PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE SIYAM

ANG PINUNO NG KALIGTASAN
(1)

Sa mensaheng ito darako tayo sa Pinuno ng ating kaligtasan. Mahirap maunawaan ang bagay na ito sa doktrina. Tila ba, sa lohikal na pananalita, para sa kaligtasan ay kailangan natin si Hesus upang maging ating Tagapagligtas at Manunubos, hindi Pinuno, Pasimuno, o Tagapanguna. Gayunpaman, sa kamanghamanghang kaligtasan ng Diyos, sa Kanyang “ganitong kadakilang kaligtasan,” tunay na kailangan natin ang gayong Pinuno. Ang isang pinuno ay isang lider na nangunguna sa isang grupo ng tao patungo sa isang tiyak na lugar. Tungo saan tayo pinangungunahan ng Pinunong ito? Pinangungunahan Niya tayo tungo sa kaluwalhatian.

Ang kaluwalhatian ng Diyos ay isang napakahirap na bagay para sa sinuman na bigyang-kahulugan o ipaliwanag. Sa Kanyang panalangin sa Ama sa Juan 17, sinabi ng Panginoong Hesus “At ang kaluwalhatiang ibinigay Mo na sa Akin ay ibinigay Ko na sa kanila” (Juan 17:22, Salin sa Pagbabawi). Ano ang kaluwalhatiang ito? Ang kaluwalhatian kung saan tayo pinangungunahan ng ating Pinuno ay ang kaluwalhatiang naibigay na sa atin. Bagama’t ang kaluwalhatian ay naibigay na sa atin, gayunpaman kailangan pa rin nating pumasok tungo sa loob nito. Anong hirap ang isalita ang hinggil sa kaluwalhatiang ito! Sinasabi ng iba na ang kaluwalhatiang ito ay isang marangyang estado kung saan tayo ay papasok sa hinaharap at lubhang magpapakilig at magpapasaya sa atin. Nang marinig ko ang ganitong uri ng pagsasalita noong nakalipas, ako ay hindi nasiyahan dito. Sa kailaliman ko, nadama ko na ito ay napakagaan, na walang bigat o kahulugan dito. Kung ibabaling mo ang katanungan sa akin, kailangan kong sabihin na napakahirap ipaliwanag kung ano ang dibinong kaluwalhatiang itinalaga ng Diyos para sa atin.

Sinasabi sa atin ng Bagong Tipan na tayo ay tinawag tungo sa kaluwalhatian at na ang kaluwalhatiang ito ay dinisenyo ayon sa karunungan ng Diyos sa walang-hanggang nakalipas. Sinasabi sa 1 Corinto 2:7 na sa walang-hanggang nakalipas itinalaga ng Diyos na tayo ay madala tungo sa kaluwalhatiang ito. Kapwa ang 1 Tesalonica 2:12 at 1 Pedro 5:10 ay nagsasabi sa atin na tayo ay tinawag tungo sa kaluwalhatiang ito. At ayon sa Colosas 3:4, kapag si Kristo ay nahayag, tayo ay mahahayag na kasama Niya sa Kanyang kaluwalhatian. Ano ang kaluwalhatiang ito? Maaaring halos lahat ng Kristiyano ay mag-aakala na ang kaluwalhatian ay isa lamang uri ng pagliliwanag o kaningningan. Hindi ko sasabihin na ang kaluwalhatian ay hindi ang gayong pagliliwanag o kaningningan, sapagka’t ako ay hindi pa nakapasok sa loob nito at hindi mangangahas na sabihin na ang ganitong pagkaunawa ng kaluwalhatian ay mali. Gayunpaman, sasabihin ko na ang ganitong pagkaunawa ng kaluwalhatian ay napakaobhektibo at ito ay lubusang ayon sa obhektibong pagsasaalang-alang. Ang sabihin na ang kaluwalhatian kung saan tayo ay papasok ay isa lamang uri ng maningning na pagsinag o pagliliwanag ay maaaring tama, subali’t ito ay lubusang isang obhektibong konsepto.

