapasiya. Sa pamamagitan ng paglaganap sa ating mga panloob na bahagi, ang iisang kautusan ay nagiging maraming kautusan. Sa tuwing binibigyan natin ng pagkakataon ang kautusang ito, lalaganap ito sa loob natin. Ang paglaganap na ito ay ang pamamahagi, at ang pamamahagi ay ang pagsusulat. Kaya, ipinamamahagi ng Panginoon ang Kanyang kautusan tungo sa loob ng ating mga panloob na bahagi at isinusulat ito sa ating mga puso. Habang patuloy na lumalaganap, namamahagi, at nagsusulat ang Panginoon, ang larawan ni Kristo ay maihahayag sa ating kaluluwa, at tayo ay maiwawangis sa larawan ng Panganay na Anak ng Diyos.

ANG PARAAN UPANG MATRANSPORMA AT MAIWANGIS
SA LARAWAN NG PANGANAY NA ANAK

Ngayon ay alam na natin kung anong isasagot kapag tayo ay tinatanong kung kapareho tayo ng Anak ng Diyos. Dapat nating sabihing,"Ang mismong Anak ng Diyos ay nasa loob ng aking espiritu. Nguni't ang aking kaisipan, damdamin, at pagpapasiya ay hindi pa naiwawangis sa Anak ng Diyos. Bagama't ang aking kaisipan, damdamin, at pagpapasiya ay hindi pa naiwawangis sa Kanyang larawan, nagpapasalamat ako sa Diyos na ako ay nasa ilalim ng proseso ng pagwawangis. Habang ang namumukod-tanging kautusan ay lumalaganap sa aking kaisipan, ang aking kaisipan ay natatransporma at naiwawangis sa Kanyang larawan. Matapos Siyang lumaganap sa aking kaisipan, ang aking kaisipan ay magiging eksaktong-eksaktong tulad ng Kanya. Gayundin, lalaganap Siya sa aking damdamin at pagpapasiya, ginagawa ang aking damdamin at pagpapasiya na tulad ng Kanya. Sa katapusan, ang buo kong katauhan ay magiging eksaktong-eksaktong katulad ng Kanya. Sa ganitong paraan, ako ay magiging larawan ng Diyos.

Kapag natanggap natin ang pangitaing ito, kamumuhian natin ang mga relihiyosong pagtuturo. Huwag mo akong turuang gawin ito o huwag gawin iyon. Wala akong pakialam sa mga gayong pagtuturo. Ang alam ko lang ay yaong si Hesu-Kristo bilang ang Panganay na Anak ng Diyos ay nasa aking espiritu, naghihintay ng pagkakataong ipalaganap ang Kanyang Sarili tungo sa aking kaisipan, damdamin, at pagpapasiya. Gusto ko lang na muli't muli ay magbukas sa Kanyang nang walang ginagawang iba pa. Binubuksan ko lamang ang aking sarili at sinasabing, "Panginoong Hesus, ipalaganap Mo ang Iyong Sarili sa aking kaisipan, damdamin, at pagpapasiya. Panginoon, sanhiin Mo na ang namumukod-tanging kautusan ay maging maraming kautusan sa lahat ng aking mga panloob na bahagi. Nais kong lumaganap Ka sa loob ko hanggang sa maangkin Mo ang bawa't bahagi ng aking katauhan. Ayaw kong umibig, mamuhi, o gumawa ng anupamang bagay. Nais ko lamang na ipalaganap Mo ang Iyong Sarili sa loob ko." Sa ganitong paraan ay matatransporma at maiwawangis tayo sa larawan ng Panganay na Anak ng Diyos. Ito ang paggawa ng Diyos, ang gawaing isinasagawa Niya sa loob natin ngayon. Ibang-iba ito sa relihiyon, dahil ito ay gawain ng buhay. Ang buhay na ito ay si Kristo Mismo na kasama ang kautusan na gumagawa sa loob natin, kumukontrol sa atin, namamahala sa atin, at ipinalalaganap ang Kanyang Sarili tungo sa bawa't bahagi ng ating panloob na katauhan.

Gayon na lamang ang pangangailangan nating makita ang pangitaing ito at basyuhin ang ating mga sarili mula sa bawa't relihiyosong konsepto. Nais kong bitiwan ang mga pagtuturo at ibigin lamang ang buhay na Kristong nasa loob ko bilang aking buhay at bilang ang namumukod-tanging kautusan na ipinalalaganap ang Kanyang Sarili tungo sa aking katauhan. Wala akong pakialam sa pag-ibig o pagkamuhi, sa pagiging mabuti o masama. Wala akong pakialam sa anumang bagay ng relihiyon. Ang gusto ko lang ay ang buhay na Kristo sa aking espiritu. Purihin natin Siya at Siya ay nasa ating espiritu! Ngayon ay naghihintay Siya ng pagkakataong makapasok sa ating kaisipan, damdamin, at pagpapasiya upang matigmakan Niya ang ating katauhan ng Kanyang elemento, sinasanhi ang Kanyang Sarili na maging ang pinaka-elemento ng ating katauhan. Sa ganitong paraan, ginagawa Niya tayong kapareho Niya. Maaari rin nating sabihin na ginagawa Niya ang Kanyang Sarili na tayo. Ito ang paggawa ng kautusan ng buhay. Ito ang ekonomiya ng Diyos, ang pangunahing konsepto ng dibinong pahayag sa Bibliya. Nawa ay kaawaan tayo ng Panginoon upang makita natin ang pangitaing ito.

ANG PARAAN UPANG MAIPALAGANAP SI KRISTO
SA LOOB NATIN

Paano lalaganap ang Kristong ito sa loob natin? Tangi lamang sa pamamagitan ng ating pagkain sa Kanya bilang ang natatagong manna. Ang natatagong manna na ating kinakain ay magiging umuusbong na elemento sa loob natin. Habang ang elementong ito ay umuusbong palabas ng ating kaloob-loobang katauhan, uusbong ito tungo sa ating kaisipan at sa ating buong kaisipan. Ito ang paggawa ng kautusan ng buhay upang tayo ay transpormahin at tayo ay iwangis sa larawan ni Kristo upang tayong lahat ay maging buhay na kahayagan Niya.

 

Home