PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE ANIMNAPU'T ANIM

NAMUMUHAY AYON SA KAUTUSAN NG BUHAY
AT
KUMIKILOS AYON SA PAGPAPAHID

Inihahayag ng Bibliya na ang walang hanggang layunin ng Diyos ay ang magkaroon ng maraming anak na lalake at gawing katulad Niya ang lahat ng mga anak na ito. Yamang ang Diyos ay dibino at tayo naman ay mga tao, paano tayo magiging mga dibinong anak ng Diyos, nagiging kagaya Niya kapwa sa buhay at kalikasan? Upang magkaroon ng maraming anak, dinaanan muna ng Diyos sa loob ng Anak ang hakbangin ng pagkakatawang-tao. Sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao, ibinihis Niya ang kalikasan ng tao. Bago ang kanyang pagkakatawang-tao ay mayroon lamang Siyang pagka-Diyos, walang pagka-tao. Nguni't sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao, ibinihis Niya ang kalikasan ng tao at naging isang tao. Bagama't naging tao Siya, Siya pa rin ang Mismong Diyos dahil hindi naman Niya hinubad ang Kanyang pagka-Diyos upang maging basta tao lamang. Siya ang Diyos-tao na may kapwa pagka-Diyos at pagka-tao. Kahanga-hanga na ang ating Diyos, ang namumukod-tanging Diyos, ang Manlilikha, ay naging taong may laman at dugo! Hinggil sa kalikasan ng tao, Siya ay naging eksaktong-eksaktong katulad natin. Siya ay isang tunay na tao na may laman at mga buto. Huwag ninyong kalilimutan na ang tunay na taong ito, na pinangalanang Hesu-Kristo, ay Diyos din. Siya ang tunay na Diyos at ang tunay na tao. Bago Niya tayo magawang katulad Niya, kailangan muna Niyang maging katulad natin.

ANG HIWAGA NG NABUHAY-NA-MULI
AT NANANAHANANG KRISTO

Sa pagiging isang tao sa laman na may kalikasan ng tao, si Kristo ay ipinako-sa-krus, inilibing, at nabuhay-na-muli. Sa pagkabuhay-na-muli ay dumaan Siya sa isa pang hakbangin: bilang ang huling Adam, Siya ay naging Espiritung nagbibigay-buhay (1 Cor. 15:45). Ito ay mahiwaga. Noong araw ng Kanyang pagkabuhay-na-muli, nagpakita ang Panginoon sa Kanyang mga disipulo."At nang nangapipinid ang mga pintong kinaroroonan ng mga disipulo dahil sa pagkatakot sa mga Hudyo, dumating si Hesus at tumayo sa gitna at sa kanila ay sinabi, Ang kapayapaan ay sumainyo." (Juan 20:19, Salin sa Pagbabawi).

Ang mga pinto ay saradong-sarado, nguni't, sa pagkagulat ng mga disipulo, si Hesus ay dumating. Nang nangatakot ang mga disipulo, na nangag-akalang nakakita sila ng espiritu, sinabi ng Panginoong Hesus, "Tingnan ninyo ang Aking mga kamay at Aking mga paa, na Ako nga ito Mismo; hawakan ninyo Ako at masdan, sapagka't ang isang espiritu ay walang laman at mga buto na gaya ng inyong nakikitang mayroon Ako." (Luc. 24:39). Nang kausap si Tomas makaraan ang walong araw, sinabi ng Panginoon, "Ilapit mo rito ang iyong daliri, at tingnan mo ang Aking mga kamay, at ilapit mo ang iyong kamay at isuot mo sa Aking tagiliran," at sinabi naman ni Tomas, "Panginoon ko at Diyos ko!" (Juan 20:27-28, Salin sa Pagbabawi). Para bang sinasabi ng Panginoon sa mga disipulo, "Huwag ninyong akalaing Ako ay espiritu. Ako ay nakatayo rito na may katawang may laman at mga buto. Tingnan ninyo, ang mga marka ng Aking pagkapako-sa-krus ay nasa Akin pa. Mahahawakan pa ninyo ang mga bakas sa Aking mga kamay at paa."

