|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE ANIMNAPU’T PITO ANG KAGANAPAN NG PAGKA-ANAK Ang pokus ng pahayag ng Diyos sa Bagong Tipan ay ang pagka-anak. Ang pagka-anak ay naisin ng Diyos. Matutugunan lamang ng Diyos ang Kanyang ninanais para sa pagka-anak sa pamamagitan ng pagiging modelo at tularan (prototype) ng Kanyang Anak. Ang tularang (prototype) ito ay dapat na maisagawa tungo sa ating katauhan. Ang naisasagawa tungo sa loob natin ay hindi lamang ang Tagapagligtas o ang dibinong buhay, bagkus ang tularan din ng pagka-anak, ang Panganay na Anak ng Diyos. Tulad ng nabanggit na natin, may napakalaking kaibhan ang Bugtong na Anak ng Diyos sa Panganay na Anak ng Diyos. Sa Bugtong na Anak ay walang pagka-tao. Siya ay dibino, nguni’t hindi Siya tao. Sa kabaligtaran naman, sa Panganay na Anak ay may pagka-Diyos at pagka-tao dahil hindi lamang Siya Anak ng Diyos bagkus ay ang Anak din ng Tao. Ang Anak ng Tao ay nadala sa pagka-anak sa pamamagitan ng Kanyang pagkabuhay-na-muli. Ngayon ang Panganay na anak na ito, na binubuo ng kapwa pagka-Diyos at pagka-tao, ay naisagawa tungo sa ating mismong katauhan. ITINALAGA-NOONG-UNA-PA SA PAGKA-ANAK Sinasabi ng Efeso 1:5 na tayo ay naitalaga na noong una pa sa pagka-anak. Ang pagka-anak ang ating hantungan. Ang ating hantungan ay hindi ang mailigtas. Ang kaligtasan ay isang proseso; hindi ito ang gol kundi ang paraan upang maabot ang gol. Ang gol ng Diyos ay ang pagka-anak. Ang pagpapatawad, pag-aaring-matuwid, pagliligtas, at pagsisilang-na-muli ng Diyos ay nakasentrong lahat sa pagka-anak. Napatawad na tayo ng Diyos, inaring-matuwid na tayo, nailigtas na tayo, at naisilang na tayong muli upang tayo ay maging Kanyang mga anak. ANG PROSESO NG PAGPAPABANAL, Ang pagka-anak ay kapwa may simula at katapusan. Ito ay nagsisimula sa pagkasilang-na-muli at ito ay makukumpleto sa pagluluwalhati. Sa pagitan ng pagkasilang-na-muli at pagluluwalhati ay may proseso ng pagpapabanal, transpomasyon, at pagwawangis. Maraming Kristiyano ang nakarinig na ng tungkol sa pagpapabanal. Gayunpaman, ang konsepto hinggil sa pagpapabanal sa Kristiyanidad ay ibang-iba sa matatagpuan sa Bibliya. Ang bokabularyo, ang katawagan, ay pareho, nguni’t sa pagkaunawa ay lubhang ibang-iba, dahil ang diksiyunaryo ng Kristiyanidad ngayon ay naiiba sa diksyunaryo ng Bibliya. Ayon sa dalisay na salita ng Bibliya, ang kahulugan ng pagpapabanal ay ang mababaran ng elemento ng tularan. Lalo tayong nabababaran ng elemento ng Panganay na Anak bilang ang tularan, lalo tayong naihihiwalay sa sanlibutan tungo sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagpapabanal tayo ay naihihiwalay sa sanlibutan, hindi sa pamamagitan ng mga pagtuturo o mga himala, kundi sa pamamagitan ng pagiging nababaran ng dibinong elemento at pantaong kalikasan ng tularan. Ang ating buong katauhan ay tulad ng isang itim na patak. Isang araw, ang kamangha-manghang elemento ng tularan ay pumasok sa ating espiritu at pinabanal iyon. Paano naman ang mga iba pa nating katauhan? Dapat nating amining iyon ay napakaitim pa rin. Bagama’t maituturing mo ang