| PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE ANIMNAPU'T WALO NAMUMUHAY AYON SA KALIKASAN NG DIYOS Ang pokus ng dibinong pahayag sa Bibliya ay ang pagka-anak. Ang layunin ng Diyos ay ang maihayag ang Kanyang Sarili. Upang magkaroon Siya ng kahayagan, dapat Siyang magkaroon ng maraming anak. Huwag isiping ang kaligtasan ang sentro ng pahayag ng Diyos. Ang sentro ng Kanyang pahayag ay ang pagka-anak. Nais ng Diyos ng maraming anak. Nang isinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak sa sanlibutan, ang layunin Niya ay ang magsilang ng maraming mga anak sa pamamagitan Niya, ginagawa Siyang Panganay na Anak Niya. Bagama't sa unang pagkakataon ay dumating ang Panginoong Hesus bilang ang Bugtong na Anak ng Diyos, kapag Siya ay dumating sa ikalawang pagkakataon, darating Siya bilang ang Panganay na Anak (Heb. 1:6). Ang maging Panganay na Anak ay nangangahulugang Siya ang Una sa gitna ng maraming anak, ang Panganay na Anak sa gitna ng maraming magkakapatid (Roma 8:29). ANG KAHULUGAN NG PAGKA-ANAK Sa Bibliya, ang kahulugan ng pagka-anak ay ang kahayagan ng Ama. Palaging inihahayag ng isang anak ang kanyang ama. Kapag tinitingnan natin ang isang batang lalake, nakikita natin sa kanya ang kahayagan ng kanyang ama. Ang isang pantaong ama ay maaaring nangangailangan lamang ng isang anak na lalake upang ihayag siya, subali't ang dibinong ama, na kamangha-mangha at kagila-gilalas na dakila, ay nangangailangan ng milyun-milyong anak upang maging kahayagan Niya. Isang araw, ang mundo ay mapupuno ng mga anak ng Diyos, at saanman tayo pumunta makikita natin ang larawan ng Ama, ang kahayagan ng Diyos. Kung maingat ninyong babasahin ang Bagong Tipan, makikita ninyong hindi nais ng Diyos ang isang grupo ng mga makasalanan na natubos, nalinis, at nadala tungo sa kalangitan. Ito ay walang katuturan. Nais ng Diyos ang maraming mga anak upang maging Kanyang sama-samang at pansansinukob na kahayagan. Saan man naroroon ang mga anak na ito, mahahayag doon ang Ama. Ito ang pagka-anak. "Masdan ninyo kung anong pag-ibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo ay matawag na mga anak ng Diyos (1 Juan 3:1).” Ito ang pangunahing konsepto sa mga Kasulatan. ANG PAGKAKAROON NG DIBINONG KALIKASAN Kung pag-uukulan ninyo ng panahong sumama sa isang ama at sa kanyang anak-na-lalake, matutuklasan ninyong hindi lamang taglay ng anak-na-lalake ang larawan ng kanyang ama, bagkus maging ang kalikasan din ng kanyang ama. Bilang anak-na-lalake ng kanyang ama, mayroon siyang kalikasan ng kanyang ama. Gayundin naman, kung tayo ay tunay na ipinanganak ng Diyos, kung magkagayon ay mayroon tayong kalikasan Niya. Ang kalikasan sa buhay ay isang napakamakahulugang bagay. Bawa't buhay ay may isang kalikasan. Ang kalikasan ng isang buhay ay ang pinaka substansiya ng buhay na yaon. Kung walang kalikasan, walang buhay. Anumang uri ng buhay ito—panghalaman, panghayop, pantao o dibino—hangga't ito ay isang buhay, mayroon itong isang kalikasan. Ang substansiya at esensiya ng buhay ay nasa kalikasan nito. Kung ano ang kalikasan, yaon din ang buhay. Ang isang puno ng mansanas ay namumunga ng mga mansanas, sapagka't mayroon itong isang kalikasan ng puno ng mansanas. Sa gayunding paraan, ang isang aso ay may buhay ng aso sapagka't mayroon itong kalikasan ng aso, at ang isang tao ay may isang pantaong buhay sapagka't mayroon siyang isang pantaong kalikasan. Magiging tao ba tayo kung walang pantaong kalikasan? Mangyari pa ay hindi. Tayo ay mga tao sapagka't mayroon tayong pantaong kalikasan. Sapagka't mayroon tayong pantaong kalikasan, anuman ang ating ginagawa, iniisip, at sinasabi ay pantao. Gayundin naman, anuman ang ginagawa ng isang aso ay ayon sa kalikasan ng aso. Ang kalikasang ito ang pinagmulan ng kautusan ng buhay. ANG KAUTUSAN NG BUHAY BILANG ANG PAGGAWA Ang kautusan ng buhay ay hindi lamang naaayon sa kalikasan ng buhay; ito ay ayon