PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE ANIMNAPU'T SIYAM

ANG PANGSYON NG KAUTUSAN NG BUHAY

Sa tabernakulo makikita natin ang isang malinaw na larawan ng pagpapahid at kautusan ng buhay. Ang pagpapahid ay nasa tabernakulo, sapagka't ang tabernakulo at lahat ng naririto ay pinahiran ng langis (Exo. 40:9). Katulad ng nakita na natin, ang nasa pinakaloob na aytem ng tabernakulo ay ang mga tapyas ng bato ng kautusan, ang patotoo ng kautusan. Sa pamamagitan ng larawang ito, nakikita natin na ang pagpapahid ay nasa labas subali't ang kautusan ng buhay ay nasa loob. Sa Lumang Tipan, ang pagpapahid ay para sa pagpapasinaya (inauguration) tungo sa pagpangsyon. Halimbawa, may isang dambana sa labas na looban, subali't bago ito napahiran, hindi ito makapagpapangsyon. Gayundin naman, bagama't ang tabernakulo ay naitayo na, hindi ito makapagpapangsyon hangga't hindi ito napapahiran. Kaya, ang pagpapahid ay hindi isang bagay ng buhay ni ng kalikasan; ito ay isang bagay ng pagpapasinaya (inauguration) para sa pagpapangsyon. Sa tuwing kayo ay napapahiran, kayo ay pinasisinayaan tungo sa inyong pangsyon.

Ang kautusan ay hindi ipinahid sa ibabaw ng tabernakulo; ito ay inilagay sa sentro nito. Sa sentrong bayan ng Diyos, ang mga anak ni Israel, ay naroroon ang tabernakulo na pinalilibutan ng isang dingding ng mga linong tabing. Sa loob ng tabernakulo ay naroon ang Dakong Banal, sa loob ng Dakong Banal ay naroon ang Dakong Kabanal-banalan, sa loob ng Dakong Kabanal-banalan ay naroon ang kaban, at sa loob ng kaban ay naroon ang puso ng sansinukob, ang dako kung saan naroon ang Diyos. Noong mga sinaunang panahon, hindi hiniling ng Diyos sa mga tao na gumawa ni lumahok sa ilang gawain; hinilingan Niya silang mamuhay at lumakad ayon sa kautusan.

Kung ang sinuman ay hindi wasto sa kautusan, siya ay hindi wasto sa Diyos. Ang Diyos ay ang Diyos ng mga anak ni Israel ayon sa kautusan, at sila ay Kanyang bayan ayon sa kautusan. Sa Bagong Tipan, ang pagpapahid ay binanggit nang maraming beses. Halimbawa, sa Lucas 4:18 sinabi ng Panginoong Hesus na Siya ay pinahiran upang ipahayag ang ebanghelyo, at sinasabi sa Hebreo 1:9 na ang Panginoon ay pinahiran ng langis ng kagalakan. Si Apostol Juan ay maraming beses ding nagsalita ukol sa pagpapahid (Juan 9:6; 1 Juan 2:20, 27). Binabanggit din ng Bagong Tipan ang panloob na kautusan ng buhay na nagmumula sa kalikasan ng Diyos. Sa Bagong Tipan, ang dibinong buhay ay tinukoy ng higit sa isandaang beses. Ang dibinong buhay na ito ay naibahagi na tungo sa loob ng ating katauhan. Binibigyang-pansin ng karamihan sa mga Kristiyano ang panlabas na pagpapahid, subali't kinalilimutan ang panloob na kautusan ng buhay. Marami roon sa mga tinatawag na kilusang Pentecostal ang nagsasalita tungkol sa pagpapahid. Bagama't maaring nararanasan nila ang pagpapahid na nasa ibabaw ng tabernakulo, hindi sila pumapasok sa kaban na nasa Dakong Kabanal-banalan at hindi nahihipo ang mga tapyas ng bato ng kautusan.