iyong sarili na mabuti, moral, etikal, at “espirituwal” pa man din, maitim ka pa rin. Marahil ay nasa madilim na libingan ka. Kung ikaw man ay mabuti o masama, tama o mali, moral o imoral, maetika o hindi, espirituwal” o hindi, ang katauhan mo ay maitim pa rin. Kapag nakakahalubilo ka ng iba, nararamdaman nila ang pagkamalabo mo. Nananahan ka sa madilim na bartolina ng iyong relihiyon at mga etika, at walang anumang maaaninag sa iyo. Dahil napakaitim mo at walang naaaninag sa iyo, kailangan mong mapabanal sa pamamagitan ng pagsasanhi sa iyong katauhan na mababaran ng kamangha-manghang elemento ng tularan. Mas lumalaganap sa iyo si Kristo, mas lalo kang mapababanal at maihihiwalay sa sanlibutan. Ito ang pagpababanal. Ang transpormasyon ay may kaugnayan sa pagpapabanal. Lalo tayong nabababaran ng elemento ni Kristo, lalo tayong napababanal, at lalo tayong napababanal, lalo naman tayong natatransporma. Tulad ng nabanggit na natin nang makailang beses, ang transpormasyon ay hindi isang panlabas na pagbabago, pag-aayos, o pagwawasto. Ito ay isang metabolikong panloob na pagbabago, isang pagbabago sa buhay, kalikasan, at anyo. Ang pagpapabanal ay para sa transpormasyon at ang transpomasyon ay para sa pagwawangis. Dapat tayong matransporma upang mapawangis sa larawan ng Panganay na Anak ng Diyos (Roma 8:29). Sa awa ng Panginoon, tayo ay nasa wastong buhay-ekklesia, napababanal, natatransporma, at naiwawangis sa larawan ng panganay na Anak ng Diyos. Ito ay mas malalim, mas mataas, at mas matindi kaysa sa pagiging moral, maetika, o kahit pa sa pagiging “espirituwal”. Ang ilang pagtuturo hinggil sa tinatawag na pagiging espirituwal ay pawang walang kabuluhan lamang. Ang tunay na pagiging espirituwal ay ang pagiging napawangis. Ang pagiging espirituwal ay batay sa pagiging naiwangis sa larawan ng Panganay na Anak ng Diyos. Walang pagpupumilit, pagpapagal, o panggagaya ng tao ang makapagbubunga nito. Ito ay maibubunga lamang ng nananahanang tularan (prototype), ang tunay at buháy na Panganay na Anak ng Diyos, na kusang gumagawa sa loob natin. Habang gumagawa Siya sa loob natin sa pamamagitan ng kautusan ng buhay, patuloy Niya tayong pinapahiran mula sa loob natin. ANG KAUTUSAN AT MGA PROPETA Dahil tayo ay mga anak ng Diyos ayon sa kautusan ng buhay at sa pagpapahid, tayo ay bayan ng Diyos. Ang Diyos ay ang ating Diyos ayon sa kautusan ng buhay at ayon sa pagpapahid. Noong unang panahon, tinawag ng Diyos ang Kanyang bayan, ang mga anak ni Israel, palabas mula sa mga Hentil at ibinigay sa kanila ang kautusan. Ang Diyos ang kanilang Diyos at sila ang Kanyang bayan ayon sa panlabas na kautusan ng mga titik. Kung wasto sila sa kautusan, wasto rin sila sa Diyos. Yamang lumayo ang mga tao mula sa kautusan, pumasok ang mga propeta. Sa gayon, ang Lumang Tipan ay binubuo ng kautusan at ng mga propeta. Ang kautusan ay tumutugma sa di-nagbabagong kalikasan ng Diyos. Sa mga panahon at sa kawalang-hanggan, ang kalikasan ng Diyos ay nananatiling gayon pa rin. Bagama’t ang kautusan ay hindi nagbabago, ang propeta naman ay nagbabago. Maaaring sabihin ng