Ang Panginoon ay hindi lamang ang Espiritu; Siya ang kamangha-mangahang Isa na may katawang may laman at mga buto kung saan makikita ang mga bakas ng mga pako. Ang kamangha-manghang Kristo ngayon ang Espiritung nagbibigay-buhay; nguni't mayroon Siyang katawan na may laman at mga buto. Higit pa rito, inihahayag ng Bagong Tipan na ang kamangha-manghang Kristong ito ay nasa loob natin (Col. 1:27; 2 Cor. 13:5); Siya ay nasa ating espiritu (2 Tim. 4:22; 1 Cor. 6:17). Si Kristo sa pagkabuhay-na-muli ay nag-aangkin pa rin ng katawang may laman at mga buto at Siya ay nasa loob natin. Hindi natin maipaliwanag kung paanong Siya, na may laman at mga buto, ay mapapasa loob natin. Ito ay lampas sa ating kaalaman. Bagama't hindi natin Siya maunawaan, Siya ay tunay at kamangha-mangha.

Ayon sa Bagong Tipan, si Kristo ay may dalawang "pagiging." Sinasabi ng Juan 1:14 na, "Ang Salita ay naging laman," at sinabi naman ng 1 Corinto 15:45 na, "Ang huling Adam ay naging isang Espiritung nagbibigay-buhay." Sa pamamagitan nitong dalawang "pagiging", si Kristo ay naging kamangha-manghang Persona. Siya ang Mismong Diyos, ang mismong tao, at ang Espiritung nagbibigay-buhay. Bilang Anak ng Diyos, Siya ay naging tao, at pagkatapos maging tao, Siya ay naging Espiritung nagbibigay-buhay na binubuo ng pagka-Diyos at pagka-tao. Sa Kanya ay nakikita natin ang tunay na Diyos at ang tunay na tao. Ngayon ang Diyos-taong ito ay ang Espiritung nagbibigay-buhay rin. Kung hindi Siya Espiritu, hindi Siya kailanman makapapasok sa nakapinid na silid na iyon upang makipagpulong kasama ng Kanyang mga disipulo. Gayunpaman, mayroon pa rin Siyang katawan na may laman at mga buto. Hindi ko ito maipaliwanag dahil ako ay limitado, nguni't alam ko na nabubuhay Siya sa loob ko, at hindi ko maikakaila na maraming bagay ang nagawa Niya para sa akin. Maging ngayon, Siya ay nabubuhay sa loob ko at para sa akin.

ANG DALAWANG KALIKASAN
NG NANANAHANANG KRISTO

Matapos na maging katulad natin si Kristo sa Kanyang pagkakatawang-tao, na dinadala ang pagka-Diyos tungo sa pagka-tao, sa pamamagitan ng pagiging Espiritung nagbibigay-buhay ay dinala Niya ang pagka-tao tungo sa pagka-Diyos. Sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao at pagkabuhay-na-muli, pinaghalo Niya ang pagka-Diyos at pagka-tao, ang pagka-tao at pagka-Diyos, upang maging isa. Ito ang ating Panginoong Hesu-Kristo. Hindi gayong karaming Kristiyano ang may ganitong konsepto hinggil sa Panginoong Hesus. Nguni't ito ay ang mismong Tagapagligtas na tinanggap natin tungo sa ating katauhan nang manampalataya tayo sa Kanya at tumawag sa Kanyang pangalan. Ang Kristong nananahan sa atin ay isang gayong kamangha-manghang Isa. Ngayon ay hindi lamang Siya ang Tagapagligtas at ang Panginoon; Siya rin ang kamangha-manghang Espiritung nagbibigay-buhay na may dalawang kalikasan.