sa kalikasan din ng buhay. Ang kautusan ng buhay ay nagmumula sa kalikasan ng buhay. Dahil sa ang isang partikular na buhay ay may isang kalikasan, ito ay may isang kautusan. Ang isang puno ng mansanas ay may kalikasan ng puno ng mansanas; kaya nga, ang kautusan nito ay ang kautusan ng kalikasan ng puno ng mansanas. Bakit namumunga ng mga mansanas ang isang puno ng mansanas? Sapagka't pinamamahalaan ito ng kautusan ng buhay ayon sa kalikasan ng buhay nito. Dito nakikita nating sa katunayan ang kautusan ng buhay ay ang paggawa ng kalikasan ng buhay. Kapag ang kalikasan ng isang buhay ay gumagawa, ang kautusan ng buhay na yaon ay gumagawa rin. Halimbawang mayroon tayong dalawang puno, isang puno ng mansanas at isang puno ng milokoton (peach). Kapag ang mga punong ito ay hindi nakapagbunga, hindi natin makikita ang kautusan ng buhay. Subali't kung ang puno ng mansanas ay kusang namumunga ng mga mansanas at kung ang puno ng milokoton ay kusang namumunga ng mga milokoton, makikita natin ang paggawa ng kautusan ng buhay na namamahala sa bawa't puno ayon sa kalikasan ng buhay nito. Kaya, ang kautusan ng buhay ay ang paggawa, ang pagpangsyon lamang, ng kalikasan ng buhay. Halimbawang isang aso at isang tao ang nakatayo sa harap mo. Kung ang aso at ang tao ay hindi kikilos, hindi mo makikita ang pangsyon ng kautusan ng buhay. Subali't kung ang tao ay kumikilos sa isang pantaong paraan at kung ang aso ay nagsimulang tumahol, ang mga kilos na ito ay magpapakita ng paggawa ng kalikasan ng bawa't buhay, na siyang kautusan ng buhay na yaon. Maari mong utusan ang aso, na sinasabing, "Maliit na aso, dapat mong tularan ang taong ito. Inaatasan kitang sumunod sa kanya at maging kaisa niya, sinasabi at ginagawa anuman ang gawin niya." Subali't lalo kang nagsasalita nang ganito sa aso, lalo itong tutugon ayon sa paggawa ng kautusan ng kalikasan nito. Kasalungat nito, kung uutusan mo ang tao na kumilos na parang aso, magiging imposible ito para sa kanya, sapagka't wala siyang kalikasan ng aso. ANG BUGTONG NA ANAK Nakita na natin na ang layunin ng Diyos ay ang magkaroon ng maraming mga anak. Ang paraan Niya upang magkaroon ng maraming anak ay ang gawing tularan ang Kanyang Bugtong na Anak. Naiwaglit ito ng Kristiyanidad, hindi kailanman nakikita ang kaibhan sa pagitan ng Bugtong na Anak at Panganay na Anak ng Diyos. Itinuturing ng karamihan sa mga Kristiyano na pareho lang ang Bugtong na Anak at ang Panganay na Anak. Gayunpaman, may isang malaking pagkakaiba sa pagitan ng pagiging Bugtong na Anak ni Hesus at ng Kanyang pagiging Panganay na Anak. Bilang ang Bugtong na Anak, hindi Siya ang Tularan. Upang maging ang tularan kinailangan Niyang maging ang Panganay na Anak ng Diyos. Sa bugtong na Anak, mayroon lamang pagka-Diyos, walang pagka-tao, subali't sa Panganay na Anak ng Diyos ay mayroong pagka-tao at gayundin ang pagka-Diyos. Itong pagka-tao ay "ginawang anak", yaon ay, ipinanganak ito ng Diyos sa loob ng pagkabuhay-na-muli ni Kristo. Sa Awit 2:7, sinabi ng Diyos sa Anak, "Ikaw ay Aking Anak; sa araw na ito ay ipinanganak Kita." Sapagka't ang pantaong kalikasan ni Kristo, ang Kanyang pagka-tao, ay ginagawang anak (sonized) sa loob ng Kanyang pagkabuhay-na-muli, hindi na lamang Siya basta ang Bugtong na Anak ng Diyos, bagkus ang Panganay na Anak ng Diyos din na may pagka-Diyos at pagka-tao. Kaya, Siya ang tularan. ANG PAGPAPARAMI Ang paraan ng Diyos upang maparami itong tularan ay naiiba sa pagpaparami sa isang pabrika. Sa isang pabrika, ginagawa muna ng isang kumpanya ang isang tularan at pagkatapos pinararami ang mga huwaran ayon sa tularan. Ang paraan ng Diyos ay ang isagawa ang Kanyang buháy na tularan, ang Panganay na Anak, tungo sa ating katauhan upang maging buhay at kalikasan natin. Ang buhay na ito ay ang dibinong buhay, at ang kalikasang ito ay ang dibinong kalikasan. Ngayon ang Diyos ay gumagawa upang ipalaganap itong