isang propeta ng Diyos ang isang bagay ngayon at ang kabaligtaran naman niyaon kinabukasan. Kung tatanungin mo ang isang propeta tungkol sa pagpunta sa isang lugar ngayon, maaaring sabihin niyang puwede, nguni’t tanungin mo siya ng gayunding tanong bukas, maaari naman niyang sabihing hindi. Ang Diyos ay buhay. Bilang buhay na Diyos, Siya ang pinakamataas na Persona, na may ganap na karapatang magsabi sa atin ng isang bagay ngayon at ng iba pang bagay bukas. Dahil dito, ang salita ng propeta ay maaaring mabago. Ang kautusan ay ayon sa kalikasan ng Diyos, nguni’t ang mga propeta ay ayon sa paggawa ng Diyos, sa pagkilos ng Diyos. Maaaring gusto ng Diyos na manatili ka sa kung saan ka naroroon ngayon, nguni’t maaaring gustuhin naman Niyang pumunta ka bukas sa ibang lugar. Ang kautusan ay laging pareho sa bawa’t tao. Halimbawa, inuutusan kayo ng kautusan na igalang ninyo ang inyong mga magulang. Hindi sasabihin sa inyo ng Diyos na igalang ninyo ang inyong mga magulang ngayon at pagkatapos ay uutusan kayong kamuhian sila kinabukasan. Hindi ang kautusan ay nananatiling pareho. Gayunpaman, kung babasahin ninyo ang Lumang Tipan, makikita ninyong ang mga propeta ay magkakaiba sa isa’t isa. Noong unang panahon ang Diyos ay isang Diyos sa Kanyang bayan ayon sa kautusan at sa mga propeta, at ang bayan ng Diyos ay Kanyang bayan ayon din sa kautusan at mga propeta. Ano ang taglay natin sa Bagong Tipan na tumutugma sa kautusan at mga propeta sa Lumang Tipan? Para sa kautusan, mayroon tayong kautusan ng buhay, at para sa mga propeta, mayroon tayong pagpapahid. Ngayon, ang Diyos ay ang ating Diyos ayon sa panloob na kautusan ng buhay at ayon sa pagpapahid, at tayo ang Kanyang bayan ayon sa panloob na kautusan ng buhay at ayon sa pagpapahid. Ang panloob na kautusan ng buhay ay tumutugma sa kalikasan ng Diyos, at ang pagpapahid ay tumutugma sa pagkilos ng Diyos. Ang kautusan ng buhay ay laging nananatiling pareho. Kung ang kautusan ng buhay ang pag-uusapan, wala itong pagbabago sa inyo o sa iba pa man. Kung tatangkain mong manood ng sine mamayang gabi, pagbabawalan ka ng panloob na kautusan. Pagbabawalan ka rin nito bukas at sa iba pang mga panahon. Ang pagpapahid, gayunpaman ay maaaring mabago. Maaaring pagbawalan ka ng pagpapahid na pumunta mamayang gabi sa “department store,” nguni’t bukas ay maaari namang udyukan kang pumunta ng pagpapahid ng buhay. Bagama’t hindi ka kailanman pinapayagan ng kautusan ng buhay na bumili ng magarang ilawan, maaari o hindi ka naman hahayaan ng pagpapahid na pumunta sa “department store.” Higit pa rito, maaaring payagan ng pagpapahid ang isang kapatid na mamili, nguni’t pagbabawalan naman nito ang isa pang kapatid na gawin ang gayunding bagay. Sa pamamagitan nito ay makikita nating ang pagpapahid ay nagbabago. Kung sasadyain kong kausapin ka sa isang naghahatol na paraan, sasabihin lagi ng kautusan ng buhay, “Huwag, huwag mong gawin iyon.” Nguni’t kung dapat bang magsalita ako o hindi tungkol sa aklat ng Hebreo sa pagpupulong mamayang gabi ay nakasasalay sa pagpapahid. Mamayang gabi ay maaari akong udyukan ng pagpapahid