Ang ating mga mata ay dapat na mabuksan upang makita na ang pagbabawi ng Panginoon ay hindi gaanong nag-uukol ng pansin sa pagpapahid. Gaya ng sa kautusan ng buhay. Sa Bagong Tipan ang pagpapahid ay binanggit nang kulang sa dalawampung beses, samantalang ang buhay ay binanggit ng higit pa sa isandaang beses. Maraming mga Kristiyano ang pamilyar sa mga bersikulong katulad ng Galacia 2:20, na nagsasabing, "Hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin," at ng Galacia 4:19, na nagsasabing, "Mga anak ko, na muli kong ipinagdaramdam sa panganganak hanggang si Kristo ay maihubog sa loob ninyo." Bagama't maraming Kristiyano ang nakaalam ng mga bersikulong ito, hindi nila ito binibigyang-pansin. Sa halip, inuukol ng mga Pentecostalista ang kanilang pansin sa mga pagpapakita ng mga kaloob. Sa Kanyang pagbabawi, muli't muli tayong ibinabaling ng Panginoon mula sa panlabas tungo sa panloob.

ANG PANGANGAILANGANG MAHIPO SI KRISTO MISMO

Bagama't tayo ay ligtas na at nasa buhay-ekklesia, marami pa rin sa atin ang nasa labas na looban ng ekklesia. Baka nga ang ilan ay wala pa sa labas na looban, kundi nasa daanan sa labas na looban. Ang iba naman ay malayu-layo na ang narating kaysa sa labas na looban, nakadaan na sa dambana at sa hugasan tungo sa loob ng Dakong Banal kung saan natatamasa nila si Kristo bilang ang dulang ng tinapay at ang patungan-ng-ilawan, bilang ang panustos buhay at ang ilaw ng buhay. Salamat sa Panginoon na marami sa atin ang nagtatamasa kay Kristo sa ganitong paraan. Gayunpaman, ito ay sa Dakong Banal pa rin lamang. Dapat tayong magsilapit at magsipasok sa Dakong Kabanal-banalan. Sa Dakong Kabanal-banalan, nahihipo natin ang kaban, si Kristo Mismo. Ang natatagong manna, ang umusbong na tungkod, at ang kautusan ng buhay ay pawang nasa loob ni Kristo. Gaano natin kailangang mahipo si Kristo Mismo! Ngayon, si Kristo ay nasa Dakong Kabanal-banalan.

Isinasagisag ng Dakong Kabanal-banalan na ang ating espiritu ay naiugpong na sa langit, sapagka't ang mismong Persona ni Kristo ang hagdan na nag-uugpong ng lupa sa langit at nagdadala ng langit pababa sa lupa (Juan 1:51). Kung patuloy nating hihipuin si Kristo sa ating espiritu, matatamasa natin Siya bilang ang natatagong manna at bilang ang umusbong na tungkod. Pagkatapos, ang ating pang-araw-araw na buhay at paglakad, ay hindi naaayon sa anumang pagtuturo, paggawa, gawain, o pagkilos, kundi ayon sa kautusan ng buhay, ang pangsyon ng kalikasan ng Tres-unong Diyos. Ang kalikasan ng Diyos ay kumikilos ngayon at gumagawa sa loob natin, idinaragdag ang elemento ni Kristo tungo sa loob ng ating katauhan, tinatransporma tayo, at ibinubunga ang maraming mga anak-na-lalake na ninanais ng Diyos.