Maaari nating ilarawan ang bagay na ito ng kaluwalhatian sa pamamagitan ng halimbawa ng isang bulaklak ng karnesyon (karnesyon). Ang buto ng isang halamang karnesyon ay napakaliit. Kung itatanim mo ang butong ito sa lupa, ito ay lalago hanggang sa kalaunan ay mararating nito ang estado ng pamumulaklak. Kapag ang karnesyon ay namulaklak na, ito ang kaluwalhatian. Isang mahabang proseso ang dapat mangyari mula sa yugto ng pagiging isang buto hanggang sa pamumulaklak. Habang ang karnesyon ay dumaraan sa prosesong ito, dapat marami itong pakikipagbakang gagawin. Kung ikaw ay isang buto ng karnesyon, masasabi mo sa amin kung gaanong pakikipagbaka ang dapat mong daanan. Ang karnesyon ay dapat munang makipagbaka sa kanyang sarili, sapagka’t ang elemento ng buhay na nasa loob ng buto ay dapat na makipagbaka sa balat at mabasag upang makalabas mula rito. Pagkatapos ang karnesyon ay dapat makipagbaka sa lupa kung saan ito lalago. Sapagka’t ang lupa ay tumutulong sa karnesyon na lumago, maaari nating tawagin ito na nagpapalagong lupa. Gayunpaman, maging ang nagpapalagong lupang ito ay isang hadlang sa karnesyon. Bagama’t ang halaman ay nangangailangan ng lupa at ang lupa ay tumutulong na ito ay lumago, gayunpaman, ito ay isang hadlang sa paglago ng “karnesyon.” Dapat makipagbaka ang karnesyon sa mismong lupa na tumutulong dito na lumago. Sa katapusan, pagkatapos ng napakaraming pakikipagbaka, naabot ng karnesyon ang yugto ng pamumulaklak. Iyon ang kaluwalhatian ng bulaklak ng karnesyon. Ang bulaklak nito ay ang kaluwalhatian nito.

Ang bawa’t isa sa atin, walang sinumang natatangi, ay katulad ng isang buto ng karnesyon. Sa pamamagitan ng pagkasilang-na-muli, ang buhay ng kaluwalhatian ay pumasok sa atin. Tayo ngayon ay may isang binhi ng kaluwalhatian sa loob natin. Ang buhay na taglay natin sa loob natin bilang binhi ay buhay ng kaluwalhatian. Ito ay si Kristo, na nasa loob natin, ang pag-asa ng kaluwalhatian (Col. 1:27). Ang kaluwalhatian ay hindi lamang isang maningning na pagsinag sa mga alapaap. Yaon ay napaka-obhektibo. Kung ang kaluwalhatian ay isa lamang panlabas na pagsinag, ito ay magiging isa na namang walang kabuluhang bagay. Subali’t hindi iyon ang kaluwalhatiang sinasabi ng Bibliya. Ang kaluwalhatiang ipinahayag sa Bibliya ay ang pinakapamumulaklak ng dibinong elemento ng Diyos. Isang araw, ang dibinong elemento ng Diyos ay mamumukadkad. Nababagabag ka ba sa aking pagsasabi na ang kaluwalhatian na papasukan natin ay hindi lamang isang bagay na obhektibo, bagkus ito ay ang pamumukadkad ng dibinong elemento mula sa loob natin? Kung nakababagabag ito, ito ay nangangahulugan na, sa ilang antas, ikaw ay humahawak pa rin sa mga lumang doktrina. Kailangan mong tawirin ang ilog.

Isaalang-alang ang pagbabagong-anyo ng Panginoong Hesus sa tuktok ng bundok (Mat. 17:1-2). Nang ang Panginoong Hesus ay pumanhik sa tuktok ng bundok at nagbagong-anyo, ang kaluwalhatiang “shekinah” ba ay biglang dumating sa labas, mula sa ikatlong kalangitan? Siya ba ay pumasok sa panlabas na pagsinag o pagliliwanag? Hindi, ang kaluwalhatian ay suminag mula sa loob Niya. Yaon ang dahilan na ito ay tinawag na pagbabagong-anyo. Gayundin, ang kaluwalhatian kung saan tayo dadalhin ay ang pinaka-kaluwalhatian na nasa loob natin ngayon. Hindi lamang ito obhektibo; ito ay lubusang subhektibo. Anong laking kaibhan sa pagitan nito at tradisyunal na pagtuturo hinggil sa kaluwalhatian! Nang tayo ay naisilang-na-muli, ang binhi ng kaluwalhatian ay naihasik na tungo sa atin. Ito ay mahiwaga.

Sa pagkasilang-na-muli isang elemento ng buhay ang pumasok tungo sa ating katauhan. Ang elemento ng buhay na ito ay hindi isang maliit na bagay; ito ay ang dibinong elemento ng Diyos. Ang lahat ng kung ano ang Diyos ay nasa substansyang ito, nasa elemento ng buhay na ito, na pumasok sa ating katauhan. O, gaano natin dapat matanto ang nangyari sa atin nang tayo ay naisilang-na-muli! Ang dibinong elemento ng Diyos ay pumasok tungo sa atin.

