PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE PITO SI HESUS BILANG ANG ANAK NG TAO— Sa mensahe apat nakita natin na si Kristo bilang ang Anak ng Diyos, bilang Diyos, ay mas mataas sa mga anghel. Ito ay inihayag sa Hebreo 1. Ngayon tayo ay darako sa ikalawang bahagi ng paghahambing na ito—na si Hesus bilang ang Anak ng Tao, bilang tao, ay mas mataas sa mga anghel. Ito ay inihayag sa Hebreo 2. Una, nakita natin si Kristo bilang ang Anak ng Diyos, bilang Diyos; ngayon kailangan nating makita si Hesus bilang ang Anak ng Tao, bilang tao. Bilang kapwa Diyos at tao, Siya ay mas mataas sa mga anghel. Ang ating kamangha-manghang Hesus ay may dalawang kalikasan, ang dibino at ang pantao. Siya ay may pagka-Diyos at pagka-tao. Siya ay Diyos at Siya ay tao. Yamang Siya ay Diyos, Siya ay ang Anak ng Diyos. Yamang Siya ay tao, Siya ay Anak ng Tao. Ayon sa pangkasulatang paggamit, ang “tao” at ang “Anak ng Tao” ay mga terminong mapaghahalinhinan. Ito ay pinatunayan ng Awit 8:4 na sinasabi na, “Ano ang tao upang Iyong alalahanin siya? At ang anak ng tao, upang Iyong dalawin siya?” Kaya, ang Anak ng Tao ay nangangahulugan lamang ng tao. Sa parehong prinsipyo, ang Anak ng Diyos ay nangangahulugang Diyos. Ayon sa Juan 5:17-18, para kay Hesus na maging Anak ng Diyos ay nangangahulugang Siya ay Diyos. Nang narinig ng mga Fariseo na tinawag ng Panginoong Hesus ang Kanyang Sarili na Anak ng Diyos, inakusahan nila Siya ng paglalapastangan sapagka’t, sa kanilang pang-unawa, ginawa Niya ang Kanyang Sarili na kapantay ng Diyos. Kaya, ang sabihin na si Hesus ay ang Anak ng Diyos ay nangangahulugang Siya ay Diyos. Si Kristo ay kapwa Diyos at tao. Tinatalakay ng Hebreo kapitulo isa ang Kanyang pagka-Diyos at ang kapitulo dalawa ay tumatalakay sa Kanyang pagka-tao. Hinggil sa Kanyang kapwa pagka-Diyos at pagka-tao, Siya ay mas mataas sa mga anghel. Kahit na bilang ang Anak ng Tao, Siya ay mas mataas sa mga anghel. Bagama’t madaling matanto na ang Diyos ay lubusang mas mataas sa mga anghel, mahirap para sa ating matanto na ang tao ay mas mataas din sa kanila. Pinanghahawakan mo pa rin ba ang konsepto na ikaw ay mas mababa sa mga anghel? Ako ay natatakot na kung ang isang anghel ay nagpakita sa iyo, sasambahin mo siya. Kahit papaano, titingalain mo siya; sa loob-loob mo siya ay mataas kaysa sa iyo. Ang kaisipang ito ay mali. Kung inaakala mong ang mga anghel ay mataas kaysa sa iyo, ikaw ay kulang ng pangitain. Kailangan mong makita ang Hebreo kapitulo dalawa. Kahit na sa katapusan ng kapitulo isa (b. 14), nakita natin na, bilang mga tagapagmana ng kaligtasan, tayo ay higit na mataas sa mga anghel, sapagka’t ang mga anghel ay ang mga alipin natin at tayo ay kanilang mga amo. Tayo ay ang mga kasama ni Kristo, at ang mga anghel ay ang mga alipin, nagmiministeryo sa mga tagapagmana ng kaligtasan. Tayo ay bahay ng Diyos, kung saan ang makalangit na hagdan ay nag-uugnay sa atin sa Diyos at nagdadala ng Diyos sa atin, samantalang ang mga anghel ay mga nagmiministeryong espiritu na namamanhik-manaog sa hagdang ito habang naglilingkod sila sa atin. Kaya, sila ay mas mababa sa atin. Katulad ng ipinakita natin sa mensahe apat, ipinakikita ng Mateo 18:10 na ang bawa’t isa sa atin ay may isang anghel. Sinasabi ng Awit 34:7, “Ang anghel ng Panginoon ay humahantong sa buong palibot ng nangatatakot sa Kaniya, at ipinagsasanggalang sila.” Isang anghel ang nagpakita kay Cornelio (Gawa 10:3), sinasabi sa kanya kung saan kakatagpuin ang isa na nagpapahayag ng ebanghelyo. Higit pa