dibinong buhay at kalikasan tungo sa bawa't bahagi ng ating katauhan, tinatransporma ang ating likas na katauhan tungo roon sa Panganay na Anak ng Diyos. Ayon sa Roma 12:2 at 2 Corinto 3:18, ito ay transpormasyon. Sa proseso ng transpormasyon, ang buháy na tularan ay lumalaganap mula sa ating espiritu patungo sa bawa't bahagi ng ating katauhan. Ang transpormasyon ay lubusang nakasalalay sa pamamahagi ng kautusan ng buhay tungo sa loob ng ating espiritu. Ang kautusang naipamahagi loob ng ating espiritu ay ang pangsyon ng dibinong buhay; nagmumula ito sa kalikasan ng dibinong buhay. Mula noong araw na dumating ang kautusang ito sa ating espiritu, naghihintay na ito ng pagkakataong makalaganap sa ating kaisipan, damdamin, at pagpapasiya. Sa katapus-tapusan, lalaganap ito sa ating buong katauhan. Habang lumalaganap ito, ang iisang kautusan ay magiging maraming kautusan. Sapagka't ang kautusan ay ang paggawa ng kalikasan ng dibinong buhay, ibinubunga nito ang pagka-anak kapag ito ay gumagawa. Ang paggawa nito ay palaging magbubunga ng larawan ng Diyos. ANG PAGKAKAIBA SA PAGITAN Bihirang-bihira na may isang natatangi, halos lahat ng mga Kristiyano ay napalayo mula sa kautusang ito at nailigaw mula rito. Sa isang daang Kristiyano, marahil ay hindi hihigit sa lima ang nakaaalam ng ukol sa kautusang ito o nakarinig na ng tungkol dito. Sa Kristiyanidad walang anumang salita o mensaheng tungkol sa kautusan ng buhay. Sapagka't karamihan sa mga Kristiyano ay nailigaw mula sa kautusan ng buhay, may pangangailangan para sa ng pagpapahid. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng kautusan ng buhay at pagpapahid? Katulad ng nakita na natin, sa Lumang Tipan ay may kautusan at mga propeta. Ang Lumang Tipan ay binubuo nitong dalawang kategorya ng dibinong salita. Noong unang panahon, ang Lumang Tipan ay tinawag pa ngang "ang Kautusan at ang mga Propeta." Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng kautusan at ng mga propeta? Bakit pagkatapos na ibigay ng Diyos ang kautusan kay Moises, ay kinailangan pa rin Niyang gamitin sina Elias, Isaias, Jeremias, Ezekiel, Daniel, at iba pang mga propeta? Nabanggit na natin na ang kautusan ay ibinigay upang maging isang patotoo ng Diyos, na ibinigay ayon sa kalikasan ng Tagapagbigay-ng-kautusan. Yamang inihahayag ng mga kautusang ginagawa mo kung anong uri ka ng tao, ang iyong mga kautusan ay iyong patotoo. Ang kautusan ay ang patotoo ng Diyos sapagka't ipinatotoo nito kung anong uri Siya ng Diyos. Ipinatotoo nito na Siya ay isang banal at matuwid na Diyos, isang Diyos ng liwanag at pag-ibig. Yamang Siya ay ganoong uri ng Diyos, ang Kanyang kautusan ay may ganoong kalikasan. Sa kalikasan ang kautusan ay matuwid, banal, at puno ng liwanag, at pag-ibig. Kaya nga, ang kautusan ay ang patotoo ng Diyos. Hinirang ng Diyos ang Israel mula sa mga bansa upang maging Kanyang bayan, ninanais na sila ay maging Kanyang bayan ayon sa kung ano Siya. Sapagka't ipinahayag ng kautusan kung ano ang Diyos, kinakailangan ng mga anak nni Israel na maging bayan ng Diyos ayon sa Kanyang kautusan. Sa unang kapitulo ng Isaias makikita nating ang mga anak ni Israel ay lumayo sa Diyos at sa Kanyang kautusan (Isa. 1:4,0). Kung hindi lumayo ang mga Israelita mula sa kautusan ng Diyos, hindi na nagkaroon ng pangangailangan sa mga propeta. Subali't dahil sa ang mga tao ay naligaw, isinugo ng Diyos ang mga propeta upang pabalikin sila sa pamamagitan ng pagwiwika, pag-aatas, at pagdidirekta sa kanila na magbalik sa patotoo ng Diyos. Hindi nilayon ng Diyos na gawing pamantayan ang ministeryo ng mga propeta. Ang pamantayan ng Kanyang patotoo ay ang kautusan, at ang ministeryo ng mga propeta ay upang ibalik sa sentro ang mga taong nawala-sa-sentro, upang ibalik ang mga naliligaw na tao ng Diyos sa patotoo ng Diyos. Kaya nga, ang ministeryo ng mga propeta ay ang bawiin ang mga natisod na bayan ng Diyos tungo sa