Nang ang mga anak ni Israel ay pumasok sa lupain ng Canaan, sila ay nagsimulang mamulaklak. Yaon ang kanilang kaluwalhatian. Ang yugto ng pamumulaklak na yaon ay isa ring yugto ng pakikipagbaka, sapagka’t sila ay nagsimulang makipagbaka kaagad pagkatapos nilang pumasok sa mabuting lupain. Ang unang pakikibaka na nilabanan nila ay sa Jerico. Pagkatapos sa Jerico, sila ay nakipagbaka nang tuluy-tuloy hanggang natalo ni David ang lahat ng mga kaaway at ang templo ay naitayo. Pagkatapos pinuno ng kaluwalhatian ng Diyos ang templo (1 Hari 8:10). Tila ba, na ang kaluwalhatian na pumuno sa templo ay bumaba mula sa itaas; sa katunayan, ang kaluwalhatian ay nasa mga anak ni Israel. Mula noong araw na tinawid nila ang Pulang Dagat, ang kaluwalhatian ay kasama na nila. Ang kaluwalhatian ay nasa haligi ng ulap at haligi ng apoy (Exo. 14:19, 24). Nang itinayo nila ang templo, napuno ng kaluwalhatian ang templo. Muli sinasabi ko na ang kaluwalhatian ay hindi nagmula sa itaas. Ito ay naroroon na, naghihintay lamang sa paglago at pag-unlad ng bayan. Nang ang mga anak ni Israel ay lubusang umunlad, pinuno ng kaluwalhatian ang templo.

Gayundin, tayong lahat ay nagsimula sa panahon ng ating pagkasilang-na-muli. Yaon ay ang ating Paskua. Mula sa panahon ng ating Paskua, ang panahon na nang ang binhi ng kaluwalhatian ay naihasik sa loob natin, ang binhing yaon ay patuloy na lumalago. Ang paglagong ito ay isang proseso ng pakikipagbaka. Maging ngayon tayo ay nasa ilalim pa rin ng proseso ng pagpasok sa kaluwalhatian.

Ngayon tayo ay handa na upang maunawaan ang Pinuno ng kaligtasan. Ang kaligtasan kung saan si Kristo ang Pinuno ay ang pinakakaligtasan na nagdadala sa atin tungo sa kaluwalhatian. Ang “ganitong kadakilang kaligtasan” ang nagdadala sa atin tungo sa kaluwalhatian, at si Kristo, ang ating Tagapagligtas, ay ang Pinuno ng kaligtasang ito. Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan lamang ito na ang ating Tagapagligtas ang nanguna upang makipagbaka tungo sa kaluwalhatian. Ang Panginoong Hesus ay hindi agad-agad na pumasok tungo sa kaluwalhatian. Sa buong panahon Niya sa lupa, isang proseso ng pakikipagbaka ang nagpapatuloy. Ang binhi ng kaluwalhatian ay nasa loob Niya at nakikipagbaka upang makalabas. Kung babasahin ninyo ang aklat ng mga Ebanghelyo, makikita mo na ang buhay ni Hesus ay isang buhay ng pakikipagbaka. Ang kasaysayan ng Kanyang buhay ay isang kasaysayan ng pakikipagbaka. Siya ay laging nakikipagbaka para sa paglago ng binhi ng kaluwalhatian. Nakipagbaka Siya upang ang kaluwalhatian ay makalabas at upang Siya ay madala tungo sa kaluwalhatian.