ANG DIBINONG KAPANGANAKAN

Ang karamihan sa mga Kristiyano ay wala sa sentro. Nang ako ay bata pa, marami akong nabasang mga aklat hinggil sa pananagumpay laban sa kasalanan. Ang mga aklat na yaon ay nagpakita ng iba't ibang paraan upang madaig ang kasalanan. Gayunpaman, kailanman ay wala ni isa sa mga paraang yaon ang naging mabisa. Sa katapus-tapusan, natuklasan ko ang isang mahalagang salita sa 1 Juan 3:9: "Ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi gumagawa ng kasalanan, sapagka't ang Kanyang binhi ay nananahan sa Kanya, at siya ay hindi maaaring magkasala, sapagka't siya ay ipinanganak ng Diyos." Kung tayo man ay nagkakasala o hindi ay nakasalalay sa kung tayo ay ipinanganak o hindi ng Diyos. Siya na ipinanganak ng Diyos ay hindi kailannman nagkakasala. Higit pa rito, sinasabi sa 1 Juan 5:4 na, "Sapagka't ang bawa't bagay na ipinanganak ng Diyos ay dumaraig sa sanlibutan." Kaya ang pananaig sa kasalanan at sa sanlibutan ay hindi nakasalalay sa isang paraan (method); nakasalalay ito sa kapanganakan ng Diyos. Noong tayo ay ipinanganak ng Diyos, ang dibinong buhay kasama ang kalikasan at kautusan nito ay naibahagi tungo sa ating katauhan. Hangga't nasa atin itong dibinong buhay kasama ang kalikasan nito at ang kautusan nito, lahat ng bagay ay magiging maayos.

ANG NAGHUHUGIS NA PANGSYON NG KAUTUSAN NG BUHAY

Sa pag-unawa sa Bibliya, lubha tayong naimpluwensiyahan ng ating mga natural na konsepto. Noong nakaraan, sinabi ko na ang pangsyon ng kautusan ng buhay ay ang pamahalaan tayo. Ayon sa konseptong ito, kung tayo at makikipagtalo na sa ating asawang-babae, pamamahalaan tayo ng kautusan ng buhay. Ang pagtuturong ito, na ayon sa ating natural na konsepto, ay hindi eksakto.