Karamihan sa mga Kristiyano ay di-nakauunawa sa sentrong punto, dahil hindi pa nila narinig kailanman na ang Mismong Kristong nananahan sa atin ay may dalawang kalikasan ng pagka-Diyos at pagka-tao, at na yaong ang dalawang kalikasan na ito ay kapwa nasa Espiritung nagbibigay-buhay. Bilang ang kamangha-manghang Espiritung nagbibigay-buhay, isinasagawa Niya ngayon ang lahat ng kung ano Siya tungo sa loob ng ating katauhan, tinatransporma ang ating katauhan tungo sa Kanyang katauhan.

ANG DI-PAGKAUNAWA NG RELIHIYON SA MISMONG PUNTO

Sa pagbibigay-pansin nito sa mga himala, pagtuturo, at pag-uugali, di-nauunawaan ng Kristiyanidad ang puntong ito. Sa Kristiyanidad, ay may dalawang pangunahing relihiyon: ang relihiyon ng mga pagtuturo at ang relihiyon ng mga himala. Nahumaling ang maraming Kristiyano sa mga himala. Ang pangunahing pahayag ng Bagong Tipan, gayunpaman, ay nakatuon sa iisang mahalagang punto: yaong si Kristo ay kaisa ng Ama; yaong isinusugo Niya ang Espiritu, na walang iba kundi ang Sarili Niya Mismo, upang makapananahan Siya sa loob natin at upang makapananahan tayo sa Kanya; at yaong si Kristo ay nabubuhay, kumikilos, at gumagawa sa ating espiritu, maging tinatransporma ang ating mismong katauhan upang tayo ay maging kahayagan Niya. Bagama't ang bagay na ito ay matatagpuan muli't muli sa Bagong Tipan, hindi maraming Kristiyano ang nagbibigay-pansin ukol dito.

Binibigyang-diin ng pundamental na Kristiyanidad ang pagtuturo, guni't hindi kukulangin sa dalawang bersikulo sa Bibliya, ang Hebreo 8:11 at 1 Juan 2:27, ang nagsasabing hindi natin kinakailangan ang sinuman na turuan tayo. Kahit na ang pinakamaliit sa atin ay hindi nangangailangang turuan siya. Sinasabi ng 1 Juan 2:27 na dahil ang pagpapahid ay nananahan sa atin, hindi tayo nangangailangan ng sinuman upang turuan tayo. Yamang mayroon tayong kautusan ng buhay at pagpapahid na gumagawa at kumikilos sa loob natin, hindi tayo nangangailangan ng mga panlabas na pagtuturo ng tao. Maaaring tuligsain ng ilan ang puntong ito, nguni't saan nila ilalagay ang Hebreo 8:10 at 11 at 1 Juan 2:27? Dapat nating tanggapin ang malinaw at dalisay na Salita ng Bibliya. Sa tinatawag na Pentecostal na Kristiyanidad, binibigyang-diin ng mga tao ang pagsasanay ng mga kaloob, lalo na ang pagsasalita sa ibat' ibang wika. Kung sila ay dumadalo sa pagpupulong kung saan walang pagsasalita ng wika o kaya ay pagpapakita ng mga tinatawag na kaloob, sila ay hindi masaya. Nguni't napakaliit na porsiyento lamang ng mga bersikulo sa Bagong Tipan ang nauukol sa pagsasalita ng ibang wika. Lalong higit na malaking porsiyento ng mga bersikulo ang tumutukoy sa nananahanang Kristo. Dito ay nakikita natin ang katusuhan ni Satanas.Sa isang banda, ang pundamental sa Kristiyanidad ay ang nagbibigay-diin sa mga pagtuturo; sa kabilang banda, ang Pentecostal na Kristiyanidad ay nagbibigay-diin naman sa wika. Kahit na ang mga wika ay huwad, nasisiyahan pa rin sila sa mga ito, at kahit na ang kanilang mga propesiya ay hindi natutupad, sila ay nagugumon pa rin sa mga ito. Mahigit nang labindalawang taon ang nakararaan, ilang tao pa nga ang nagpropesiya na ang Los Angeles daw ay guguho patungong dagat. Bagama't ang propesiyang yaon ay hindi natupad, napakarami pa rin sa mga Pentecostalista ang gumon sa kanilang mga propesiya. Hindi ako laban sa mga bagay na ito, nguni't ako ay may kabigatan para sa mga anak ng Diyos.