na magsalita hinggil sa aklat Hebreo nang apatnapu’t limang minuto, nguni’t sa susunod na pagpupulong naman ay maaaring sabihin ng pagpapahid na, “Huwag kang magsalita ng anupaman sa pagpupulong na ito. Magpahinga ka.” Sa pamamagitan ng lahat ng mga halimbawang ito ay nakikita nating ang kautusan ay parehong gayon pa rin nguni’t ang pagpapahid ay laging nagbabago. Ayon sa kautusang ito at sa pagpapahid na ito na tayo ay bayan ng Diyos at ang Diyos ay Diyos sa atin. Kakaiba ito sa mga relihiyon! Dito ay walang panlabas na regulasyon, porma, ritwal, o mga pagkokontrol. Mayroon lamang kautusan ng buhay at pagpapahid. Mga labing-apat na taon na ang nakalilipas, ako ay naimbitahan sa bahay ng isang kapatid na Hudyo sa New York. Ang Kanyang pinagmulan (background) ay isang karaniwang kaugalian ng mga Hudyo (typical orthodox Jew). Sinabi niya sa akin na ginagawa ng karaniwang Hudyo ang lahat ayon sa isang bersikulo sa Lumang Tipan. Kapag sila ay matutulog na sa gabi, kailangan pa nilang ilagay ang kanilang mga sapatos sa direksiyong ayon sa bersikulo sa Lumang Tipan. Napakamasunurin nila sa kasulatan at napakarelihiyoso. Napakaraming regulasyon sa kanila, nguni’t walang buhay. Inaakala nitong mga karaniwang Hudyo na sila ang bayan ng Diyos at ang Diyos ay kanilang Diyos ayon sa kanilang relihiyon. Sa katunayan, ang Diyos ay malayo sa kanila. Siya ay hindi nila Diyos at hindi sila ang Kanyang bayan ayon sa kanilang paraan. Nguni’t ngayon ang Diyos ay ang ating Diyos ayon sa kautusan ng buhay at ayon sa pagpapahid. ANG KAUTUSAN NG BUHAY AT ANG PAGPAPAHID Bagama’t maaaring malinaw tayo sa mga bagay na ito sa pandoktrina, maaaring hindi pa rin tayo malinaw hinggil sa mga ito sa pangkaranasan. Sa buhay-ekklesia, dapat tayong mamuhay ayon sa kautusan ng buhay at kumilos ayon sa pagpapahid, nguni’t unti-unti, tayo ay napasasa isang pamumuhay na ayon sa mga regulasyon at kumikilos nang ayon sa organisasyon. Noong simula, ang buhay-ekklesia ay hindi ganito. Ito ay buhay, at namuhay tayo ayon sa panloob na kautusan ng buhay at kumilos ayon sa pagpapahid. Unti-unti, gayunpaman, ang ating pamumuhay ayon sa kautusan ng buhay ay naging gawi, at ang gawi ay naging regulasyon. Kaya ngayon ay namumuhay ayon sa regulasyon at kumikilos ayon sa organisyon. Dahil naging organisado na tayo, nakaligtaan na natin ang pagpapahid. Gayon na lang ang kasabikan kong makita ang mga minamahal na pumupunta sa bahay-pulungan upang maglinis ayon sa pagpapahid, at hindi ayon sa anumang pagsasaayos o pag-oorganisa. Kung sa mga grupo ng mga naglilingkod ay bibigyang-pansin natin kung sino ang una, pangalawa, at huli, magkakaroon tayo ng organisyon. Sa isang organisyon ay walang pangangailangang manalangin, makipagsalamuha sa Panginoon, at kumilos ayon sa pagpapahid, dahil ang lahat ay isinaayos, at sinasabihan tayo kung ano ang gagawin at kailan ito gagawin. Ang isang kapatid na hindi isang nangunguna ay maaaring magsabing, “Hindi ako ang una o ang huli. Anuman ang aking gawin ay ayos lang. Hindi ko na kailangang tumingin pa sa Panginoon tungkol sa kung anong oras