Tingnan ninyo ang isang puno ng mansanas. Ang buhay ng punong mansanas na ito ay may kalikasan ng punong mansanas, at mula sa kalikasan nitong punong mansanas ay mayroong kautusan ng buhay ng mansanas. Pinamamahalaan ba ng kautusan ng buhay na nasa punong mansanas ang punong mansanas mula sa pagiging mali? Tiyak na hindi. Ang kautusan ng buhay na nasa punong mansanas ay hindi nagpapangsyon sa ganitong paraan. Kung gayon, paano ito nagpapangsyon? Habang lumalago ang buhay ng isang punong mansanas, hinuhugis ng kautusan nito ang hugis ng buhay nito. Kaya, kapag ang isang punong mansanas ay namunga, namumunga ito ng may wastong hugis, ang hugis ng mga mansanas. Gayundin sa isang puno ng milokoton. Kaya nga, hindi tayo pinamamahalaan ng kautusan ng buhay ukol sa paggawa ng mali; ang pinamamahalaan nito ay ang hugis ng buhay. Kung ang isang uri ng buhay ay hindi lumalago, ang kautusan ng buhay na yaon ay hindi makapagpapangsyon. Ang kautusan ay gumagawa lamang habang ang buhay ay lumalago. Ang kautusan ng buhay ay hindi pangunahing nagpapangsyon sa negatibong pakahulugan ng pagsasabi sa atin kung ano ang hindi dapat gawin. Hindi, sa halip habang ang buhay ay lumalago, ang kautusan ng buhay ay nagpapangsyon sa positibong pakahulugan ng paghuhugis sa atin, yaon ay iwinawangis tayo sa larawan ni Kristo. Ito ang pangsyon ng kautusan ng buhay. Huwag isiping palagi kayong itutuwid ng kautusan ng buhay. Halimbawa, kapag kayo ay makikipagtalo na sa inyong asawang-babae, hindi lamang kayo basta pagbabawalan ng kautusann ng buhay mula sa pakikipagtalo sa kanya. Ang paggawa ng kautusan ng buhay ay hindi kasing baba ng inaakala natin. Dahil sa ang ating pantao, likas, at makarelihiyong konsepto, lubha nating pinababa ang pangsyon ng kautusan ng buhay. Lahat tayo ay nakasentro sa kasalanan at nagbibigay-pansin sa kasalanan, subali't hindi tayo dapat na maging nakasentro sa kasalanan ni magbigay-pansin sa kasalanan. Bagama't naookupahan tayo ng pagdaig sa kasalanan, sa sanlibutan, sa ating pangit na laman, at ating masasamang pag-uugali, sasabihin ng Diyos, "Kalimutan ninyo ang mga bagay na ito! Hindi ba ninyo natatanto na nang araw na kayo ay isinilang-na-muli, kayo ay nailipat na mula sa isang kinasasaklawan tungo sa isa pa. Maaari bang kalimutan na ninyo ang tungkol sa lumang kinasasaklawan?" Purihin ang Diyos na tayo ay ipinanganak Niya! Ang dibinong kapanganakang ito ang naglipat sa atin tungo sa isang bagong kinasasaklawan, isang kinasasaklawan kung saan ay wala nang kasalanan, sanlibutan o laman. Sa kinasasaklawang ito ay mayroong pangsyon ng kautusan ng buhay. Tandaan na ang kautusan ng buhay ay hindi pangunahing namamahala sa atin; ito ay pangunahing naghuhugis sa atin, iwinawangis tayo sa larawan ni Kristo. Noong nakaraan, nakita ko itong bagay ng kautusan ng buhay, subali't sa dahil ako ay nasa ilalim ng impluwensiya ng aking natural na pang-unawa, inakala ko na ang pangsyon ng kautusan ng buhay ay pangunahing upang pamahalaan tayo. Ang natural na pang-unawang ito ang humadlang sa pangitain ng pangsyon ng kautusan ng buhay. Kamakailan, pinagwikaan ako ng Panginoon. Tinanong ako ng Panginoon, "Sino ang nagsabi sa iyong kautusan ng buhay ay pangunahing namamahala?" Hindi ka makakikita ng gayong salita sa Bibliya. Bakit hindi mo gamitin ang mga salita ng Roma 8:2 at 29?" Ang kautusan ng buhay sa Roma 8:2 ay hindi namamahala sa atin mula sa pagiging mali. Ang konseptong ito ay ayon sa ating pantao, likas, etikal at makarelihiyong pang-unawa. Kailangan natin ang pangitain ng Roma 8:29. Tayo ngayon ay nasa ibang kinasasaklawan at hindi nangangailangan ng anumang mga regulasyon. Sa kinasasaklawang ito ay walang kasalanan, sanlibutan, laman o sarili. Tingnan ninyo ang dalawang puno, ang puno ng mansanas at ang puno ng milokoton. Ang mga ito ay walang kasalanan sanlibutan, laman, o sarili. Subali't ang mga punong ito ay may isang kautusan ng buhay na naghuhugis sa kanila. Itong paghuhugis ng kautusan ng buhay ay ang kahulugan ng salitang "mapawangis" sa Roma 8:29. Iwinawangis tayo ng kautusan ng Espiritu ng buhay tungo sa larawan ng Panganay na Anak ng Diyos. Habang lumalago ang buhay, iwinawangis tayo ng kautusan tungo sa larawan ni Kristo. Paano mahuhubog si Kristo sa atin? Sa pamamagitan lamang ng positibong paggawa ng kautusan ng buhay na naghuhugis sa atin tungo sa Kanyang hubog. Anong kaibahan sa pagitan ng realidad na ito at ng ating natural na konsepto!

Si Satanas ay tuso. Bagama't malinaw na sinasabi sa atin ng Bibliya ang pangsyon ng kautusan ng buhay, tayo ay nabulag ng ating natural na konsepto. Maraming banal na naghahanap sa Panginoon, subali't nabulag ng kanilang natural na konsepto, ang sumulat ng mga aklat tungkol sa kung paano madaig ang kasalanan. Kung hindi ninyo susubukang daigin ang kasalanan, malamang na mananatili ito sa inyo. Subali't kung susubukin ninyong daigin ito, sasabihin nitong, "Ano! Sinusubukan ba ninyong gapiin ako?" Marami sa atin ang may ilang kahinaan. Kung hindi natin bibigyang-pansin ang mga ito, mananatili ang mga itong nakatigil at nakapirmi.