ANG KAMANGHA-MANGHANG KALIKASAN NI KRISTO

Nang si Kristo ay pumasok sa atin upang maging ating buhay, dinala Niya ang Kanyang kalikasan, ang kalikasan ng Kanyang kamangha-manghang katauhan tungo sa loob natin. Bago tayo naisilang-na-muli, mayroon lamang tayong mababa at bulok na kalikasan ng natisod na pagka-tao. Nguni't nang tayo ay naisilang-na-muli, ang pinakamataas na kalikasan ay idinagdag sa ating katauhan. Ngayon mayroon na tayo sa loob natin ng kalikasan mismo ng Persona ni Kristo. Bilang paglalarawan ng kamangha-manghang kalikasang ito, kunin natin ang isang sanggol bilang halimbawa. Kapag isang matamis na bagay ang inilagay sa bibig ng sanggol, kusa niya itong lulunukin. Nguni't kapag mapait ang inilagay sa kanyang bibig, iluluwa niya ito. Sino ang nagtuturo nito sa sanggol? Wala. Hangga't ang maliit na sanggol ay buhay, hindi niya kinakailangan ang sinuman na turuan siya kung ano ang matamis o mapait. Ang reaksiyon ng sanggol sa mga matatamis at mapapait ay hindi isang bagay ng kaalaman; ito ay isang bagay ng panlasa ng kalikasan. Ang isang sanggol ay may pantaong kalikasan, at ayaw ng pantaong kalikasan ang lasa ng anumang mapait. Alam ng ating kalikasan kung ano ang ayaw at gusto nito. Gayundin, gaano man tayo kasanggol sa mga espirituwal na bagay, hangga't tayo ay nasa loob ni Kristo, mayroon tayong natatanging kalikasan ng buhay. Sa pamamagitan ng pagpasok sa atin, dinala ni Kristo sa ating katauhan ang isang kamangha-manghang kalikasan ng buhay. Hindi lamang ito basta dibinong kalikasan; ito ang dibinong kalikasan na may napataas na kalikasan ng tao.

ANG PANGSYON NG KALIKASAN NG BUHAY
BILANG ANG PAGGAWA
NG KAUTUSAN NG BUHAY

Ang pangsyon nitong kalikasan ng buhay ay ang paggawa ng kautusan ng buhay. Ang bawa't buhay ay may kautusan. Ang kautusan ng isang buhay ay ang likas na kakayahan ng buhay na iyon. Ang kakayahang ito ay likas, kusa, awtomatiko, hindi nagbabago, at kagyat. Ito ay palaging gumagawa. Hangga't ikaw ay isang buhay na tao, ang likas na kakayahang ito ng pantaong buhay ay nasa sa iyo. Kung mamatay ang sanggol, wala na siyang pagkilala sa matatamis o mapapait na substansiya. Nguni't ang buhay na sanggol ay may panlasa ng kalikasan na nagmumula sa likas na kakayahan ng buhay. Nang si Hesu-Kristong ating Panginoon ay pumasok sa atin, dinala Niya ang Kanyang kamangha-manghang kalikasan sa loob ng ating katauhan. Ang gawa at pangsyon ng kalikasang ito ay ang paggawa ng kautusan ng buhay. Ang kalikasang ito ay awtomatikong nagpapangsyon. Ang pangsyon nito ay hindi nakasalalay sa pagtuturo; ito ay nakasalalay sa buhay.