maglilinis, dahil ang oras ay naianunsiyo na. Kung maaantala man ako nang ilang minuto ay hindi naman gaanong makaaapekto.” Kapag ang kapatid na ito ay dumating, siya ay magpapatayu-tayo na naghihintay masabihan kung ano ang gagawin. Kung ang nangungunang kapatid ay hindi dumating, hindi niya alam kung paano gagawa. Hindi ito ang paglilingkod na nakikita natin sa Bagong Tipan. ANG PAMUMUHAY NA INIHAYAG Ayon sa Bagong Tipan, ang kautusan ng buhay ay isinulat sa loob ng ating katauhan. Sa katunayan, maging ang Sumulat Mismo ay nasa loob natin. Sa pagpasok sa atin, dinadala Niya kapwa ang Kanyang kalikasan at ang Kanyang Persona sa loob natin. Ang kalikasan ay gumagawa at ang Persona ay kumikilos. Kaya, dapat tayong mamuhay ayon sa Kanyang kalikasan at kumilos ayon sa Kanyang Persona. Dapat tayong maglinis ng bahay-pulungan ayon sa Kanyang pagkilos. Huwag ninyong intindihin ang ranggo ninyo sa mga paglilingkod sa ekklesia. Intindihin lamang ninyo ang buháy na Persona sa loob ninyo. Ito ang pamumuhay na matatagpuan sa Bagong Tipan. Kung ihahambing sa Lumang Tipan, ang Bagong Tipan ay lubusang maikli. Ang Lumang Tipan ay maaaring mayroong higit na isang libong pahina, nguni’t ang Bagong Tipan ay may kukulangin lamang sa tatlong daang pahina. Ang Kristiyanidad ay naging relihiyon ng mga pagtuturo at mga himala. Umaasa akong sa pagbabawi ng Panginoon ay matatanto nating hindi natin kailangan ang mga pagtuturo at mga himalang matatagpuan sa relihiyon. Kailangan lamang nating mamuhay ayon sa kamangha-manghang kalikasan ni Kristo at kumilos ayon sa Kanyang kamangha-manghang Persona. Huwag kayong umasa sa mga regulasyon, mga pagsasaayos, o organisasyon. Kumilos at gumawa lamang ayon sa buháy na Personang nasa loob ninyo. Kung gagawin natin ito, matatamasa natin ang Diyos at magiging bayan Niya, at ang Diyos ay magiging napakabuháy, mayaman, at katama-tamasa sa atin. Siya ay magiging Diyos natin, hindi ayon sa mga regulasyon, kundi ayon sa panloob na kautusan ng buhay at ayon sa pagpapahid. Ito ang paggawa ng dibino at pantaong kalikasan ng kamangha-manghang Isa. ANG PANGANGAILANGANG MALIGTAS Magtataka kayo kung bakit laban ako sa relihiyon. Ito ay dahil sa ako ay dumaan na sa napakaraming bagay, lalo na sa mga pagtuturo at pagsasalita ng mga wika. Sa nakaraan, tinuruan ko ang maraming tao kung paano magsalita ng mga wika. Nguni’t matapos ang ilang panahon, nakita ko na ang pagsasalita ng mga wika ay nagpapasigla lamang sa mga tao nang panandalian at ang resulta ay walang gaanong buhay. Ako ay napunta rin sa pundamental na Kristiyanidad kung saan ko natutunan ang mga pagtuturo sa Bibliya. Mahigit nang apatnapu’t limang taon ang nakararaan, ako ay naging pamilyar sa lahat ng mga sagisag, mga pagtuturo, at mga propesiya. Hindi ako pinalago ng mga pagtuturong ito nang pito at kalahating taon. Dahil dito, mayroon akong tiyak na katayuan na ideklara na hindi natin kailangan ang mga pagtuturo sa mga titik. Matapos ang ilang panahon, napasama ako sa mga kilusang Pentecostal. Ngayon ako ay naatasan at binigyang-kabigatan ng Panginoon na ihain si Kristo