Huwag mong isipin na ang Panginoon ay pumasok sa kaluwalhatian nang Siya ay umakyat sa mga kalangitan. Hindi, bago pa ang Kanyang pag-akyat-sa-langit, habang Siya ay nasa lupa pa, Siya ay pumasok sa kaluwalhatian noong araw ng Kanyang pagka- buhay-na-muli. Ipinahihiwatig ng Lucas 24:26 na pumasok si Kristo tungo sa loob ng kaluwalhatian hindi sa pamamagitan ng pag-akyat sa langit kundi sa pamamagitan ng pagkabuhay-na-muli. Ang Kanyang pagkabuhay-na-muli ay ang Kanyang pagpasok tungo sa kaluwalhatian. Sa Kanyang buong buhay mula sa panahon na Siya ay naipanganak hanggang sa araw na Siya ay nabuhay sa mga patay, Siya ay nasa proseso ng pakikipagbaka. Hindi lamang nakipagbaka ang Panginoon para sa tagumpay kundi para sa kaluwalhatian. Nakipagbaka Siya para sa Kanyang pagluluwalhati. Hinawi ng Kanyang pakikipagbaka ang daan tungo sa kaluwalhatian. Sa bagay na ito ng pakikipagbaka para sa kaluwalhatian, Siya ang Tagapagbunsod (Pioneer). Pinamunuan Niya ang daan tungo sa kaluwalhatian. Kaya, kusa Siyang naging kwalipikado na maging lider ng mga pumapasok tungo sa kaluwalhatian. Kaya Siya ang Pinuno ng ating kaligtasan. Ngayon sinusundan natin ang Tagapagbunsod na ito na naghawi ng daan at pumasok tungo sa kaluwalhatian. Ang kaluwalhatiang yaon ay ang mabuting lupain ngayon. Kailangan nating tumawid sa ilog at pumasok sa lupaing ito. Sa isang pakahulugan, tumawid na si Kristo sa ilog at ngayon ay nasa kabilang panig na, sa lupain ng kaluwalhatian. Bagama’t Siya ay nasa loob ng kaluwalhatian, tayo ay wala pa roon. Tayo ay patungo pa lamang doon sa, sumusunod sa Kanya na ating Pinuno.

I. DINADALA NG DIYOS ANG MARAMING ANAK TUNGO SA KALUWALHATIAN

Nagtatag ang ating Diyos ng isang napakalaking korporasyon, isang napakalaking negosyo. Ang layunin ng korporasyong ito ay ang maisakatuparan ang isang bagay: ang dalhin ang maraming anak tungo sa kaluwalhatian (2:10). Ang korporasyon ng Diyos ay isang korporasyon ng kaluwalhatian. Ito ay hindi kumikita ng salapi, ito ay nagtatamo ng kaluwalhatian.

A. Ang Lahat ng Bagay Para sa Diyos

Upang dalhin ang maraming anak tungo sa kaluwalhatian, kailangang magkaroon ang Diyos ng isang angkop na kapaligiran. Kaya, nilikha Niya ang mga kalangitan, ang lupa, at ang lahat ng bagay. Ang lahat ng bagay ay para maisakatuparan ng Diyos ang Kanyang negosyong kaluwalhatian.

B. Ang Lahat ng Bagay sa Pamamagitan ng Diyos

Ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos para sa pagsasakatuparan ng Kanyang negosyong-kaluwalhatian ay umiiral sa pamamagitan ng Diyos. Ang Diyos ang nagpapanatili ng lahat ng bagay sa sansinukob upang ang mga ito ay magamit sa layunin ng pagsasakatuparan ng Kanyang negosyong kaluwalhatian.

C. Maraming Anak Sa Gitna ng Lahat ng Bagay

Ang lahat ng bagay ay para at sa pamamagitan ng Diyos. Sa gitna ng lahat ng mga bagay ay ang maraming anak ng Diyos na siyang ang sentro ng paglikha ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay para sa maraming anak ng Diyos sapagka’t ang korporasyon ng Diyos ay ang dalhin ang Kanyang maraming anak tungo sa kaluwalhatian. Ito ay nangangailangan ng napakaraming pakikipagbaka. Ito ang dahilan na ang Panganay na Anak ng Diyos ay ang Pinuno ng kaligtasan ng Kanyang maraming mga anak.

D. Tungo sa Kaluwalhatian

Ang gol ng Diyos ay ang dalhin ang Kanyang maraming anak tungo sa kaluwalhatian. Ang Kanyang Panganay na Anak, ang Panginoong Hesus, bilang ang Tagapagbunsod, ay nakipagbaka tungo sa kaluwalhatiang ito. Ngayon Siya ang Pinuno ng kaligtasan ng maraming anak ng Diyos na nagdadala sa kanila tungo sa Kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng pakikipagbaka. Tayo, ang maraming anak ng Diyos, ay patungo na rito at, nakikipagbaka tungo sa kaluwalhatian na itinalaga ng Diyos para sa atin.