rito, sinasabi sa atin ng Gawa 12:7-11 kung paano binuksan ng isang anghel ang pintuan upang si Pedro ay makatakas sa piitan. Bagama’t hindi mo alam ang pangalan ng iyong nagmiministeryong anghel, ako ay lubhang nakatitiyak na alam niya ang iyong pangalan. Tayong lahat, sa pinakakaunti, ay may isang anghel na nagmiministeryo sa atin nang patuloy. Ito ay hindi pamahiin; ito ay realidad. Ayon sa aking karanasan, maipapatotoo ko na habang ako ay naglalakbay noong nakaraang apatnapung taon napagtanto ko na ang aking anghel ay kasama ko at na sa maraming pagkakataon, pinrotektahan niya ako. Si Kristo, ang Anak ng Tao, bilang tao, ay mas mataas sa mga anghel. Ang Hebreo 2 ay hindi nagsasalita tungkol sa Kanya bilang isang dakilang tao kundi bilang isang maliit na tao. Gayunpaman, kahit na bilang isang maliit na tao, Siya ay mas mataas kaysa sa mga anghel. Bago natin isaalang-alang ang kataasan ni Hesus bilang isang tao sa mga anghel, kailangan nating makita ang isang pangunahing salik sa Kanyang pagiging tao, yaon ay, na itinalaga ng Diyos ang tao na mamuno sa lupa katulad ng ipinahayag sa Genesis 1:26-28. I. ANG SANLIBUTANG DARATING Sinasabi ng Hebreo 2:5, “Sapagka’t hindi Niya ipinasakop sa mga anghel ang sanlibutang darating, na siya naming isinasalaysay.” Ang salitang “sapagka’t” ay nagkukunekta ng bersikulo 5 sa kasunod na mga bersikulo ng parehong kapitulo. Ang mga bersikulo 1 hanggang 4 ay nagbibigay sa atin ng isang babala, sinasabi sa atin na magkakaroon ng “matuwid na parusang kabayaran” sa nagpapabaya ng “ganitong kadakilang kaligtasan.” Ang kamangha-manghang Persona ng Panginoon dagdag pa ang Kanyang napakagaling na gawa ay ang “ganitong kadakilang kaligtasan,” isang kaligtasan na wala sa atin ang dapat magpabaya. Ang salitang “makatatakas” sa bersikulo 3 ay nangangahulugan, sa prinsipyo, na takasan ang kabayarang ipinahiwatig sa bersikulo 2. Kung pababayaan natin ang “ganitong kadakilang kaligtasan,” tama at matuwid na tanggapin natin ang isang tiyak na kabayaran. Ano ang magiging “matuwid na parusang kabayarang” ito? Bagama’t mas marami ang sasabihin natin tungkol dito sa darating na mga mensahe, kung magbibigay pansin tayo sa maliit na salitang “sapagka’t” sa bersikulo 5, mauunawaan natin ang isang bagay hinggil dito ngayon. Ang salitang “sapagka’t ay tumutukoy pabalik sa kapabayaan na binanggit sa bersikulo 3. Kung pababayaan natin ang “ganitong kadakilang kaligtasan,” tayo ay tatanggap ng isang uri ng “matuwid na parusang kabayaran,” “sapagka’t hindi Niya ipinasakop sa mga anghel ang sanlibutang darating, na siya naming isinasalaysay.” Kaya, ang “matuwid na parusang kabayaran” ay may kaugnayan sa “sanlibutang darating.” Kung pababayaan natin ang ganitong kadakilang kaligtasan, “paano tayo makatatakas?” Ito ay hindi nangangahulugan na maiwala natin ang ating kaligtasan at tayo’y mawawala. Minsang tayo ay naligtas, tayo ay ligtas magpasawalang-hanggan. Tinitiyak ito sa atin ng Juan 10:28: “At sila ay binibigyan Ko ng walang hanggang buhay, at kailanman ay hindi sila malilipol, at walang sinumang aagaw sa kanila sa Aking kamay” (Salin sa Pagbabawi). Nang manampalataya tayo sa Panginoong Hesus, binibigyan Niya tayo ng buhay na walang-hanggan at tayo ay hindi kailanman malilipol. Ang salita ng Panginoon ay mananatili magpakailanman, at sinasabi sa atin ng Kanyang salita na tayo ay ligtas magpakailanman. Tayo ay may walang-hanggang seguridad. Gayunpaman, ito ay hindi nangangahulugan na ang isang ligtas na tao ay hindi magkakaroon