bilang buhay sa Kanyang bayan. Tangi lamang kapag ikaw ay buung-buo nang nailigtas (rescued) mula sa iba pang mga bagay, saka lamang maiibsan ang aking kabigatan. Alam ng Espiritu kung gaano mo kinakailangang mailigtas (delivered). Hindi lamang yaong mga nasa Kristiyanidad, bagkus maging ang mga tao ng ekklesia ay nangangailangang makaalam ng ukol sa pagka-anak. Dapat nating makita na ang buhay ang tanging paraan kung paanong ang pagka-anak ay madadala tungo sa kagapanan sa loob natin. Ang paggawa ng kautusan ng buhay sa loob natin ay para sa pagsasakatuparan ng pagka-anak. ANG PARAAN NG DIYOS SA PAGDADALA Sinasabi ng Hebreo 2:10 na dinadala ng Diyos ang maraming anak tungo sa kaluwalhatian. Paano dadalhin ng Diyos ang maraming anak tungo sa kaluwalhatian? Mananatili bang gayon pa rin ang lahat ng mga Kristiyano sa araw-araw hanggang sa bigla na lang silang madala sa kaluwalhatian? Hinding-hindi! Sa 1 Corinto 15 ay sinasabi ni Pablo na ang pagkabuhay-na-muli ay tulad ng paglago ng isang halaman. Matapos maihasik ang isang punla sa lupa, ito ay namamatay at nagsisimulang tumubo. Sa una, ang halaman ay isang murang usbong. Ang murang usbong na ito ay dapat na lumago hanggang sa ito ay gumulang at mamulaklak. Ang bulaklak ang kaluwalhatian nito. Ang halaman, di-tulad ng kabuti, ay hindi kaagad-agad naluluwalhati. Hindi, ito ay naluluwalhati sa pamamagitan ng unti-unti nitong paglago. Gayundin, tayong lahat ay naisilang-na-muli at mga nagsisipaglago. Marami ang tulad ng mga murang usbong na napakalayo pa ang tatahakin bago sila maluwalhati. Ang distansiya sa pagitan ng pagkasilang-na-muli at pagluluwalhati ay kinapapalooban ng hakbangin ng pagpapabanal, transpormasyon, at pagwawangis tungo sa larawan ng Panganay na Anak ng Diyos. Ang ilan sa atin na lumago sa buhay sa mga nagdaang taon ay nasa bingit ng pagluluwalhati. Handa na silang mamulaklak. Ikaw? Kung ikaw ay isa pa ring murang usbong, hindi ka pa handang mamulaklak. Dapat kang magpatuloy sa paglago hanggang marating mo ang paggulang. Pagkatapos, sa panahon ng iyong paggulang, ikaw ay mamumulaklak tungo sa pagluluwalhati. Sa ganitong paraan dadalhin ng Diyos ang maraming anak tungo sa kaluwalhatian. ANG PAGLULUWALHATI—ANG PAGKUKUMPLETO NG PAGKA-ANAK Sa bahaging ito, kailangan nating basahin ang Roma 8:29 at 30, “Sapagka’t yaong mga nang una pa ng Kanyang makilala ay itinalaga naman Niya nang una pa na mapawangis sa larawan ng Kanyang Anak, upang Siya ang maging Panganay sa maraming magkakapatid; at yaong itinalaga Niya nang una pa ay Kanyang tinawag naman; at ang mga inaring-matuwid ay niluwalhati rin naman Niya “(Salin sa Pagbabawi). Hindi sinasabi ng bersikulo 30, “At ang mga inaring-matuwid ay dinadala Niya sa langit.” Hindi, sinasabi nitong, “Ang mga ito ay niluwalhati rin naman Niya.” Dapat din nating basahin ang Roma 8:16 at 17, “Ang Espiritu Mismo ang sumasaksi kasama ang ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos: bilang mga anak, mga tagapagmana rin; mga agapagmana ng Diyos at mga kasamang tagapagmana ni Kristo, kung gayon nga makipagtiis tayong kasama Niya