Subali't kung nalalaman natin ang mga ito at alang-alang sa ating kabanalan, ay susubuking daigin ang mga ito, babangon ang mga ito at tatalunin tayo. Pinakamabuti na para sa atin ang hindi hipuin ang mga ito. Purihin ang Panginoon na tayo ay nagkakarooon ng isang bagong kapanganakan, isang dibinong kapanganakan. Sa bagong kapanganakang ito ay walang mga kahinaan. Mayroon lamang dibinong buhay na may dibinong kalikasan at dibinong kautusan na naghuhugis sa atin at nagwawangis sa atin tungo sa larawan ni Kristo. Gayunpaman, itong paghuhugis ay nangangailangan ng paglago sa buhay sapagkat ang kautusan ng buhay ay nagpapangsyon lamang habang ang buhay ay lumalago. Hindi tayo pinamahalaan ng kautusan ng buhay mula sa kasalanan, sapagka't wala ito sa kinasasaklawan ng kasalanan; ito ay nasa kinasasaklawan ng dibinong buhay kung saan walang kasalanan, sanlibutan, laman, o sarili. Habang lumalago ang buhay, ang kautusang ito ay gumagawa, hindi upang pamahalaan o ituwid tayo, kundi upang pangunahing ihugis tayo, upang iwangis tayo sa larawan ng Panganay na Anak ng Diyos. Sa katapus-tapusan, sa pamamagitan ng pangsyon ng kautusan ng buhay, tayong lahat ay magiging mga gumulang na anak-na-lalake ng Diyos, at ang Diyos ay magkakaroon ng Kanyang pansansinukob, at sama-samang kahayagan.

ISANG PAGTATAPOS NA SALITA

Ang layunin ng Diyos ay ang magbunga ng maraming anak upang Siya ay magkaroon ng Kanyang ganap, at sama-samang kahayagan. Ito ang natatanging gol ng dibinong ekonomiya ng Diyos. Ang Kanyang Bugtong na Anak, na Siyang hayag na larawan ng Kanyang substansiya at ang ningning ng Kanyang kaluwalhatian (1:3), ay naging isang tao upang ideklara Siya at upang ihayag Siya sa pantaong buhay. Sa Kanyang pagkatao, si Kristo, ang Bugtong na anak ng Diyos, ay inihayag ang Diyos. Sa Kanyang pagkatao Siya rin ay pamamagitan ng pagkabuhay-na-muli upang maging ang Panganay na Anak ng Diyos na may kapwa pagka-Diyos at pagkatao. Ngayon, bilang ang Panganay na Anak ng Diyos na may pagka-Diyos at pagka-tao, si Kristo ang modelo, ang tularan, para sa isang pangmaramihang paggawa (mass production). Sa pamamagitan ng Kanyang pagkabuhay-na-muli, lahat ng mga nananampalataya sa Kanya ay mga naisilang-na-muli rin upang maging maraming anak ng Diyos. Tayo, ang maraming anak ng Diyos, na maraming kapatid ng Panganay na Anak ng Diyos, ay yaong mga bumubuo ng ekklesia. Ang Panganay na Anak ng Diyos ay napasakdal at naluwalhati na, at Siya ngayon ang Tagabunsod na nakapasok na sa kinasasaklawan ng kaluwahatian. Siya rin ang Pinuno ng ating kaligtasan na nakipagbaka sa labanan at Siyang nangunguna upang dalhin tayo, ang Kanyang maraming kapatid, tungo sa Kanyang kaluwalhatian. Ngayon, sa mga kalangitan bilang ating Mataas na Saserdote, Siya ay naghahain tungo sa Kanyang mga mananampalataya ng kung anuman Siya, ng kung anuman ang naisagawa na Niya, at kung anuman ang natamo na Niya. Ang Kanyang ministeryo sa mga kalangitan ay isang lalong magaling na ministeryo, na may isang lalong ekselenteng ministeryo (8:6), sapagka't sa pamamagitan nito, inihahain Niya sa atin sa loob ng Kanyang pagkabuhay-na-muli, ang lahat ng kung ano Siya at ang lahat ng nagawa Niya. Sa isang banda, Siya ay nasa mga kalangitan bilang ang Mataas na Saserdote na naghahain ng buhay sa loob natin, at, sa kabilang banda, Siya, bilang ang Espiritung nagbibigay-buhay, ay nasa loob ng ating espiritu ngayon upang maging ating buhay. Sa buhay na ito na nasa loob natin, na Siyang kamangha-manghang Kristo Mismo, ay naroroon ang kautusan ng dibinong buhay na palagiang gumagawa at nagpapangsyon sa kalaliman ng ating katauhan.