Kanyang kautusan. Nakita na natin na ang Lumang Tipan ay binubuo ng kautusan at mga propeta. Ano ang bumubuo sa Bagong Tipan? Ito ay binubuo ng kautusan ng buhay at ng pagpapahid. Pinapalitan ng kautusan ng buhay ang kautusan ng mga titik, at pinapalitan ng pagpapahid ang mga propeta. Sa isang nakaraang mensahe, binanggit natin na ang kautusan ay ibinigay upang magpatotoo sa kalikasan ng Diyos at yaong ang mga propeta ay isinugo upang kumatawan sa Persona ng Diyos. Kaya, ang mga propeta ay nagsalita, nagsasabing, "Ganito ang sabi ng Panginoon." Sa kautusan mayroon tayong kalikasan ng Diyos, at sa mga propeta mayroon tayong Persona ng Diyos. ANG PRESENSIYA NG DIYOS Ano ang higit ninyong ninanais na taglayin—ng kalikasan ng Diyos o ang presensiya ng Diyos na kumakatawan sa Kanyang Persona? Itinuturing ng bawa't Kristiyano na mahal at mahalaga ang presensiya ng Diyos. Sa Kristiyanidad, may labis na pag-uusap hinggil sa presensiya ng Diyos. Sinabihan tayo na ang presensiya ng Diyos ay dapat na maging lahat-lahat sa atin at yaong dapat nating gawin ang lahat ng bagay sa presensiya ng Diyos. Sa Kristiyanidad, tinuturuan ang mga mananampalataya na mamuhay at lumakad sa presensiya ng Diyos, at maraming mga aklat ang naisulat na hinggil sa pamumuhay sa presensiya ng Diyos. Subali't saan kayo makahahanap ng isang aklat na nagsasabi sa inyong mamuhay ayon sa kalikasan ng Diyos? Kung mayroon tayong pahayag, higit nating nanaisin ang kalikasan ng Diyos kaysa sa preseniya ng Diyos. Maari akong mamuhay sa presensiya ng isang kapatid, iniibig siya at lumalakad na kasama siya. Gayunpaman, nananatili siyang isang Puti (Caucasian) at ako ay nananatiling isang Intsik na namumuhay sa presensiya ng isang Puti (Caucasian). Ano ang kahulugan nito? Wala. Ang mamuhay at lumakad lamang sa presensiya ng Diyos na wala namang kalikasan Niya nasa loob ninyo ay hindi gaanong makabuluhan. Sa loob ng ilang libong taon, ang mga anghel ay nangagsisilakad sa loob ng Diyos, subali't hindi sila kailanman nakasiya sa Kanya.Tanging isang bagay lamang ang makahihipo sa puso ng Diyos—ang magkaroon ng isang bayan na namumuhay at lumalakad ayon sa Kanyang kalikasan. Para sa isang pulgas na lumakad sa inyong presensiya ay walang kabuluhan, subali't para sa isang pulgas na mamuhay ayon sa inyong pantaong kalikasan ay makahulugan. Kaya, ang lumakad sa presensiya ng Diyos ay may kaunting na kahulugan, subali't ang mamuhay sa at sa pamamagitan ng Kanyang kalikasan ay may malaking kahalagahan. Gayunpaman, ang nalalaman ng karamihan sa mga Kristiyano ay ang presensiya lamang ng Diyos; hindi nila nalalaman ang Kanyang kalikasan.
Sapagka't alam lamang ng karamihan sa mga Kristiyano ang presensiya ng Diyos at hindi ang Kanyang kalikasan, madali para sa kanila ang maunawaan ang tungkol sa pagpapahid. Gayunpaman, mahirap para sa kanila ang makapasok sa kalikasan ng Diyos. Kamakailan, marami ang nagpapatotoo na dati-rati, naglingkod sila sa ekklesia sa pamamagitan ng organisasyon, subali't ngayon naglilingkod sila sa pamamagitan ng pagpapahid. Halimbawa, ang ilan ay nagsabi na pumunta sila upang maglinis ng bahay-pulungan sa pamamagitan ng pagpapahid. Ito ay kamangha-mangha. Gayunpaman, pagkatapos suguin ng pagpapahid upang linisin ang bahay-pulungan, sa pamamagitan ng anong buhay kayo naglilinis? Marahil naglilinis kayo sa pamamagitan ng inyong lumang buhay. Samantalang ang pagpapahid ay para sa pagkilos, ang kautusan ng buhay naman ay para sa pamumuhay. Kakaunting mga Kristiyano ang nagbibigay-pansin sa buhay. Kapag nakarinig sila ng mga bagay tungkol sa buhay, tumutugon sila na katulad ng mga Hudyo noong mga sinaunang panahon, na nagsasabing, "Matigas ang pananalitang ito, sino ang makariring nito?" (Juan 6:60). Subali't sa tuwing may isang dumarating na tagapagpanauli (revivalist) upang painitin (stir up) ang mga tao, sila ay naeeksayted. Ang pagpapahid ay para sa