ng mga suliranin. Ayon sa bahaging ito ng Hebreo, ang isang ligtas na tao, na ang kaligtasan ay tiyak magpasawalang-hanggan, ay maaaring di-magkamit ng “sanlibutang darating.” Ngayon kailangan nating malaman kung ano ang “sanlibutang darating.” A. Sa Darating na Panahon ng Kaharian Kung alam mo ang Bibliya sa kabuuan, matatanto mo na ang “sanlibutang darating” ay magiging ang lupang ito sa darating na panahon kasama ang kaharian ng Diyos. Sinasabi ng Awit 2:8 na ibinigay ng Diyos kay Kristo ang mga bansa upang maging ang Kanyang mana at ang pinakadulong bahagi ng lupa para sa Kanyang pag-aari. Sinasabi ng Apocalipsis 11:15, “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon, at ng Kanyang Kristo, at Siya ay maghahari magpakailanman.” Ang araw ay dumarating maaaring ito ay magiging mas malapit kapag ang mga bansa, ang mga kaharian ng lupa ay magiging kaharian ni Kristo. Ayon sa Daniel 2:35, sa panahon ng pagbabalik ng Panginoong Hesus magkakaroon sa lupa ng mga bansa na kinatawan ng isang larawan ng bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Ang lahat ng mga elementong ito ay kumakatawan sa mga panlupang kaharian. Biglang-bigla isang batong “natibag hindi ng mga kamay” (Dan. 2:34) ang bababa mula sa langit at babasagin ang bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Ipinahayag ng Daniel 2:35 na “ang bato na tumama sa larawan ay naging malaking bundok, at pinuno ang buong lupa.” Ang batong ito na naging isang bundok ay ang Kaharian ng Diyos. Ang bato na “natibag hindi ng mga kamay” na bumasag sa mga panlupang kaharian ay si Kristo. Si Kristo ay hindi lamang ang patibayang bato (Isa. 28:16), panulukang bato (Mat. 21:42; Gawa 4:11), pangulong bato (Zac. 4:7), at buhay na bato (1 Ped. 2:4) para sa pagtatayo ng Diyos; Siya rin ang batong katitisuran (Mat. 21:44; 1 Ped. 2:8) sa mga di-nananampalatayang Hudyo at ang dumudurog na bato sa mga bansa (Mat. 21:44). Unang-una, para sa mga mananampalataya, Siya ay isang bato para sa pagtatayo ng Diyos. Bilang ang bato para sa pagtatayo ng Diyos, Siya ang patibayang bato, panulukang bato, pangulong bato, at buhay na bato upang ibunga tayo bilang mga bato para sa pagtatayo ng Diyos (1 Ped. 2:5). Ikalawa, kaugnay sa mga di-nananampalatayang Hudyo, Siya ang isang batong katitisuran. Ang mga di-nananampalatayang Hudyo ay natisod sa Kanya. Huwag mong isipin na ang Panginoong Hesus ay laging mabait sa lahat ng tao. Sa mga di-nananampalatayang Hudyo, kahit papaano, Siya ay nagiging isang batong katitisuran. Ikatlo, sa mga Hentil, ang mga bansa, ang Panginoon ay magiging ang dumudurog na bato na bumababa mula sa langit upang durugin ang lahat ng kaharian ng lupa nang pira-piraso (Dan. 2:34-35, 44). Ang dumudurog na batong ito ay magiging isang malaking bundok, nangangahulugan na ang Panginoong Hesus ay magiging ang Kaharian, na pinupuno ang buong lupa. Ang Kahariang ito, ang malaking bundok na pumupuno sa buong lupa, ay si Kristo Mismo. Sa panahong iyon, ang lupa ay magiging ang Kaharian ng Panginoon. Ito ang tinukoy sa Hebreo 2:5 bilang ang “sanlibutang darating.” Ang “sanlibutang darating” ay ipinakakahulugan na ang lupa ay naging ang Kaharian ng Panginoon sa susunod na kapanahunan. Maaaring malapit nang mangyari ito. Ang “sanlibutang darating” na ito sa darating na panahon ay hindi ipinasakop sa mga anghel. Sa ibang pananalita, hindi itinalaga ng Diyos na ang mga anghel ang mamamahala sa lupa. Itinalaga Niya ang tao na mamahala sa lupa sa darating na panahon. Batay sa katotohanang