Bago tayo naligtas, tayong lahat ay gumagawa ng mga bagay na hindi mabuti, mga bagay na tulad ng pagsusugal, pag-inom, paninigarilyo, pagsasayaw at panonood ng sine. Nguni't mula sa mismong sandali na tayo ay naligtas, nagkaroon tayo sa loob natin ng isang bagay na bumabagabag sa atin at di-sumasang-ayon sa ating paggawa ng ilang bagay. Makapagsasayaw ka pa rin nguni't sa loob mo ay may panlasang hindi nasisiyahan doon. Bago ka naligtas, ang lasa ay palaging ayos, nguni't hindi na ngayon. Lahat tayo ay nagkaroon ng ganitong uri ng karanasan. Kung hindi ka pa nagkakaroon ng ganitong karanasan, nag-aalinlangan ako kung ikaw nga ay naligtas. Ang karanasang ito ay ang pangsyon ng kalikasan ng buhay, na si Kristo Mismo na isinagawa tungo sa ating katauhan. Ang pangsyong ito ay yaong paggawa ng kautusan ng buhay. Wala nang pangangailangang turuan ka pa ng sinuman. Sa katunayan, dahil mayroon ka na ng kalikasan ni Kristo na gumagawa sa loob mo, hindi mo na Siya kailangan pang magsalita sa iyo. Halimbawa, dahil ibinigay na ng ina ang kanyang kalikasan sa kanyang anak at dahil ang kalikasang ito ay gumagawa sa isang sanggol, hindi na niya kailangang maturuang tumugon sa mapait ang lasang substansiya. Ang pantaong kalikasan ng sanggol ay nagpapangsyon nang awtomatiko. Ang pangsyong ito ay ang paggawa ng kautusan ng pantaong buhay. Gayundin, ang pangsyon ng kalikasan ng buhay ni Kristo sa ating katauhan ay ang paggawa ng kautusan ng dibinong buhay. Hindi ito isang bagay ng pagtuturo o ng mga himala.

ANG PAGPASOK NI KRISTO SA ATIN
UPANG MAGING ISANG PERSONA

Nang si Kristo ay pumasok sa atin, hindi lamang Niya dinala ang Kanyang kalikasan, bagkus ang Kanyang Sarili bilang Persona. Walang makababagabag sa atin nang higit sa isang persona. Ayaw kong mabuhay nang mag-isa. Gusto kong may dalawa o tatlo man lamang na makakasama ko. Nguni't isang kabagabagan ang magkaroon ng ibang kasama. Nang si Kristo ay pumasok sa atin, Siya ay pumasok upang maging isang Persona. Natatanto ba ninyo na si Kristo ay nasa loob mo bilang isang Persona, ang buháy na Isa na "bumabagabag" sa inyo sa lahat ng oras? Ang pagbagabag Niya mangyari pa ay ang pinakamabuting pagbagabag, dahil ito ay napakakapaki-pakinabang. Gayunpaman, iyon ay isa pa ring pagbagabag. Bago pa kayo naligtas, malaya kayong gumawa ng lahat ng inyong naisin. Halimbawa, ikaw ay malayang sumayaw. Nguni't matapos kayong maligtas, lalo na nang makapagbuhay-ekklesia, nagsimula na kayong mabagabag ng buháy na Persona ni Kristo. Araw-araw, binabagabag Niya tayo sa loob.

ANG PAGKILOS NG PERSONA NI KRISTO
BILANG ANG PAGPAPAHID

Binibigyan ng Bibliya ang pagkilos ng Personang ito ng isang espesyal na katawagan—ang pagpapahid (1 Juan 2:27). Ang salitang ito, ang pagpapahid, ay napakahirap maunawaan. Ang pagpapahid na nananahan sa atin ay ang pagkilos ng isang Persona, ang Persona ni Kristo. Tinuturuan tayo ng pagpapahid na ito. Lahat tayo ay mayroon sa loob natin ng tinatawag na pagpapahid na nagtuturo sa atin mula sa loob ng ating mismong katauhan. Kaya, sa loob natin ay mayroon tayong kapwa kalikasan ni Kristo at Persona ni Kristo. Ang pagpapahid ay ang pagkilos ng ungguwento sa loob natin. Sa tipolohiya, ang ungguwento ay binubuo ng langis ng olibo at ilang pinakamagaling na espesiya (Exo. 30:22-25). Ang pangunahing elemento sa tinimplang bagay na ito ay ang langis, kung saan idinagdag ang ilang mga sangkap. Nang ang tabernakulo, ang mga kasangkapan sa tabernakulo, at ang mga saserdote ay pinahiran, ang lahat ng mga sangkap ng ungguwento ay nasa bagay o taong iyon na pinahiran. Ayon sa tipolohiya, ang ungguwentong ito ay si Kristo. Ang mismong Kristo na nananahan ngayon sa ating espiritu ay ang ungguwento na binubuo ng Espiritu ng Diyos at ng iba pang mga elemento. Bilang ang ungguwentong ito, Siya ay kumikilos at nabubuhay sa loob natin araw-araw. Ang panloob na pagkilos na ito ng ungguwento ay nagbibigay sa atin ng buháy na pagtuturo. Sa ganitong paraan tayo tinuturuan ni Kristo.