gawain, subali't ang kautusan ng buhay ay para sa katauhan. Hindi mahalaga sa Diyos kung ano ang ating ginagawa; pinahahalagahan Niya ang kung ano tayo. Inilalarawan ito ng tala ni Jacob sa aklat ng Genesis. Sa kanyang buong buhay, walang ginawa si Jacob. Bagaman wala Siyang ginawang natatanging gawain, palagi siyang nasa ilalim ng proseso ng pagtatransporma ng Diyos. Kahit na noong nasa loob pa siya ng sinapupunan ng kanyang ina, ginamit ng Diyos si Esau upang tuusin siya. Katulad ng natukoy na natin sa ilang mensahe ng pag-aaral pambuhay sa Genesis, kumilos ang kanyang pamilya bilang isang grupo upang transpormahin siya. Pagkatapos lisanin ni Jacob ang kanyang tahanan at nagtungo sa tahanan ng kanyang amaing si Laban, ang kamay ni Laban ay napasa kanya. Sa palagay ba ninyo, sayang ang buhay ni Jacob? Dapat bang may isang magtungo sa tahanan ni Laban at magsalita kay Jacob, na nagsasabing, "Jacob, bakit ba sinasayang mo ang buhay mo? Bakit hindi ka magpunta sa misyon o magtatag ng isang ekklesia? Bakit wala kang pag-aaral ng Bibliya sa iyong tahanan? Sinasayang mo ang iyong panahon sa pagtira rito sa ilalim ng kamay ni Laban." Subali't ang mga taong yaon ay hindi isang pag-aaksaya. Hindi nais ng Diyos ang inyong gawa. Magagawa Niya ang anumang bagay na ninanais Niya sa pamamagitan lamang ng pagsasalita. Tinatawag Niya ang mga bagay na hindi pa umiiral na umiiral na (Roma 4:17). Kung nais Niya ng isang bagay kailangan lamang Niyang sabihin ang salita at ito ay iiral. Hindi Niya kayo kailangan upang tulugan Siya. Subali't hindi basta masasabi ng Diyos na, "Jacob, kailangang maging Israel ka."dapat ikaw si Israel." Upang maging Israel si Jacob, nangangailangan ito ng isang mahabang proseso. Ito ay buhay. Tayong lahat ay dapat mapalaya mula sa gawa tungo sa buhay. Sa katunayan, hindi gaanong mahalaga kung mananatili ka sa bahay o magtutungo sa bahay-pulungan upang maglinis. Hindi ko sinasabing hindi dapat linisin ang pulungan. Ang sinasabi ko,ay yaong maging tayo man ay nananatili sa bahay, pumupunta sa bahay-pulungan, o pumapasok sa kalangitan ay bale-wala. Ang mahalaga ay kung ano tayo. Kung kayo ay mananatili sa bahay, dapat kayong manatili roon hindi lamang ayon sa pagpapahid, bagkus ayon din sa kautusan ng buhay. Ang ilang kapatid na lalake ay maaaring nagabayan ng pagpapahid na manatili sa bahay, subali't habang nasa bahay ay nakikipag-away naman sila sa kanilang asawa sapagka't hindi sila namumuhay ayon sa kautusan ng buhay. Kapag sila ay nasa bahay, maaaring nananalangin ang kanilang mga asawang-babae na, "Panginoon, kaawaan Mo ako at iligtas Mo ako. Ipadala Mo ang aking asawa sa bahay-pulungan. Ayaw kong tumigil siya rito sa bahay sapagka't masyado niya akong inaabala." Kapag ang gayong kapatid na lalake ay nasa bahay, inaabala niya ang kanyang asawa; at kapag siya ay pumupunta upang maglinis ng bahay-pulungan, inaabala niya ang mga kapatid. Saanman siya magtungo, may ginugulo siya sapagka't wala siyang pagbabago sa buhay. Isaalang-alang ninyo ang isang aso. Ang isang aso ay mang-aabala ng mga tao saanman ito pumunta. Huwag mong isipin na kung ang isang aso ay nasa isang maruming lugar, makakaabala ito sa kaninuman, subali't kung ito ay nasa salas (living room), hindi ito mang-aabala kaninuman. Ang kapaligiran ay maaaring magbago, subali't nananatiling pareho ang aso. Gayundin naman, nananatili man ako sa bahay o naglilinis ng bahay-pulungan, ako ay ako pa rin. Ang aking asawa ay maaaring takot sa pagtigil ko sa bahay, at ang mga kapatid ay maaaring takot sa pagpunta ko sa bahay-pulungan, na nagsasabing, "Mag-ingat kayo sa kapatid na ito. Huwag ninyo siyang pakikialaman. Napakarupok niya. Kung hahawakan ninyo siya, mababasag siya." Ang kapatid na ito ay maaaring mayroong pagpapahid, subali't hindi siya namumuhay ayon sa kautusan ng buhay. Ang kautusan ng buhay, hindi ang pagpapahid, ang nagpapabago sa atin.