upang tayo ay maluwalhati namang kasama Niya.” Hindi sinasabi ng bersikulo 17 na upang tayo ay madala sa langit. Hindi, ang sinasabi nito ay yaong “upang tayo ay maluwalhati namang kasama Niya.” Ang layunin ay ang pagluluwalhati. Ang pagluluwalhating ito ay ang pagpapasakdal, ang pagkukumpleto, ng pagwawangis. Sa ibang salita, ang pagluluwalhati ay ang pagpapasakdal at pagkukumpleto ng pagka-anak. Ang pagka-anak ay nagsimula na sa atin, nguni’t ito ay hindi pa napasasakdal at nakukumpleto. Sa kasalukuyan, tayo ay dumaranas sa hakbangin ng pagpapabanal, pagtatransporma, at pagwawangis. Araw-araw tayo ay natitigmakan ng nananahanan at kamangha-manghang Isa. Siya ay laging naghahanap ng pagkakataong ipalaganap ang Kanyang Sarili tungo sa bawa’t bahagi ng ating katauhan. Ninanais Niyang tayo ay matigmakan hanggang sa tayo ay mapabanal, matransporma, at maiwangis sa Kanyang larawan at marating ang pagpapasakdal at pagkukumpleto ng pagka-anak. Ito ang naisin ng Diyos ngayon. Ito ay hindi isang bagay ng pagiging tama o mali, mayabang o mapagpakumbaba, maetika o hindi. Hindi nga rin ito isang bagay ng pagiging espirituwal o hindi. Hindi ang mga ito ang binibigyang-pansin ng Diyos. Tatlumpung taon na ang nakararaan, kasama ko ang ilang tao na naghahangad ng pagiging espirituwal. Nguni’t lalo naming hinahabol ito, lalo naman itong tumatalilis. Maging ang paghahabol sa “espiritwalidad” ay walang kabuluhan. Ang layunin ng Diyos ay ang iwangis tayo sa Kanyang Anak. Ang Kanyang Anak, ang tularan, ay naisagawa na tungo sa loob natin at naghihintay ng pagkakataon na matigmakan tayo ng Kanyang elemento. Dapat tayong makipagtulungan sa Kanya sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa Kanyang kalikasan at pagkilos ayon sa Kanyang Persona. Dapat nating sabihing, “Panginoon, hindi ko iniintindi ang pagiging espirituwal. Nais ko lamang makapamuhay nang ayon sa Iyong kalikasan at makakilos nang ayon sa Iyong Persona.” Sa kaawaan ng Panginoon, ako ay namumuhay at kumikilos sa ganitong paraan sa mga nagdaang taon. Ang tanging nakamit ko dito ay kondenasyon. Ako ay kinondena dahil ayaw kong pahintulutan ang mga relihiyosong bagay. Sa pagdaan ko sa mga pagtuturo at mga Pentecostal na bagay, makapagpapatotoo akong ang mga ito ay hindi uubra ni nakapagtutustos sa atin. Bagama’t makatutulong ang mga ito sa isang maikling hangganan, hindi tayo matutustusan nito. Nguni’t kung ikaw ay namumuhay ayon sa kalikasan ng kamangha-manghang Isang ito at kikilos ayon sa Kanyang Persona, masagana kang matutustusan at ang iba pa ay matutustusan sa pamamagitan mo. Ito ang kailangan ng buhay-ekklesia ngayon. Ang buhay-ekklesia sa pagbabawi ng Panginoon ay lubusan at ganap na ibang-iba sa Kristiyanidad. Dahil tayo ay iba, tayo ay kinondena bilang mga heretiko (humahawak ng maling pananampalataya). Inaamin kong tayo ay iba nguni’t hindi ko tinatanggap na tayo ay heretiko. Ang ating pagkaunawa sa Bibliya ay ayon sa dalisay na Salita na may liwanag na nagmumula sa mga kalangitan. Hindi natin binibigyang-pansin ang mga tradisyunal na pagtuturo. Ang sinusunod lamang natin