Ayon sa sagisag, ang kautusan ay ang patotoo ng Diyos, sapagka't ang kautusan ay ang kahayagan ng kung ano ang Diyos. Ang kautusang ito ay inilagay sa loob ng kaban na nasa Dakong Kabanal-banalan ng tabernakulo, ang pinananahanang-lugar ng Diyos. Sinasabi sa atin ng aklat ng Hebreo na tayo ang maraming kapatid ng Panganay na Anak ng Diyos (2:11), na tayo ang ekklesia (2:12), na tayo ang mga kasama ng itinalaga at pinahirang Isa ng Diyos (1:9; 3:14), at yaong tayo rin ang bahay ng Diyos (3:6). Ang bahay ng Diyos ay katumbas ng pinananahanang-lugar ng Diyos na isinasagisag ng tabernakulo kung saan naroroon ang Dakong Kabanal-banalan. Kaya, tayo, ang maraming kapatid ng Panganay na Anak ng Diyos, ang ekklesia, ang mga kasama ng itinalaga at pinahirang Isa ng Diyos, at ang bahay ng Diyos, ay ang tunay na pinananahanang-lugar ng Diyos ngayon. Sa pinananahang lugar na ito, naroroon ang Dakong Kabanal-banalan. Itong Dakong Kabanal-banalan ay ang ating naisilang-na-muling pantaong espiritu na nakaugpong sa mga kalangitan kung saan naroroon ang naluwalhating Panganay na Anak ng Diyos.

Si Kristo ngayon ay kapwa nasa mga kalangitan at nasa ating espiritu. Sa mga kalangitan, Siya, bilang ang Mataas na Saserdote sa Kanyang makahari at dibinong pagkasaserdote, ay naghahain sa loob natin ng lahat ng kung ano Siya at lahat ng nagawa Niya. Sa ating espiritu, Siya ay gumagawa sa loob natin bilang ang Espiritung nagbibigay-buhay kasama ang kautusan ng buhay. Kaya, ang Kanyang ministeryo sa mga kalangitan at ang Kanyang paggawa sa ating espiritu ay tumutugma sa isa't isa. Ang Kanyang ministeryo sa mga kalangitan ay isinasagawa sa pamamagitan ng Kanyang pagpapangsyon, ng Kanyang paggawa, sa ating espiritu. Anuman Siya at anuman ang nagawa Niya ay inilalalin ngayon tungo sa loob natin sa pamamagitan ng paggawa ng kautusan ng buhay sa ating espiritu.