ANG NORMAL NA PAMUMUHAY
NG KAMANGHA-MANGHANG ISA

Nang pumasok si Kristo sa atin, dinala Niya ang Kanyang kamangha-manghang kalikasan tungo sa loob ng ating katauhan. Ang pangsyon ng kalikasang ito ay ang paggawa ng kautusan ng buhay. Si Kristo ay nasa loob din natin bilang ang ungguwento na patuloy na nagpapahid sa atin. Ang pagpapahid na ito ay nagbibigay sa atin ng nakagiginhawang pakiramdam. Sa tuwing tinuturuan tayo ng Panginoong Hesus mula sa loob, ang Kanyang pagtuturo ay ayon sa Kanyang pagpapahid na nagbibigay sa atin nitong nakagiginhawang pakiramdam. Bilang mga Kristiyano, lahat tayo ay may awtomatiko, kusa, palagian, at kagyat na paggawa ng kautusan ng buhay, ang kautusang gumagawa ayon sa kamangha-manghang kalikasan ni Kristo, at mayroon tayong pagpapahid na kumikilos sa loob natin ayon sa Persona ni Kristo.

Gamitin uli nating halimbawa ang pamimili. Ang pamimili ay tulad ng pagpunta sa impiyerno. Pagkatapos ng hindi ko pamimili nang mahigit na dalawang taon, kinakailangan kong bumili ng ilawan kamakailan. Sa tindahan ay nakakita ako ng ilang magagarang ilawan, nguni't hindi nagustuhan ng aking kamangha-manghang kalikasan ang mga ito. Ang mga ilawang iyon ay mapait sa aking panlasa. Ang ilan pa nga sa ilawan ay parang bawang sa aking panloob na panlasa, at hindi matagalan ng aking panloob na pakiramdam ang mga ito. Kapag ang mga kapatid na babae ay nasa "department store," maraming beses na tumatanggi ang kanilang panloob na panlasa na bilhin ang isang bagay. Ang panlasang ito ay nagmumula sa kamangha-manghang kalikasan na nasa loob nila. Limampung taon na ang nakararaan, maaaring makabili ako ng isang magarang ilawan. Nguni't kung gagawin ko ito ngayon, hindi ako makatutulog sa gabi dahil sa pangsyon ng kalikasan ng buhay. Lahat tayo ay mayroon nitong kalikasan na may awtomatikong pangsyon. Kung tatangkain mong pigilan ang pangsyong ito, lalo itong lilitaw, lalo mo itong pipigilan, lalo itong papaimbabaw. Nakaranas na tayong lahat ng paggawang ito ng kautusan ng buhay. Katulad ng nakita na natin, hindi lamang tayo may kalikasang ganito sa loob natin, bagkus may isang Persona rin. Kung ako man ay mamimili ngayon ay hindi nakasalalay sa paggawa ng kalikasan; ito ay nakasalalay sa pagtuturo ng pagpapahid. Isang buhay na Persona ang palaging namumuhay at kumikilos sa loob natin. Ang pamumuhay at pagkilos na ito ang Kanyang pagtuturo. Kung tayo ay mamimili dapat tayong magbukas ng ating mga sarili sa Panginoon, na sinasabing, "Panginoon, ako ay kaisa Mo, at alam kong Ikaw ay kaisa ko. Panginoon, gusto Mo bang mamili ako ngayong umaga?" Kapag ginawa natin ito, mararamdaman natin ang pagpapahid sa loob. Ito ang pagkilos ng buháy na Isa sa loob natin. Habang ang kaibig-ibig na Isang ito ay gumagawa sa loob natin, nakararamdam tayo ng pang-aaliw at pagpapaginhawa. Kaaya-aya ito! Kung tayo man ay mamimili o hindi ay pangalawa lamang. Ang pangunahing bagay ay yaong habang tumitingin tayo sa Kanya at nakikipagsalamuha sa Kanya, tinatamasa natin ang Kanyang pagpapahid. Sa tuwing tayo ay nasa ilalim ng pagpapahid Niya, alam natin ang dapat gawin. Kung hahakbang tayo nang hindi Niya gusto, ang pagpapahid ay hihinto, at ang nakagiginhawa at nakaaaliw na pakiramdam ay mababawasan. Sa pamamagitan nito ay malalaman nating hindi natin dapat gawin ang isang bagay na iyon. Sa mga sandaling iyon ay dapat nating sabihin, "Panginoon, ako ay kaisa Mo. Kung ayaw Mong umalis, hindi ako aalis." Kung gagawin natin ito, ang pagpapahid at ang nakagiginhawang pakiramdam nito ay babalik.