Bagama't hindi tayo nababago ng pagpapahid, mayroon itong isang mabuting pangsyon. Una, pinagwiwikaan (rebukes) tayo nito, at pangalawa, sinasabihan tayo nitong bumalik sa kautusan ng buhay. Marahil, mali ang pagkakaunawa nating lahat sa 1 Juan 2:27, na nagsasabing "kung paanong kayo ay tinuturuan ng parehong pagpapahid hinggil sa lahat ng bagay."Hindi tayo tinuturuan ng pagpapahid na gumawa ng lahat ng bagay; tinuturuan tayo nitong manahan sa loob ni Kristo. Ang ilang kapatid ay maaaring nag-iisip kung mamimili (shopping) sila o hindi at sila ay nananalangin sa Panginoon, na nagsasabing, "O Panginoon, mag-shopping" ba ako o titigil na lamang sa bahay? Panginoon, bigyan Mo ako ng pagpapahid." Subali't maaaring sabihin ng Panginoon, "Hindi mahalaga sa Aking pagpapahid ang iyong pamimili o pananatili sa bahay. Pinahahalagahan lamang ng aking pagpapahid ang manahan ka sa Akin. Hangga't nananahan ka sa Akin, maaari kang pumunta kahit saan. Kung ikaw ay nanahan sa Akin, anuman ang gawin mo ay magiging maayos." Kung nananahan tayo kay Kristo, maaari tayong pumunta kahit saan. Subali't tandaan niyo itong mahalagang sugnay—"kung nananahan tayo kay Kristo." Hangga't nananahan tayo kay Kristo, hindi mahalaga sa Diyos saanman tayo pumunta o anuman ang ating ginagawa. Marami na nag-aalala hinggil sa pag-aasawa ang nananalangin sa Panginoon hinggil dito, na nagsasabing, "Panginoon, dapat ko bang pakasalan ang isang ito? Ang ilan ay makapagpapatotoo na bagama't nanalangin sila sa ganitong paraan, hindi kailanman sinagot ng Panginoon ang kanilang mga panalangin. Maraming kabataang kapatid na lalake ang nakapanalangin, na nagsasabing, "Panginoon, ipaalam Mo sa akin kung itong kapatid na babaeng ito ang mahal na isang pinili Mo para sa akin." Subali't lalong nananalangin nang ganito ang mga kapatid na lalake, lalo silang malilito. May alam akong ilang kapatid na babae na nanalangin nang sampung taon hinggil sa pag-aasawa nang hindi nakatanggap ng sagot. Kung sasagutin sila ng Panginoon, malamang na sasabihin Niyang, "Hindi mahalaga sa Akin ang tungkol sa iyong pag-aasawa. Ang pinahahalagahan ko lamang ay kung nananahan ka sa Akin o hindi. Kung nananahan ka sa Akin, maaari kang makapag-asawa. Subali't kung hindi ka nananahan sa Akin, hindi ka dapat magpakasal maging sa pinakamabuting kapatid na lalake." Ang tanging bagay na may halaga ay kung tayo ay nananahan o hindi sa loob ng Panginoon. Sa ekonomiya ng Diyos, ito ay hindi isang bagay ng ating paggawa: ito ay lubusang isang bagay hinggil sa ating katauhan. Ito ay isang bagay ng kung ano tayo. At ang kung ano tayo ay nakasalalay sa buhay na ipinamumuhay natin sa araw-araw. BINABAWI TUNGO SA KAUTUSAN NG BUHAY Noong mga sinaunang panahon, ang bayan ng Israel ay lumisan mula sa sentro, na siyang kautusan ng Diyos, at isinugo ng Diyos ang mga propeta upang ibalik sila. Sa ngayon, karamihan sa mga Kristiyano ay malayo mula sa sentro ng Diyos, na siyang kautusan ng buhay. Kaya, ang sulat na 1 Juan ay isinulat para sa mga napababang Kristiyano, tinatawag sila pabalik sa pagpapahid. Ang kautusan ng buhay ay isang pangunahing bagay. Sapagka't ito ay pangunahin, ito ay binanggit sa aklat ng Roma, isang aklat ng mga pangunahing pagtuturo. Sa kabaligtaran, ang pagpapahid ay hindi binanggit sa alinmang pangunahing aklat. Sa halip, ito ay binanggit sa isang aklat na tumutuos sa pagbaba, sapagka't maraming Kristiyano ang nagambala ng mga pagtuturo ng mga antikristo. Sa Unang Sulat ni Juan, sinabi ni Juan sa kanila na bigyang-halaga ang pagpapahid. Para bang sinasabi ni Juan na, "Sasabihin sa inyo ng pagpapahid kung ano ang gagawin at kung saan pupunta. Huwag makinig sa mga pagtuturo ng mga antikristo—sundin ang pagpapahid. Ibabalik kayo ng pagpapahid sa kautusan ng buhay." Ibinabalik tayo ng 1 Juan 2 sa Roma 8. Subali't kung tunay tayong namumuhay sa Roma 8, hindi na natin kailangan ang 1 Juan 2. Gayundin naman, kung hindi lumayo ang mga Israelita sa kautusan ng Diyos, wala na sanang pangangailangan pa para sa mga propeta. Mula ngayon, dapat tayong mamuhay ayon sa kautusan ng buhay at hindi lamang basta kumilos ayon sa pagpapahid. Ang Diyos ay nagbibigay-halaga sa Kanyang kalikasan, subali't ang Kanyang presensiya