II. GINAGAWA SI HESUS NA SAKDAL SA PAMAMAGITAN NG MGA PAGDURUSA

Upang maisakatuparan ang Kanyang layunin ng pagdadala ng maraming anak tungo sa kaluwalhatian, ang Diyos ay magkakaroon ng isang halimbawa, isang modelo. Ang isang yaon ay nararapat na maging ang kwalipikadong Pinuno na mangunguna upang dalhin ang maraming anak tungo sa kaluwalhatian. Si Hesus ay ang Pinunong ito. Bago naging Pinuno si Hesus, gayunpaman, kailangan Niyang maging sakdal sa pamamagitan ng mga pagdurusa (2:10). Nang nabasa ko ang Bibliya sa aking kabataan, ako ay nabagabag ng bersikulo sa Hebreo 2 na nagsasabi na si Hesus ay kinakailangang mapasakdal. Sa isang panig, alam ko na si Hesus ay sakdal. Sa kabilang panig, sinasabi ng 2:10 na Siya ay kailangang pasakdalin. Kaya para sa akin tila ba si Hesus ay hindi sakdal. Subali’t Siya ay tunay na sakdal. Bagama’t Siya ay sakdal bago ang Kanyang pagkakatawang-tao, wala Siyang karanasan ng pantaong pagdurusa. Kailangang Siyang pasakdalin sa pamamagitan ng pagdurusa bago siya maging pinuno ng Kaligtasan. Ang salitang “sakdal” sa 2:10 ay nangangahulugang madala sa katapusan o kasukdulang ganapan sa pamamagitan ng pagkakumpleto o pagpapasakdal. Bago maganap ang Kanyang pagkakatawang-tao, si Hesus ay hindi pa kwalipikadong maging Pinuno ng kaligtasan. Upang maging kwalipikado sa katungkulang ito, kailangan Niyang dumaan sa pantaong pagdurusa. Kaya, ang gawin si Hesus na sakdal ay hindi nagpapahiwatig ng anumang di-kasakdalan sa katangian o kagalingan kay Hesus, kundi ang pagkukumpleto lamang ng Kanyang karanasan ng mga pantaong pagdurusa na nagpapaging-dapat sa Kanya upang maging Pinuno, ang Lider, ng kaligtasan ng Kanyang mga tagasunod. Yamang dumaan si Hesus sa lahat ng pantaong pagdurusa, Siya ay napasakdal, ginawang kwalipikado, upang punuan ang katungkulang ito. Siya ay kwalipikadong dalhin ang maraming anak ng Diyos tungo sa rehiyon ng kaluwalhatian na pinasukan na Niya bilang ang Tagapagbunsod.

Bakit binanggit ng manunulat ng Hebreo ang pagdurusa? Sapagka’t nang ang liham na ito ay naisulat ang mga Kristiyanong Hebreo ay nagdurusa (10:32-35). Sila ay inuusig. Sa isang pakahulugan, ang kanilang mga pagdurusa ay hindi mabuti, sapagka’t sila ay lubhang nababagabag nito. Sa isa pang pakahulugan, gayunpaman, ang pagdurusang yaon ay ang prosesong tumutulong sa kanila na pumasok tungo sa kaluwalhatian. Sinasabi sa kanila ng manunulat na ang Panginoong Hesus, bilang ang Pinuno ng kaligtasan, ay nauna na sa kanila upang matulungan Niya silang tumawid sa tubig ng pagdurusa at pumasok sa kaluwalhatian. Ito ang konsepto ng manunulat. Ang konseptong ito ay malalim. Tila ba sinasabi ng manunulat sa mga Hebreong mananampalataya na, “Mga Kapatid na Hebreo, dapat ninyong matanto na ang ating Hesus ay ang tunay na Josue. Nanguna Siya upang tawirin ang Ilog Jordan. Huwag mong alisin sa Kanya ang iyong paningin. Tingnan mo Siya at sundan ang Kanyang mga yapak. Siya ay dumaan na sa lahat ng mga pagdurusa at nakapasok na sa kaluwalhatian. Siya ang ating Tagapagbunsod, ang ating Tagapagpauna. Siya ay nauna na sa atin upang tahakin ang daan tungo sa kaluwalhatian. Ang daan ay nahawi na at ang kailangan mo na lamang gawin ay ang sumunod sa Kanya. Huwag kang mabagabag ng iyong mga pagdurusa. Kinakailangang mapalakas ang loob mo. Ang lahat ng mga pagdurusa ay tumutulong sa iyo sa daan ng Sion.” Si Hesus ay tunay na ang Pinuno ng kanilang kaligtasan. Ngayon nauunawaan na natin ang kahulugan ng terminolohiyang ito.