Ang pamumuhay at pagkilos ng pagpapahid ay ang panloob na pagtuturo ni Kristo. Mayroon tayong buhay na Persona sa loob natin na nagtuturo sa atin sa lahat ng oras. Minsan sa ating pakikisalamuha sa mga banal ay makararamdam tayo na ang panloob na pagpapahid ay humihinto. Kapag nagkaroon tayo ng ganitong pakiramdam, dapat na tayong huminto ng pagsasalita. Maaaring nakapagsalita ka na ng kalahating pangungusap, nguni't dahil naramdaman mo na ang pagpapahid ay humihinto, hindi mo na dapat sabihin pa ang natitirang bahagi ng pangungusap na iyon. Simple lamang na maging kaisa ng panloob na pagpapahid. Maraming beses, gayunpaman, ay ipinagwawalang-bahala natin ang pagpapahid at ginagawa natin ang anumang gusto natin. Nang ako ay bata pa, ilang beses kong sinabi sa Panginoon, "Panginoon, patawarin Mo ako at hayaang minsan pa ay gawin ko ito." Pagkatapos sinabi ko sa Kanya, "Panginoon, hayaan Mong gawin ko pa itong muli." Marami sa mga kabataan ang nakagawa rin ng ganito. Maaaring nasabi ng ilang kapatid na babae, "Panginoon, alam ko na ayaw Mong ako ay mamili, nguni't hayaan Mo na akong pumunta sa pagkakataong ito." Sa tuwing ginagawa mo ito, pinapatay mo ang iyong sarili, at baka mga ilang araw pa bago ka mabuhay-muli.

Ang pinag-uusapan natin dito ay hindi ang bagay ng pagtuturo o ni mga himala. Ito ay ang normal na pamumuhay ng kamangha-manghang Isang ito. Ako ay nabubuhay nang ganap na naayon sa kautusan ng buhay, at ako ay kumikilos, gumagalaw, at gumagawi ayon sa pagpapahid. Hindi ako nangangailangan ng sinuman na magtuturo sa akin. Ang kamangha-manghang kalikasan ng buhay ni Kristo at ang mismong pagpapahid ng Persona ni Kristo ay higit pa na sapat para sa atin upang makapamuhay ng isang normal na buhay-Kristiyano. Dito ay mayroon tayong pagsasalamuha at dito ay lumalago tayo sa buhay. Dito ay mayroon tayong paglaganap ng nananahang Kristo tungo sa bawa't bahagi ng ating katauhan at dumadaan tayo sa proseso ng transpormasyon ng Diyos. Dito ay mayroon din tayong buhay-ekklesia at tunay na pagtatayo. At dito ay inihahanda natin ang ating mga sarili para sa pagbabalik ng Panginoon.