ito, ipinakita sa atin ng manunulat ng Hebreo na ang tao ay higit kaysa sa mga anghel. Sa aspektong ito, ang pamumuno sa lupa sa darating na panahon, ang tao ay higit kaysa sa mga anghel. Sa Kanyang ekonomiya, ninais ng Diyos sa pasimula pa na ang tao ay mamuno sa lupa. Mula sa walang-hanggang nakalipas, itinakda ng Diyos na pamunuin ang tao sa lupa. Ayon sa Bibliya, sa panahon ng paglikha, itinakda ng Diyos na dapat sanayin ng tao ang Kanyang awtoridad sa lupa. Ito ay malinaw na sinabi sa Genesis 1:26-28. May tatlong kapitulo sa Bibliya na magkakasama—Genesis 1, Awit 8, at Hebreo 2. Ang lahat ng kapitulong ito ay mayroong isang pangunahing punto—na itinalaga ng Diyos ang tao na mamuno sa Kanyang nilikhang lupa. Bakit itinakda ng Diyos ang tao na mamuno sa lupa? Sapagka’t kailangan ng Diyos ng isang kaharian, isang kinasasaklawan, isang mapamamahalaan, kung saan maisasagawa Niya ang Kanyang awtoridad. Kung wala ang gayong mapamamahalaan, kung saan maisasagawa Niya ang Kanyang awtoridad, magiging mahirap para sa Diyos na ipahayag ang Kanyang kaluwalhatian. Ang kahagayan ng Kanyang kaluwalhatian ay nangangailangan ng isang mapamamahalaan. Ipagpalagay na ang Diyos ay walang awtoridad sa lupa. Paano Niya maihahayag ang Kanyang kaluwalhatian? Naaalala mo ba ang konklusyon ng panalangin ng Panginoon? Ito ay “Sapagka’t Iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian” (Gk.). Kapag naroon ang kaharian, naroon ang awtoridad. Sa gayon maihahayag ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian. Ang Kaharian ay para sa awtoridad, at ang awtoridad ay para sa kaluwalhatian. Kung ang Diyos ay walang Kaharian, walang pagsasanay ng Kanyang awtoridad at walang kahayagan ng Kanyang kaluwalhatian. Ang panalangin ng Panginoon ay para sa Kaharian. Sa Kahariang iyon ay magkakaroon ng pagsasanay ng awtoridad at kahayagan ng kaluwalhatian. Ang layunin ng Diyos ay hindi nagbabago at walang-hanggan. Ang layunin ng Diyos ay mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan. Hindi kailanman binago ng Diyos ang Kanyang layunin ng pagkakaroon ng tao na magsanay ng Kanyang awtoridad sa lupa upang magkaroon Siya ng isang mapamamahalaan bilang ang saklaw kung saan maihahayag Niya ang Kanyang kaluwalhatian. Ang buhay-ekklesia ngayon ay isang pamahalaan. Ang bawa’t ekklesia lokal ay isang kapamahalaan kung saan ang kaluwalhatian ng Diyos ay naihahayag. Ito ang dahilan kung bakit ang buhay ekklesia ngayon ay ang Kaharian (Roma. 14:17) sa isang maliit na sukat. Bagama’t ito ay hindi ang Kaharian sa lubusang sukat, ito kahit papaano ay ang Kaharian sa maliit na sukat, ipinahahayag ang mga parehong bagay sa parehong prinsipyo. Ang wastong buhay ekklesia ay ang Kaharian ng Diyos kung saan maisasagawa Niya ang Kanyang awtoridad upang maihayag Niya ang Kanyang kaluwalhatian. Ito ang Kanyang layunin sa paglikha ng tao. B. Upang Maangkin ni Kristo ang Lupa Ang “sanlibutang darating” sa darating na kapanahunan ng Kaharian ay magiging para sa pag-aari ni Kristo. Aariin ni Kristo ang “sanlibutang darating” (Awit 2:8) para sa Kanyang Kaharian. Ang layunin ng Diyos ay ang bawiin ang lupa mula sa mapangamkam na kamay ni Satanas at upang itatag ang Kanyang Kaharian sa lupa para sa kahayagan ng Kanyang kaluwalhatian. Ibinigay ng Diyos ang gayong lupa kay Kristo bilang mana Niya. Kapag tayo, ang mga ligtas, bilang Kanyang mga kapareha ay makikibahagi sa Kanyang mana ng “sanlibutang darating,” tayo ay magkakaroon ng bahagi sa gayong maluwalhating lupa kasama ang