Sa pamamagitan ng malinaw na larawan na ipinakita ng lahat ng mga kasangkapan sa taberbakulo, makikita natin na ang layunin ng pagdaranas nitong kamangha-mangha Kristo ay ang dalhin tayo tungo sa loob ng Dakong kabanal-banalan upang tayo ay lubos na makabahagi sa pagpangsyon ng kautusan ng buhay. Katulad ng nakita na natin, una muna nating nararanasan si Kristo bilang ating katubusan sa dambana sa labas na looban. Pagkatapos nito, nararanasan natin Siya bilang ang naghuhugas at naglilinis na Espiritu sa hugasan. Dinadala tayo nito sa Dakong Banal kung saan natin matatamasa si Kristo bilang ating tinapay sa dulang, ang tinapay ng buhay, at bilang ating patungan-ng-ilawan, ang ilaw ng buhay. Kasunod nito, nararanasan natin si Kristo bilang ang dambana ng insenso na sa pamamagitan nito ay nadadala tayo tungo sa Dakong Kabanal-banalan. Dito sa Dakong Kabanal-banalan, natatamasa natin si Kristo bilang ang natatagong manna at ang tungkod na umuusbong. Sa pamamagitan ng pagtatamasang ito, tayo ay maaaring ganap na makabahagi sa kautusan ng buhay. Tangi lamang dito sa Dakong kabanal-banalan yaon ay, sa ating naisilang-na-muling pantaong espiritu, na tayo ay lubusang makababahagi sa pagpapangsyon ng kautusan ng buhay. Ang pagpapangsyon ng kautusan ng buhay ay hindi pangunahing ang pamahalaan tayo mula sa paggawa ng mali, kundi ang iwangis tayo tungo sa larawan, sa hubog, ng Panganay na Anak ng Diyos upang tayo ay maging katulad ng modelo.

Ang aklat ng Hebreo ay napakalalim. Malalim ito sa pahayag nito ukol kay Kristo bilang ang itinalaga at pinahirang Isa ng Diyos, bilang ang Tagapagbunsod tungo sa kinasasaklawan ng kaluwalhatian, bilang ang Pinuno ng kaligtasan na nagdadala ng Kanyang maraming kapatid tungo sa Kanyang kaluwalhatian, at bilang ang Mataas na Saserdote sa Kanyang makahari at dibinong pagkasaserdote na naghahain ng lahat ng kung ano Siya sa Kanyang pagka-Diyos at pagka-tao at lahat ng natamo Niya tungo sa Kanyang mga kapatid upang gawin silang reproduksyon (pinaraming kopya) ng Kanyang Sarili upang ang Diyos ay magkaroon ng Kanyang sama-samang kahayagan. Ang aklat ng Hebreo ay malalim din sa paglalahad nito ng katunayan na ang kamangha-manghang Kristong ito ay nakaugpong ngayon sa ating espiritu, na siyang ang mismong Dakong Kabana-banalan ng pinananahanang-lugar ng Diyos ngayon, upang maging ating buhay kasama ang kautusan ng buhay na kumikilos at gumagawa upang iwangis tayo tungo sa Kanyang larawan. Ito ang pinakamahalagang punto sa buong aklat ng Hebreo. Ito ang mahalagang pokus sa pagdaranas kay Kristo na inihayag sa aklat na ito. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi sa 4:12 na ang ating pantaong espiritu ay dapat na maihiwalay sa ating kaluluwa upang makapasok tayo sa Dakong Kabanal-banalan upang mahipo ang trono ng biyaya at matamasa ang biyaya sa panahon ng ating pangangailagan. At ito rin ang dahilan kung bakit tayo inatasan sa 10:22 na magsilapit nang may katapangan sa Dakong Kabanal-banalan upang makabahagi tayo sa pagpapangsyon ng kautusan ng buhay. Sa pamamagitan ng pagpapangsyon ng kautusan ng buhay na ito maihahain ng mismong Kristong naghahain ngayon sa mga kalangitan ang lahat ng kung ano Siya at lahat ng naisagawa at natamo Niya tungo sa ating mismong katauhan, hindi lamang upang transpormahin tayo, bagkus upang iwangis din tayo sa Kanyang larawan upang tayo, ang Kanyang maraming kapatid, ay maging ganap na katulad Niya. Sa ganitong paraan, ang Diyos ay magkakaroon ng maraming anak bilang Kanyang ganap na kahayagan. Ito ang gol ng dibinong ekonomiya ng Diyos. Ang gol na ito ay maaabot lamang sa pamamagitan ng paghahain ni Kristo sa mga kalangitan bilang ang Mataas na Saserdote at sa pamamagitan ng Kanyang paggawa bilang ang Espiritung nagbibigay-buhay sa loob ng ating espiritu sa pamamagitan ng kautusan ng buhay.