III. ANG TAGAPAGBUNSOD, ANG LIDER, AT ANG PINUNO

Yamang si Hesus ay napasakdal sa pamamagitan ng Kanyang pagdaranas sa mga pantaong pagdurusa sa laman, kwalipikado Siyang okupahan ang katungkulang Pinuno ng ating kaligtasan. Siya ay naging ang Tagapagbunsod, ang Lider, at ang Pinuno. Tinahak Niya ang daan tungo sa kaluwalhatian, nanguna Siya upang pumasok sa kaluwalhatian, at Siya ngayon ang Pinuno na nagdadala ng Kanyang mga tagasunod sa kaluwalhatian.

IV. KALIGTASAN

Ang ating kaligtasan ay isang “ganitong kadakilang kaligtasan.” Ang kaligtasang ito ay napakalalim. Ito ay hindi lamang isang bagay ng pagliligtas sa atin mula sa ating natisod na kalagayan, bagkus isang bagay din ng pagdadala sa atin tungo sa kaluwalhatian. Hindi tayo makikidnap tungo sa kaluwalhatian; tayo ay maliligtas tungo sa kaluwalhatian sa pamamagitan ng daan ng pagdurusa.

Hayaan ninyo akong magsalita ng salita ng pang-aaliw at pagpapalakas-ng-loob sa inyong lahat. Mas lalo nating sinusundan si Kristo sa Kanyang daan, mas lalo tayong dapat na maging handa na dumanas ng mga pagdurusa. Ang mga pagdurusa ay mabuti. Ang mga ito ay napakalaking tulong. Kailangan nating halikan ang mga pagdurusa at kalugdan ang mga ito. Kailangan nating pasalamatan ang Panginoon para sa ating mga pagdurusa sapagka’t ang lahat ng mga pagdurusa ay mga katulong natin. Sa malao’t madali sasabihin mo, “mga pagdurusa, kayo ang naging mga mahal na katulong ko. Malaki ang pagkakautang ko sa inyo. Kapag ako ay dumadaan sa inyo, hindi ko kayo gusto sapagka’t noon ay hindi ko alam kung gaanong kalaking tulong kayong talaga sa akin. Salamat sa ginawa ninyo.” Mas lalo tayong (mga Kristiyano) na nananalangin at nagmamahal sa Panginoon, maaaring mas maraming suliranin ang natataglay natin. Ayon sa ating mga karanasan, matatanto natin na maraming suliranin ang sukat na sukat ang pagkakabigay. Ang mga ito ay hindi napakahaba o napakaiksi. At tila ang lahat ay dumarating sa tamang panahon. Kapag lumilingon tayo sa ating mga karanasan, nakikita natin kung gaanong kabuti na ang gayong mga bagay ay nangyari nang panahon na ang mga ito ay nangyari. Huwag kang mabagabag ng iyong mga suliranin. Anuman ang mangyari sa iyo, sabihin mo lamang na, “Purihin ang Panginoon. Ito ang proseso ng pagpunta sa kaluwalhatian.” Tingnan mo ang ating Pinuno. Siya ay nagbubunsod; Siya ay nakikipagbaka. Sundan natin Siya. Hindi Niya tayo pinangungunahan sa ilang obhektibong kaluwalhatian, kundi tungo sa pinakakaluwalhatiang naitanim sa ating panloob na katauhan. Ang kaluwalhatian na itinanim sa loob natin bilang isang binhi ay lalago tungo sa kaluwalhatian na siya nating papasukan. Nawa ang Espiritu ay magsalita pa sa atin hinggil sa bagay na ito ng pagpasok tungo sa kaluwalhatian.

Kung ihahambing mo ang sinabi natin tungkol sa kaluwalhatian sa mensaheng ito na may kahulugan na natatagpuan sa Roma 8:17-18,21, makikita mo na ang mga ito ay pareho. Ang maluwalhati ay hindi ang makidnap tungo sa isang rehiyon ng nagniningning na kaliwanagan. Ang kaluwalhatian kung saan tayo papasok ay ang kaluwalhatian ng dibinong elemento na naitanim sa loob natin. Tayo ay hindi pumapasok tungo sa kaluwalhatiang ito sa pamamagitan ng ating sarili lamang kundi kasama ang Pinuno na nagbunsod ng daan, na pumasok sa kaluwalhatian, at ngayon ay dinadala tayo tungo sa kaluwalhatian. Muli, nakikita natin na tayo ang tunay na mananawid ng ilog. Tinatawid natin ang ilog upang pumasok sa kaluwalhatian.

 

Mga Nilalaman