Kaharian ng Diyos na naitatag sa ibabaw noon para sa kahayagan ng kaluwalhatian ng Diyos. Ang hindi makuha ang bahagi ng sanlibutang ito ay magiging isang “matuwid na parusang kabayaran” sa mga nagpabaya sa “ganitong kadakilang kaligtasan”. Kung pababayaan natin ang “ganitong kadakilang kaligtasan” ngayon, hindi natin matatakasan ang ganitong “matuwid na parusang kabayaran” ng di-pagkuha sa bahagi ng darating na Kaharian sa lupa. II. ANG TAONG SI HESUS Ang layunin ng Diyos para sa tao ay nasa tatlong antas: ang antas ng paglikha, ang antas ng propesiya, at ang antas ng katuparan. Ang tao sa layunin ng Diyos ay kapwa si Adam at si Kristo. Si Adam ang unang tao, at si Kristo ang at nananatili pa ring ang ikalawang tao (1 Cor. 15:45, 47). Hinggil sa dalawang tao ito ay mayroon nitong tatlong yugto. Isaalang-alang muna natin ang tao sa paglikha. A. Ang Tao sa Paglikha 1. Upang Ihayag ang Diyos kasama ang Kanyang Larawan Sa paglikha, itinalaga ng Diyos na ihayag Siya ng tao kasama ang Kanyang larawan (Gen. 1:26-28). Ang tao ay ginawa sa larawan ng Diyos upang Siya ay maihayag niya. 2. Upang Katawanin ang Diyos kasama ang Kanyang Kapamahalaan Nilayon din ng Diyos na ang tao ay kumatawan sa Kanya kasama ang Kanyang kapamahalaan. Pagkatapos likhain ang tao, ipinagkatiwala ng Diyos ang Kanyang awtoridad sa tao, sa gayon ay binibigyan siya ng awtoridad na maging Kanyang kinatawan. Kaya, sa panahon ng paglikha, ang tao ay itinalaga na gawin ang dalawang bagay: ihayag ang Diyos at kumatawan para sa Kanya. 3. Binigo ang Diyos sa Kanyang Layunin Gayunpaman, binigo ng tao sa paglikha ang Diyos. Ang tao ay nalason ni Satanas at natisod. Kaya, nasira ang tao sa paglikha at binigo ang Diyos sa Kanyang layunin. Kung tayo ay may aklat lamang ng Genesis, magiging masyado tayong bigung-bigo. Sa kabila ng maraming napakagaling na tala sa aklat ng Genesis, sa katapusan ng aklat na iyon tayo ay sinabihan na si Jose ay namatay at inilagay sa loob ng kabaong sa Ehipto (Gen. 50:26). Kaaba-aba na ang aklat ng Genesis ay natapos sa ganitong paraan! Si Jose, ang isa na kumatawan sa Diyos, ay namatay, inilagay sa loob ng kabaong, at naiwan sa Ehipto. Bago tayo magpatuloy, nais kong magsabi ng isang salita tungkol kay Jacob at Jose. Si Jacob, na naging Israel, ang prinsipe ng Diyos, at si Jose sa katotohanan ay isang kumpletong tao. Si Jose ay isang bahagi ni Israel, bagama’t hindi siya isang bahagi ni Jacob. Si Jacob ay isang manununggab, isang magnanakaw, subali’t siya ay natransporma tungo sa pagiging Israel, ang prinsipe ng Diyos (Gen. 32:28; 35:10). Nang siya ay naging makaranasan at gumulang, tunay na naihayag niya ang Diyos kasama ang Kanyang larawan. Nang si Jacob ay bata pa, siya ay isang manununggab at nililinlang niya ang lahat: ang kanyang kapatid, ang kanyang ama, ang kanyang tiyuhin, at ang kanyang mga bayaw. Subali’t kamangha-mangha ang Diyos. Natransporma Niya ang ganitong manununggab at manlilinlang tungo sa pagiging isang prinsipe ng Diyos. Nang si Jacob ay matanda na, hindi na niya alam kung paano manlinlang, lumaban, o manunggab. Ang alam lamang niya ay ang iunat ang kanyang mga kamay at pagpalain ang mga tao. Pinagpala ni Jacob ang sinumang lumapit sa kanya. Maging si Faraon, ang pinakadakilang hari sa lupa sa panahong yaon, ay pinagpala ni Israel nang dalhin ni Jose ang kanyang ama upang makita siya (Gen. 47:7). Mas mataas si Israel kaysa kay Faraon. Sa panahong yaon si Israel ay may gulang na at inihayag ang Diyos bilang ang mismong Diyos na nagpapala. Ang