ay ang ating pananggalang. Ang kalikasan ng Diyos ay nasa loob natin, at dapat tayong mamuhay ayon dito. Nangangahulugan ito na dapat tayong mamuhay ayon sa kautusan ng buhay. Gayunpaman, adalas tayong magambala. Sa mga panahon ng pagkagambala, babantayan tayo ng presensiya ng Diyos, oobserbahan tayo, at babalaan tayo. Kung lilihis tayo mula sa kautusan ng buhay, sasabihin ng pagpapahid na, "Hindi!" Pagkatapos nating magsabing, "Panginoon, nagsisisi ako," sasabihin sa atin ng pagpapahid na bumalik sa kautusan ng buhay. Sa isang naunang mensahe, sinabi ko na dapat tayong mamuhay ayon sa kautusan ng buhay at kumilos ayon sa pagpapahid. Sinasagisag ng pagpapahid ang presensiya ng Diyos na gumagabay sa atin, nagwawasto sa atin, at nagdadala sa atin pabalik sa Kanyang kalikasan. Dapat tayong mamuhay ayon sa kautusan ng buhay. Nangangahulugan ito na dapat tayong mamuhay at lumakad ayon sa kalikasan ng Diyos. Bakit madaling unawain ang pagpapahid subali't mahirap makapasok sa kautusan ng buhay? Madaling makilala ang isang kapatid na lalake sa pamamagitan ng kanyang presensiya. Kahit sa isang saglit na sulyap, madali nating makikilala ang kanyang presensiya. Subali't nangangailangan ng maraming panahon upang makapasok sa kanyang kalikasan. Marahil ang kanyang asawang-babae, na nakasama na niya nang maraming taon, ang tanging nakapasok sa kanyang kalikasan. Maaaring kilala natin ang mukha ng kapatid na lalakeng ito, subali't hindi natin alam ang kanyang kalikasan. Sa gayunding paraan, madaling matalastas ang presensiya ng Diyos, subali't mahirap malaman ang Kanyang kalikasan sa ating katauhan. Ang basta lamang sabihin sa mga tao na lumakad sa presensiya ng Diyos ay natural at makarelihiyon. Hindi ito buhay. Subali't ang alamin ang kalikasan ng Diyos sa loob ng ating katauhan at ang mamuhay ayon dito ay lubhang malalim. Ito ang ninanais ng Diyos. ANG BINIBIGYANG-PANSIN NG DIYOS Hindi binibigyang-pansin ng Diyos kung ano ang ating ginagawa; binibigyang-pansin Niya kung ano tayo ayon sa Kanyang kalikasan na nasa loob natin. Hindi Siya gaanong nagbibigay-pansin sa kung ano ang sinasabi natin sa ating mga asawang-babae, subali't nagbibigay-pansin Siya sa buhay na ipinanalita natin sa kanila. Ayon sa anong kalikasan kayo nagsasalita sa inyong asawang-babae? Paminsan-minsan maaaring nasasabi ninyong, "Mahal, iniibig kita." Ito ay isang mabuting salita, subali't sa pagsasabi nito maaaring namumulitika kayo. Anumang uri ng pulitikal na pagsasalita, maging ito ay tungkol sa pag-ibig, ay katulad ng bulok na pulot sapagka't nagmumula ito sa ating bulok na kalikasan. Hindi ito nagmumula sa dibinong kalikasan sa inyong katauhan. Gayundin naman, hindi mahalaga sa Diyos kung kayo ay pupunta sa misyon o hindi. Binibigyang-halaga Niya ang buhay na ipinantutungo ninyo sa misyon. Hindi ako nagpupunta sa alinmang makasalanang lugar, sapagka't ayaw kong pahintulutang pumunta ng dibinong kalikasan na nasa aking katauhan. Hindi ako namumuhay ayon sa relihiyon o mga regulasyon; namumuhay ako ayon sa dibinong kalikasan na nasa loob ng aking katauhan. Kapag tayo ay namumuhay araw-araw ayon sa dibinong kalikasan, tayo ay malalalinan ng Kristo at matatransporma tungo sa Kanyang larawan. Sa loob ng dalawampung taon na siya ay nasa tahanan ni Laban, walang ginawa si Jacob ngunit siya ay dumaan sa napakaraming transpormasyon. Si Jacob ay hindi kaagad natransporma; nangailangan pa ng mahigit sa dalawampung taon. Sa paglilingkod sa ekklesia, hindi ito basta isang bagay ng paglilingkod ayon sa pagpapahid at ng hindi paglilingkod ayon sa organisasyon. Kung ang ating paglilingkod ay basta ganito lamang, hindi magtatagal ay mag-aaway-away tayo. Maaaring maging sa paglilinis ng mga upuan ay mag-away tayo. Maaaring sabihin ng isang kapatid na lalake, "Hindi mo ba alam na teritoryo ko ito? Huwag mo itong gagalawin at huwag mo akong abalahin. Pumunta ka sa ibang lugar upang maglinis." Ang paraan ng kapatid na ito sa paglilinis ay ayon sa kanyang bulok na kalikasan. Bagama't maaaring ipinadala siya ng pagpapahid, naglilinis siya ayon sa kanyang natisod na kalikasan. Ang pagsunod sa pagpapahid ay hindi kasing halaga ng pamumuhay ayon sa kautusan ng buhay. Maaaring lahat tayo ay mapadala