ay ang dalisay na Salita ng Diyos sa Bibliya. Bagama’t lubusan tayong iba sa tradisyon, lubusan naman tayong naaayon sa Bibliya. Ang paggawa ng kautusan ng buhay at ang pagkilos ng pagpapahid ang magkukumpleto ng pagka-anak sa atin. Tayong lahat ay nakatalaga sa pagka-anak at ngayon nga ay napasasailalim tayo sa hakbangin ng pagiging mga ganap na anak ng Diyos. Ngayon ang ating kautusan ay ang kautusan ng buhay at ang ating propeta ay ang pagpapahid. Tulad ng nakita na natin, ang kautusang ito ay ayon sa kalikasan ni Kristo at ang propetang ito ay ayon sa Kanyang Persona. Tayo ay namumuhay ayon sa Kanyang kalikasan at kumikilos ayon sa Kanyang Persona. Ito ang ating katayuan. Umaasa ako sa Panginoon upang makita nating lahat ito. Ito ay dapat na maihain sa lahat ng mga banal sa buhay-ekklesia. Hindi natin binibigyang-halaga ang mga pagtuturo sa mga titik; hindi rin natin binibigyang-halaga ang mga panlabas na himala. Ang binibigyan lamang natin ng halaga ay ang panloob na kautusan ng buhay at ang panloob na pagpapahid. Ang ating Diyos ay tunay at buhay. Siya ay tunay at
buhay sa loob natin, hindi ayon sa relihiyon, ni ayon sa ating pantaong
kaisipan. Sa pagdaan sa loob ng Anak sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao
at pagkabuhay-na-muli at sa pagkakaroon kapwa ng pagka-Diyos at pagka-tao,
Siya ay pumasok sa atin bilang isang buhay na Persona na may kamangha-manghang
kalikasan. Ang Kanyang kalikasan ay nagpapangsyon ngayon sa loob natin.
Nakita natin na ang pangsyon ng Kanyang kalikasan ay ang paggawa ng
kautusan ng buhay at yaong ang pagkilos ng Kanyang Persona ay ang pagpapahid.
Sa buhay-ekklesia hindi natin binibigyang-pansin ang doktrina, pagtuturo,
mga himala, at “mga kaloob.” Araw-araw, tayo ay nakikipag-ugnayan
sa isang buhay na Persona at sa Kanyang kamangha-manghang kalikasan.
Ang Kanyang kalikasan ay laging nananatiling pareho, gumagawa sa loob
natin upang maipalaganap ang Kanyang elemento tungo sa loob ng ating
katauhan. At patuloy tayong ginagabayan ng Kanyang pagpapahid sa ating
paggawa, pagkilos, at pag-uugali. Sa pamamagitan ng Kanyang kalikasan
at Kanyang Persona tayo ay nakapamumuhay at nakakikilos. Sa ganitong
paraan, unti-unti Niyang isinasagawa ang Kanyang Sarili tungo sa ating
katauhan. Lalo Siyang naisasagawa sa loob natin, lalo tayong nagiging
mga anak ng Diyos sa pagpapasakdal at pagluluwalhati. Kung makikita
natin ito, hindi na tayo magagambala pa ng iba pang mga bagay. Ang Kristiyanidad
ay isang relihiyon, nguni’t ang ekklesia ay isang bagay ng buhay.
Ang buhay na ito ay walang iba kundi ang kamangha-manghang Isa, ang
Isa na dumaan na sa pagkakatawang-tao at pagkabuhay-na-muli at Siyang
Espiritung nagbibigay-buhay ngayon na binubuo ng pagka-Diyos at pagka-tao.
Habang namumuhay tayo ayon sa Kanyang kalikasan at kumikilos ayon sa
Kanyang pagpapahid ay lalago tayo, matitigmakan, matatransporma, at
maiwawangis sa Kanyang larawan hanggang sa tayo ay mahinog sa pagka-anak
at maihahanda para sa pag-akyat-nang-may-masidhing kagalakan. Sa gayon
ay magiging handa na tayo upang salubungin Siya.
|