ating Diyos ay isang nagpapalang Diyos. Kaya, si Israel, na lubusang nasa larawan ng Diyos, ay nagkaloob ng mga pagpapala saan man siya pumunta. Nang Siya ay dinala sa harapan ni Faraon, iniunat niya ang kanyang mga kamay at pinagpala siya. Iyon ay tunay na kahayagan ng Diyos. Ang pangalang Israel ay nagtataglay ng pangalan ng Diyos, sapagka’t ang huling dalawang titik ng Israel, “el,” ay nangangahulugang Diyos. Gayunpaman, kailangan ni Israel si Jose bilang isa sa kanyang mga bahagi, bilang ang naghahaing bahagi, ang kumakatawang bahagi. Sa panahong yaon, ang buong lupa sa katotohanan ay wala sa ilalim ng pamumuno ni Faraon; ito ay nasa ilalim ng pamumuno ni Jose. Inihahayag ni Israel kasama ni Jose ang Diyos kasama ang Kanyang larawan sa isang panig at ikinakatawan ang Diyos kasama ang Kanyang awtoridad sa kabila. Gayunpaman, ang aklat ng Genesis ay nagtatapos sa pagsasabi na si Jose ay namatay, inilagay sa kabaong, at naiwan sa Ehipto. Ang konklusyon ng aklat ng Genesis ay kaaba-aba. B. Ang Tao sa Propesiya Bagama’t ang sitwasyon sa katapusan ng aklat ng Genesis ay kaaba-aba, ito ay lubhang nagiging puno ng pag-asa sa panahon na dumako tayo sa Awit 8. Ang Salmista ay tunay na nabigyang inspirasyon nang sabihin niyang, “Pagka binubulay ko ang Iyong mga langit, ang gawa ng Iyong mga daliri; ang buwan at ang mga bituin na Iyong inayos; Ano ang tao upang Iyong alalahanin siya? At ang anak ng tao, upang Iyong dalawin siya?” (bb. 3-4). Sa ilalim ng inspirasyon ng Diyos, pinropesiya ng salmista ang pagbabawi ng kung ano ang naiwala kay Adam. Inulit niya ang mga salita sa Genesis 1, pinropesiya na ang pagtatalaga na naiwala ng tao ay mababawi. Kaya ang Awit 8 ay isang pagbabawi ng nawalang pagtatalaga sa tao na ibinigay sa Genesis 1. Ang dibinong pagtatalaga na ipinagkaloob sa ibabaw ng nilikhang tao sa Genesis 1 ay naiwala sa panahon ng pagkatisod ng tao. Pinropesiya ng salmista na ang ganitong pagtatalaga ay mababawi. Katulad ng makikita natin, ang taong pinropesiya sa Awit 8 ay ang Panginoong Hesus. Ito ay ipinahayag sa Hebreo 2. 1. Mababa nang Kaunti sa mga Anghel Sa propesiya hinggil sa pagbabawi ng naiwalang pagtatalaga ng Diyos sa Awit 8 sinasabi nito na ginawa ng Diyos ang tao na “mababa nang kaunti sa mga anghel.” Sa Hebreo 2:7, ito ay sinipi bilang “mababa nang kaunti sa mga anghel.” Ito ay ayon sa pisikal, hindi posisyonal na situwasyon. Sa pisikal na pagsasalita, ang tao ay mas mababa o mas mahina sa mga anghel. 2. Pinutungan ng Kaluwalhatian at Karangalan Gayunpaman, ang propesiya sa Awit 8 ay nagsasabi na “pinutungan” ng Diyos ang tao, na mas mababa sa mga anghel, “ng kaluwalhatian at karangalan.” Ito ay hindi natupad sa kaninumang tao hanggang ang taong si Hesus ay umakyat sa mga kalangitan. Kaya, ang propesiyang ito ay hinggil sa Panginoon bilang isang tao at ito ay naisakatuparan sa Kanya. 3. Inilagay sa Ibabaw ng mga Gawa ng Diyos Ang propesiya sa Awit 8 ay nagsasabi rin na ginawa ng Diyos ang tao upang magkaroon ng kapamahalaan sa ibabaw ng mga gawa ng Kanyang mga kamay at inilagay Niya ang lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang mga paa. Sa sipi sa Hebreo 2 ay sinasabi na inilagay ng Diyos ang tao sa ibabaw ng mga gawa ng Kanyang mga kamay at inilagay ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa. Malinaw na ito ay isang pag-uulit ng kung ano ang binanggit sa Genesis 1:26-28. Ito ay maaaring tawaging pagbabawi ng kung ano ang ibinigay sa tao sa Genesis 1 at naiwala dahil sa pagkatisod ng