ng pagpapahid upang maglinis ng bahay-pulungan, subali't wala pa ring anumang pagtatayo sa gitna natin. Bawa't isa ay maaaring maging malaya (independent), na nagsasabing, "Huwag mo akong pakialaman. Tayo ay nasa bagong paglilingkod ng ekklesia. Sa lumang paglilingkod mayroong tayong isang kaayusan at isang pagkakasunud-sunod. Ayon sa kaayusang yaon, ako ang huli at hindi maaaring magsalita ng anuman. Subali't ngayon, ako ay katulad ninuman. Huwag mong sabihin sa akin kung ano ang gagawin. Wala akosa ilalim mo—ako ay nasa ilalim ng pagpapahid." Kung ang saloobing ito ay hindi kaagad lalabas, lalabas ito pagkaraan ng ilang linggo. Ang isang kapatid na lalake na nagsasabing sumusunod siya sa pagpapahid subali't hindi namumuhay ayon sa kautusan ng buhay ay maaaring magsabing, "Tayo ay wala sa organisasyon—tayo ay nasa organismo." Subali't ito ang "organismo" ng isang bulok na kalikasan. Kung tayo ay namumuhay sa ganitong paraan, hindi magkakaroon ng pagtatayo. Hindi ako makakita ng isang bersikulo sa Bagong Tipan na nagsasabing ang pagtatayo ay nagmumula sa tinatawag na pagpapahid. Subali't sa Roma at Efeso makikita natin na ang pagtatayo ay nagmumula sa paglago sa buhay. Lalo tayong lumalago, lalo tayong makakakita ng pagtatayo. Paano tayo lalago sa buhay? Sa pamamagitan ng pagsunod sa pagpapahid na nagtuturo sa ating manahan kay Kristo.Ang manahan kay Kristo ay ang mamuhay ayon sa Kanyang kalikasan. Ang Kanyang kalikasan ay gumagawa at kumikilos sa loob natin. Katulad ng nakita na natin, ang pagpangsyon ng kautusan ng buhay ay ang kautusan ng buhay. Lalo tayong namumuhay ayon sa kautusan ng buhay na ito, lalo tayo nagiging ang uri ng tao na ninanais ng Diyos. ANG KAGANAPAN NG GAWAIN DIYOS Ayon sa Bibliya sa buong itinagal ng mga siglo, ang gawain ng Diyos ay mapapasukdol sa Bagong Herusalem. Hindi ito mapapasukdol sa isang gawain, sapagka't hindi magkakaroon ng anumang gawain sa Bagong Herusalem. Ang Bagong Herusalem ay magiging isang nilalang na nagtataglay ng larawan ng Diyos. Kaya, ang mismong katauhan ng Bagong Herusalem ay magiging kahayagan ng Diyos. Ang buhay-ekklesia ngayon ay dapat na maging isang maliit na larawan ng Bagong Herusalem. Hindi natin dapat lubhang pahalagahan ang gawain,
subali't dapat nating pahalagahan nang husto ang ukol sa ating katauhan,
ang kung ano tayo ayon sa kalikasan ng Diyos sa loob natin. Nais kong
makarinig ng isang kapatid na lalake o babae na nagpapatotoo, na nagsasabing,
"Nagpapasalamat ako sa Diyos na nitong mga nakaraang araw ako ay
namumuhay ayon sa panloob na kautusan ng buhay. Kagabi ako ay nagambala
mula sa kautusan ng buhay, subali't siniyasat ako ng pagpapahid at sinabi
sa aking bumalik sa dibinong kalikasan na nasa loob ko. Pagkaraan ng
ilang minuto, bumalik ako, at ngayon, muli akong namumuhay ayon sa kautusan
ng buhay." Nais ko ring makarinig ng isang kapatid na lalake na
nagpapatotoo, na nagsasabing, "Ngayong umaga, sinimulan kong magsalita
sa aking asawa sa isang maganda, subali't namumulitikang paraan, subali't
dahil sa ang aking pananalita ay hindi tumugma sa kalikasan ng Diyos
sa loob ko, ni hindi ako makakumpleto ng isang pangungusap." Matutong
mamuhay ayon sa kautusan ng buhay. Ang pagpapahid ay ang presensiya
ng Diyos upang gabayan tayo, ituwid tayo, at ibalik tayo sa kautusan
ng buhay. Ang kautusan ng buhay ang gumagawa sa atin upang tayo ay transpormahin.
Kung ang mga kapatid na sa mga ekklesia ay namumuhay ayon sa dibinong
kalikasan ng Diyos na nasa loob ng kanilang katauhan, ang Panginoon
ay magkakaroon ng isang nananaig na patotoo sa lupa ngayon. Hihiyain
ng patotoong ito ang kaaway at ibabalik ang Panginoon. Ito ang hinihintay
ng Panginoon. Dapat nating makitang lahat na hindi ito basta isang bagay
ng pagsunod sa pagpapahid; ito ay lubusang isang bagay ng pamumuhay
ayon sa kautusan ng buhay, ayon sa pagpapangsyon ng dibinong kalikasan
ng Diyos na nasa loob ng ating katauhan. Habang ang kalikasan ng Diyos
ay gumagawa sa loob natin, ginagawa tayo nitong eksaktong katulad Niya,
tinatransporma tayo at iwinawangis tayo tungo sa larawan ng Panganay
na Anak ng Diyos. Sa ganitong paraan, magkakaroon ang Diyos ng kumpletong
pagka-anak para sa Kanyang sama-samang kahayagan.
|