tao sa Genesis 3. C. Ang Tao sa Pagsasakatuparan Ang Hebreo 2:6-9 ay ang pagsasakatuparan ng propesiya sa Awit 8. Sinasabi nito sa atin na ang tao sa pagsasakatuparang ito ay si Hesus. Si Hesus ay ang ikalawang tao (1 Cor. 15:47). Bagama’t binigo ng unang tao ang Diyos sa Kanyang layunin, ang ikalawang tao ay nagtagumpay. Sa Genesis 1 ay ang tao sa paglikha ng Diyos kasama ang walang-hanggang layunin ng Diyos. Binigo ng taong yaon ang Diyos. Pagkatapos ang Awit 8, na nagsasalita hinggil sa pagbabawi ng nawalang pagtatalaga ng Diyos, ay nagpropesiya hinggil sa isa pang tao. Kung wala ang ikalawang taong ito, tayo at ang pagtatalaga na ibinigay sa tao ay nawala. Subali’t tayo ay may ikalawang tao na bumawi ng nawalang pagtatalaga ng tao at nagsakatuparan ng orihinal na layunin ng Diyos. Ang ikalawang taong ito ay inilahad sa atin sa Hebreo 2. 1. Ginawa na Mababa Nang Kaunti sa mga Anghel
Ang taong si Hesus, sa pagsasakatuparan ng propesiya sa Awit 8, ay ginawang mababa nang kaunti sa mga anghel dahil sa pagdurusa ng kamatayan (2:9). Ayon sa ating pisikal na kabuuan, tayo ay mababa sa mga anghel. Ang kabuuan ng mga anghel ay mas mataas kaysa sa atin. Nang si Hesus ay dumating bilang isang tao, ang Kanyang pisikal na kabuuan ay mas mababa rin kaysa roon sa mga anghel. Siya ay naging isang tao, isinuot ang pantaong laman, dugo at kalikasan. Bakit Niya isinuot ang isang pisikal na kabuuan na mababa kaysa sa mga anghel? Para sa layunin ng pagdurusa ng kamatayan para sa atin. Upang mapagdusahan ang kamatayan, kinakailangan Niya ng isang pisikal na katawan. Kung wala ang gayong pisikal na katawan ay walang paraan para sa Kanya na mamatay para sa ating mga kasalanan. Ito ang dahilan kung bakit Siya ay ginawang mababa nang kaunti sa mga anghel. 2. Pinutungan ng Kaluwalhatian at Karangalan Pagkatapos Niyang maisakatuparan ang pagtutubos sa pamamagitan ng pagdurusa ng kamatayan, si Hesus ay naluwalhati sa Kanyang pagkabuhay-na-muli (Lucas 24:26) at sa Kanyang pag-akyat sa mga kalangitan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan (2:9). Bagama’t ang Panginoong Hesus ay kapwa ang Anak ng Diyos at Anak ng Tao, kapag tayo ay dumarako sa bagay ng Kanyang pagiging naputungan ng kaluwalhatian at karangalan, kailangan nating magbigay ng espesyal na atensyon sa Kanyang pagka-tao, sa Kanyang pagiging ang Anak ng Tao. Sa Hebreo 1, Siya ay Diyos; sa Hebreo 2, Siya ay tao. Kapag binabasa natin ang Hebreo 1, kailangan nating magbigay ng ating lubusang pansin sa pagka-Diyos ng Panginoon. Gayunpaman, kapag tayo ay dumako sa Hebreo 2, kailangan nating magbigay ng ating lubusang pansin sa Kanyang pagka-tao. Yaon ay sa Kanyang pagka-tao na Siya ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan. Bilang isang tao sa Kanyang pag-akyat sa mga kalangitan, Siya ay pinutungan sa ganitong paraan. Saan pinutungan si Hesus ng kaluwalhatian at karangalan? Sa ikatlong kalangitan. Ang maliit na Hesus na ipinanganak sa sabsaban, na pinalaki sa isang dukhang tahanan sa Nazaret, at walang kagandahan o pang-akit, sa kanyang pag-akyat sa mga kalangitan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan. Ano ang kaluwalhatian at karangalan? Ang kaluwalhatian ay ang karilagan na may kaugnayan sa Persona ni Hesus; ang karangalan ay ang kahalagahan na may kaugnayan sa halaga ni Hesus, yaon ay, sa Kanyang kabuluhan (1 Ped. 2:7, ang “kahalagahan” sa Griyego ay pareho sa salitang “karangalan” dito), at ang dignidad ay may kaugnayan sa Kanyang posisyon (2 Ped. 1:17; Roma. 13:7). a. Ginawang Kapwa Panginoon at Kristo Si Hesus ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan upang maging Panginoon at Kristo (Gawa 2:36; 10:36b). Bago ang Kanyang pagkakatawang-tao, Siya ang Panginoon. Gayunpaman, bilang isang tao hindi Siya ang Panginoon. Ngayon, sa Kanyang pag-akyat sa langit, Siya, bilang isang tao, ay pinutungan upang maging ang Panginoon. Ito ay isang dakilang bagay. Sa isang panig, Panginoon na Siya sapagka’t Siya ay Diyos; sa kabilang panig, sa Kanyang pagka-tao, Siya ay pinutungan upang maging ang Panginoon ng lahat. Siya rin ang Kristo, yaon ay, ang pinahirang Isa. Ang Panginoon ay nangangahulugang Siya ang Panginoon na namumuno sa ibabaw ng lahat, at ang Kristo ay nangangahulugan na Siya ang pinahirang Isa na itinalaga upang isakatuparan ang lahat ng bagay para sa plano ng Diyos. Ang pinahirang Isa ay ang itinalagang Isa, at ang itinalagang Isa ay ang Isa na nagpapatakbo ng pansansinukob na korporasyon, si Kristo at ang ekklesia. b. Itinaas Upang Maging isang Lider at isang Tagapagligtas Si Kristo ay naitaas upang maging isang Lider at isang Tagapagligtas (Gawa 5:31). Ang Griyegong salita para sa Lider, isinaling “Prinsipe” sa King James Version, ay ang parehong Griyegong salita na isinalin bilang “Pinuno” sa Hebreo 2:10. Ang Griyegong salita ay maaari ring isalin bilang may akda, nagpasimula, taga-umpisa, o pasimuno. Walang isang kasing kahulugan ng salitang ito sa Ingles. Si Kristo ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan nang sa gayon Siya ay maging Pinuno natin. Katulad ng ipinakita ng Griyegong salita, Siya rin ay ang ating Lider, Prinsipe, Pasimuno, at Tagapanguna. Si Hesus ay ang Isa na nakikipagbaka, na nangunguna, umuuna, bilang ang simula upang marating ang paroroonan. Tinahak Niya ang daan tungo sa kaluwalhatian at tayo ngayon ay tumatahak sa daang Kanyang tinahak. Kaya, hindi lamang Siya ang Tagapagligtas na nagliligtas sa atin mula sa ating natisod na kalagayan at mula sa lahat ng negatibong bagay, bagkus Siya rin ang Pinuno na, bilang ang Pasimuno, ay pumasok tungo sa kaluwalhatian upang tayo ay madala tungo sa gayunding kalagayan. Ang Panginoong Hesus ngayon ay ang Panginoon, ang Kristo, ang Pinuno, at ang Tagapagligtas. Inihahayag sa atin ng Hebreo kapitulo uno na si Kristo ang Anak ng Diyos na dumarating upang magsalita, magdeklara, at magpahayag sa Diyos. Bilang gayong Isa Siya ay mas mataas sa mga anghel. Dito, sa kapitulo dalawa ng Hebreo, Siya ang Anak ng Tao na magiging ang Panginoon, ang Kristo, ang Pinuno, at ang Tagapagligtas. Ang Kanyang pagiging Panginoon, Kristo, Pinuno at Tagapagligtas natin ay hindi pangunahing nakabatay sa Kanyang pagka-Diyos kundi sa Kanyang pagka-tao. Ito ay isang napakapraktikal na bagay. Bakit si Hesus ang ating Panginoon? Sapagka’t Siya ay isang tao. Bakit Siya ang Kristo, Pinuno, at Tagapagligtas? Ang lahat ay dahil sa Siya ay isang tao. Ang mga anghel, na walang pagka-tao, ay hindi kailanman maaaring maging ating Panginoon, Kristo, Pinuno, at Tagapagligtas. Tangi lamang si Kristo sa Kanyang pagka-tao ang maaaring maging gayong Isa sa atin. Bukod pa rito, ang pagka-taong ito ay hindi isang natural na pagka-tao; ito ay isang nabuhay-na-muli, naitaas at naiakyat-sa-langit na pagka-tao, isang pagka-tao na naputungan ng kaluwalhatian at karangalan ng Diyos. Sapagka’t ang mga konseptong ito ay hindi natural, kundi bago at sariwa sa atin, kailangan nating maggugol ng malaking panahon sa mga ito upang mas marami pa tayong makita.
|